Do Not Lose Heart (Part 3)

2 Corinthians 4  •  Sermon  •  Submitted   •  Presented
0 ratings
· 33 views
Notes
Transcript

“So we do not lose heart” (2 Cor. 4:1, 16)

Marami naman talagang hindi magagandang nangyayari sa buong mundo araw-araw. Bahagi ito ng consequences na dulot ng pagkakahulog ng tao sa kasalanan. Dahil dito, sinabi ni Pablo na “dumaraing ang sangnilikha dahil sa matinding hirap,” at kahit tayong mga anak na ng Diyos ay “dumaraing din” (Rom. 8:22–23). Mahirap ang buhay—Kristiyano ka man o hindi. Buti sana kung magaan lang, pero paano kung napakabigat na? Buti sana kung paminsan-minsan lang, pero paano kung sunud-sunod na? May problema sa pera, tapos namatayan pa, tapos may nakaaway pa, tapos nakagawa ulit ng malaking kasalanan. Tapos sunud-sunod ang kailangan mong kausapin, ang kailangan mong tulungan, ang kailangan mong iiyak na naman kay Lord sa panalangin. Tapos mararamdaman mo pa na para bang hindi mo na kakayanin, kahit may gustong tumulong sa ‘yo, parang kulang pa rin. Parang gusto mo nang sumuko. Parang ayaw mo nang magpastor kung ganito kasakit sa puso, o ayaw mo nang magserve sa ministry kung ganito kahirap, o ayaw mo nang maging member ng church kung ganito kasalimuot o ka-messy, o ayaw mo nang maging Kristiyano kung ang dami naman palang sakripisyo ang pagsunod kay Cristo.
This is what it feels like to “lose heart” o panghinaan ng loob o masiraan ng loob. Hindi mo man ‘yan nararamdaman ngayon, pero posibleng dumating sa ‘yo sooner or later. Ito yung dahilan kung bakit meron tayong short series na “Do Not Lose Heart” base sa sulat ni Pablo sa 2 Corinthians 4. Gusto kasi nating malaman kung ano ang sikreto ni Pablo bakit sa kabila ng mga hirap na nararanasan niya, mabibigat din, sunud-sunod din, nasasabi pa rin niya, “Therefore…we do not lose heart…So we do not lose heart…So we are always of good courage…” (2 Cor. 4:1, 16; 5:6). Hindi ito basta mere positive thinking lang. Bunga ito ng mahigpit na pagkapit sa salita ng Diyos.
Ang pananampalataya ni Pablo sa Diyos ay nakakabit sa mga katotohanan tungkol sa Diyos at sa kanyang mabuting gawa sa buhay natin. Sa unang bahagi (verses 1–6), nakita natin na ang mga dahilan kung bakit hindi pinanghihinaan ng loob si Pablo ay dahil alam niya ang tunay na kalagayan ng taong bulag sa kagandahan ni Cristo, dahil alam niya ang dakilang kapangyarihan ng Diyos sa pagliligtas sa sinumang nais niyang iligtas, at dahil alam niya ang kasapatan ng awa ng Diyos sa kanyang ministeryo araw-araw. Ito rin ang katotohanang dapat nating panghawakan. Sa ikalawang bahagi naman (verses 7–15), ine-encourage tayo ni Pablo sa pamamagitan ng pagpapaalala sa atin ng apat pang dahilan kung bakit hindi tayo dapat panghinaan ng loob—dahil sa pamamagitan ng mga kahinaan at kahirapan natin ay mas nahahayag ang dakilang kapangyarihan ng Diyos, ang realidad ng pakikipag-isa natin kay Cristo, ang pananabik natin sa darating na buhay na walang hanggan sa piling ni Cristo, at ang ibayong kaluwalhatian ng Diyos para na rin sa ikabubuti natin. For his glory and our good.
Ituloy natin ngayon kung ano pa ang gustong sabihin ni Pablo kung paano rin tayo tutulad sa kanya na hindi pinanghihinaan ng loob. Kaya sinabi ni Pablo sa verse 16, “So we do not lose heart.” Sinabi niya na dahil sa mga katotohanang kanyang nabanggit kaya nananatiling malakas ang loob niya, kaya hindi siya hihinto kahit mahirap, kaya hindi siya aayaw sa ipinapagawa sa kanya ni Lord, kaya patuloy siyang maglilingkod sa mga kapatid niya kahit na matigas ang ulo nila, kaya patuloy siyang magpi-preach ng gospel sa mga unbelievers kahit na nire-reject at pine-persecute siya. At dahil ang puso natin ay likas na madaling panghinaan ng loob, at marami tayong mga dinadahilan to justify ang mga nararamdaman at ginagawa natin, kaya nagpatuloy pa si Pablo na sabihin kung anu-ano pa ang dahilan na kailangan natin para ma-encourage na magpatuloy. At ang mga susunod na tatlong dahilang ito ay may kinalaman sa kung paanong ang mga hirap na nararanasan natin bilang mga tagasunod ni Cristo ay makakabuti para sa atin—for our good. Pakinggan natin kung ano ang sinasabi ni Pablo sa verses 16–18:
Kaya’t kami ay hindi pinanghihinaan ng loob, bagamat ang aming panlabas na pagkatao ay nabubulok, ang aming panloob na pagkatao ay binabago sa araw-araw. Sapagkat inihahanda tayo nitong magaan at panandaliang kapighatian para sa walang hanggan at di-masukat na kaluwalhatian, sapagkat hindi kami tumitingin sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na hindi nakikita, sapagkat ang mga bagay na nakikita ay may katapusan, subalit ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan. (2 Cor. 4:16–18 AB)
Dapat talagang magkaroon ng pagbabago ang perspective natin sa pagtingin o pag-evaluate sa mga hirap na nararanasan natin. Heto pa ang tatlong dahilan kung bakit tayo hindi dapat panghinaan ng loob.

I. Transformation: Para baguhin tayo araw-araw (v. 16)

Ang una ay may kinalaman sa disenyo ng Diyos sa mga sufferings natin for our transformation. Ginagamit ng Diyos ang mga hirap na dinaranas natin para baguhin tayo araw-araw. Verse 16, “Kaya’t kami ay hindi pinanghihinaan ng loob, (ang dahilan?) bagamat ang aming panlabas na pagkatao ay nabubulok, ang aming panloob na pagkatao ay binabago sa araw-araw”; “So we do not lose heart. Though our outer self is wasting away, our inner self is being renewed day by day.”
Dalawang realidad—totoong pareho—ang binabanggit niya rito side-by-side. Parehong totoo, pero ang isa rito, ang pangalawang babanggitin niya ay higit na mahalaga kaysa sa una. Tinuturuan tayo dito ni Pablo na mas pahalagahan ang higit na mahalaga. Not to deny the reality of our sufferings, na para bang balewala na lahat yun. No, but to face it as it is. Kaya sabi niya, “Bagamat ang aming panlabas na pagkatao ay nabubulok,” “though our outer self is wasting away.” Totoo naman ‘yan. Posible na ang tinutukoy niya rito na panlabas na pagkatao ay yung pisikal na katawan natin: tumatanda, humihina, napapagod, nagkakasakit, maaaring gumaling, maaari ring hindi na gumaling at mas lumala pa, at eventually ay mamamatay. Siyempre, kung ano ang nangyayari sa katawan natin, may epekto sa buong pagkatao natin. Posible na dahil nanghihina at pagod na pagod na ang katawan mo ay panghihinaan ka na rin ng loob. Ang panlabas na pagkatao natin ay maaaring makaapekto sa panloob na pagkatao natin. Hindi naman natin ‘yan basta-basta mapaghihiwalay. Pero sinabi ni John Calvin sa commentary niya sa verse na ito na isang pagkakamali kung lilimitahan lang natin ang “outer self” sa katawan natin. Ayon sa kanya, layon dito ni Pablo na kasali rito ang lahat ng bagay na may kinalaman sa buhay natin sa kasalukuyan: “riches, honours, friendships, and other resources” (1-2 Corinthians, 2:211). Sa buhay na ito, mararanasan nating mabawasan o tuluyang mawala ang mga bagay na ‘yan na inaakala nating kailangan natin para maging masaya o makabuluhan ang buhay.
Pero, ayon kay Paul, kapag nangyayari ‘yan, God is at work in our hearts: “ang aming panloob na pagkatao ay binabago sa araw-araw,” “our inner self is being renewed day by day.” Sa halip na panghinaan ng loob, we take heart and encouragement and strength sa ginagawa ng Diyos para baguhin tayo at maging tulad ni Cristo. We are now a “new creation” in Christ (2 Cor. 5:17), at binabago tayo araw-araw. Progressive ito, nagpapatuloy, tumutukoy sa transformation o sanctification natin: to “be transformed by the renewal of your mind” (Rom. 12:2); to “put on the new self, which is being renewed in knowledge after the image of its creator” (Col. 3:10); “to be conformed to the image of his Son” (Rom. 8:29), ‘yan ang layunin ng Diyos sa buhay natin, not an easy and comfortable life. Habang natututo tayong tumingin kay Cristo sa mga oras na mahina ang katawan natin, kaunti ang financial resources natin, kaunti ang encouragement na nakukuha natin sa mga kaibigan natin, at masasakit ang mga nararanasan natin, binabago tayo ng Diyos. We “are being transformed into the same image (the image of Christ!) from one degree of glory to another” (2 Cor. 3:18). Hindi lang niya hinahayaang maranasan natin ang mga kahirapan sa buhay, siya mismo ang nagplano at nagtakda na maranasan natin ang mga ito to accomplish his transforming work sa buhay natin, day by day, walang hinto, walang day off, until that final day na masisilayan natin si Cristo at magiging lubos na tulad na tayo ni Cristo (1 John 3:2).
Sabi pa ni Calvin tungkol dito:
Sapagkat habang tayo ay masyadong nababahala sa kasalukuyang buhay, hangga’t ang lahat ay napupunta sa ating isipan, sa mga panahong iyon ay nananawagan ang Panginoon sa atin na manumbalik upang pagbulayan ang isang mas mainam na buhay (a better life), sa pamamagitan ng pag-aalis sa atin, paunti-unti, ng mga bagay na kinahuhumalingan natin. Kaya nga kinakailangang ang kalagayan ng kasalukuyang buhay ay mabulok, upang ang panloob na pagkatao natin ay mailagay sa mabuting kalagayan (a flourishing state); dahil habang umuurong ang makamundo nating buhay ay sumusulong naman ang makalangit nating buhay. Totoo ito para sa mga mananampalataya.
Para lang sa mga nakay Cristo. Kaya kung ikaw ay hiwalay kay Cristo, hindi mo maaasahang ang mga hirap na nararanasan mo ngayon ay para sa ikabubuti mo. Even the good things you are enjoying right now ay hindi magiging para sa ikabubuti mo balang araw. Pero kung ikaw ay nakay Cristo, nagtitiwala tayo na dahil si Cristo ay dumanas na ng katakut-takot na hirap sa krus para sa atin, “all things work together” for our good (Rom. 8:28). At ano yung “good” na yun, ang tayo ay maging katulad ni Cristo (v. 29)—sa pagtitiyaga, sa pananamapalataya, sa pagmamahal, at sa pagsamba. Ikinumpara ito ni Kent Hughes sa isang demolition ng isang lumang bahay (ang dati nating pagkatao ay “being deconstructed”) at pagtatayo naman ng isang bagong bahay (ang bago nating pagkatao kay Cristo ay “being reconstructed”): “The deconstruction is typically messy (talaga!), but daily transformation is beautiful (yes!)” (2 Corinthians, 99). So, bakit ka panghihinaan ng loob kung alam mo at pinaniniwalaan mong ang mga kahirapan na nararanasan natin sa buhay, sa pamilya, at sa paglilingkod ay ginagamit ng Diyos para baguhin tayo araw-araw?

II. Preparation: Para ihanda tayo sa kaluwalhatiang darating (v. 17)

Ang ikalawang dahilan naman ay may kinalaman sa disenyo ng Diyos sa mga sufferings natin as preparation for the future, para ihanda tayo sa kaluwalhatiang darating. Kung sa verse 16 ay may kinalaman sa kabutihang dulot nito sa buhay natin ngayon (inner renewal), dito naman sa verse 17 ay may kinalaman sa kabutihang dulot nito sa buhay na darating. Sa verse 16 ay present, sa verse 17 ay future. Sabi ni Paul, “Sapagkat inihahanda tayo nitong magaan at panandaliang kapighatian para sa walang hanggan at di-masukat na kaluwalhatian,” “For this light momentary affliction is preparing for us an eternal weight of glory beyond all comparison.” Sinimulan niya ito sa salitang “sapagkat,” para sabihin kung ano ang dahilan hindi lang kung bakit hindi tayo dapat panghinaan ng loob, kundi kung paanong ang inner self natin ay binabago araw-araw.
Nagsisimula ito sa tamang pagtingin sa mga “kapighatian” natin ngayon. Tinawag ito ni Paul na “magaan at panandalian,” “this light momentary affliction.” Magaan lang daw ‘yan, parang bulak, o parang dahon, o parang balahibo ng ibon. Sandali lang daw ‘yan, hindi ‘yan magtatagal, matatapos din agad. Weh? Di nga? Niloloko yata tayo ni Pablo, at nagsasalita lang ng mga positibong bagay para pagaanin ang bigat na nararamdaman natin sa mga sufferings natin. Hindi naive si Paul, hindi siya in denial sa hirap ng pagiging Kristiyano. Kung ganyan ang conclusion mo kay Paul, hindi mo siya talaga kilala. Sabi nga niya sa chapter 1, “Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang mga kapighatiang dinanas namin sa Asia. Napakabigat ng aming dinanas, anupa’t akala namin ay mamamatay na kami” (1:8) Napakabigat, literally, “utterly burdened beyond our strength” (ESV). Pero dito sa chapter 4, bakit sinabi niyang “magaan” kung “napakabigat” naman pala?
Yun ay dahil meron siyang pinagkukumparahan. Ine-evaluate o sinusukat natin ang isang bagay depende sa standard na pinagkukumparahan natin. Mura yung 200 pesos na lunch kung ikukumpara sa pagkain sa five-star hotel. Pero mahal kung ikukumpara sa luto ng nanay mo. Mataba ka kung ikukumpara sa mga kasali sa Miss Universe, pero payat naman o sakto lang kung ikukumpara sa mga heavyweight sumo wrestlers. Kaya nasabi ni Pablo na “magaan” ang mga afflictions niya ngayon ay dahil sa “bigat” o greater weight o value ng buhay na mararanasan niya balang araw, “an eternal weight of glory.” Yung “burdened” sa sinabi niya sa 1:8 ay pareho ng “weight” dito sa 4:17. Pero kung pagkukumparahin, ang bigat ng sufferings niya ay nagiging magaan. Ang kaluwalhatiang naghihintay sa atin ay higit na mahalaga o significant in value kung ikukumpara sa anumang bigat ng hirap na maranasan natin sa buhay na ito. Similarly, sinabi niyang “panandalian” ang mga sufferings niya in comparison sa “eternal weight of glory.” Maaaring tumagal ang hirap mo ng 20 years, o 50 years, o 80 years. Matagal nga naman ‘yan. Pero compared to 80 trillion years and more in eternity, maikli lang, napakaikli lang.
Mahalaga ang tamang perspective sa sufferings natin. Hindi lang “a little better” ang buhay na darating kaysa sa buhay natin ngayon. Ang sabi ni Paul, “beyond all comparison.” Parehong hyperbole ang Greek word na ginamit niya sa verse 7, para tukuyin ang “surpassing power” of God, at dito sa verse 17. Ang pagkakaiba, dalawang beses niyang ginamit ito, hyperbolen eis hyperbolen, para sabihin na hindi lang better, but much much much better, kaya nga sa LSB, “far beyond all comparison” ang translation. Magbabago talaga ang perspective natin sa mga nararanasan natin sa buhay natin ngayon kung matututo tayong ikumpara ito with the glory that is coming. Kaya nga sabi ni Paul sa Romans, “Para sa akin, ang mga pagtitiis natin sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa kaluwalhatiang ipahahayag sa atin balang araw” (Rom. 8:18 MBB). “Not worth comparing,” no match, walang kapantay ang buhay na inilaan ng Diyos para sa atin. Do you believe that, kapatid?
Kung titingnan pa nating mabuti ang sinasabi ni Paul dito sa verse 17, mapapansin din nating hindi lang comparison ng buhay natin ngayon sa buhay na darating ang binibigyan niya ng diin. Meron pang isa. Meron ding connection ang buhay natin ngayon sa buhay na darating. Listen again, “For this light momentary affliction is preparing for us an eternal weight of glory beyond all comparison.” “Inihahanda tayo” nitong mga paghihirap ngayon para sa kaluwalhatiang darating. In a sense, hindi “insignificant” yung mga sufferings ngayon. Merong significance dahil instrumento ito ng Diyos na ginagamit niya para matupad ang mga eternal purposes niya sa buhay natin. Hindi ibig sabihin na nakasalalay sa sakripisyong gagawin natin ang magiging klase ng buhay natin in the future. Christ and his once-for-all sacrifice already secured that future para sa ating mga nakay Cristo. Ang point dito, sa plano ng Diyos ay kasali itong mga sufferings natin bilang mga Kristiyano in bringing about our future glory. Walang suffering, walang glory. Totoo ‘yan para kay Jesus. Pagkatapos ng mga pagdurusa niya at kamatayan sa krus, “God has highly exalted him” (Phil. 2:5-11). Totoo rin ‘yan para sa mga tagasunod ni Cristo. Ganito in-encourage ni Paul na magpatuloy sa pananampalataya nila ang mga unang Christians, “through many tribulations we must enter the kingdom of God” (Acts 14:22). Heto pa, “Tayo'y mga anak ng Diyos. At yamang mga anak, tayo'y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo. Sapagkat kung tayo'y kasama niya sa pagtitiis, tayo'y makakasama niya sa kanyang kaluwalhatian” (Rom. 8:16-17 MBB).
So, kung ang mga hirap na dinaranas mo ngayon—magaan at panandalian lang kung ikukumpara sa buhay na walang hanggan na meron tayo—ay naghahanda sa atin para sa araw na makakasama na natin si Cristo, bakit nga naman tayo panghihinaan ng loob?

III. Vision: Para ibaling ang paningin natin sa mga bagay na higit na mahalaga (v. 18)

Ang ikatlong dahilan naman ay may kinalaman sa disenyo ng Diyos sa mga sufferings natin for our vision, spiritual vision, para ibaling ang paningin natin sa mga bagay na higit na mahalaga. So heto pa ang isang dahilan kung bakit siya hindi pinanghihinaan ng loob: verse 18, “sapagkat hindi kami tumitingin sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na hindi nakikita, sapagkat ang mga bagay na nakikita ay may katapusan, subalit ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan” (AB), “as we look not to the things that are seen but to the things that are unseen. For the things that are seen are transient, but the things that are unseen are eternal.”
Hindi automatic na lahat ng sufferings na nararanasan natin ay makakabuti sa atin, at least kung pinag-uusapan natin ay mga short-term consequences nito. Mahalaga kasi ang response natin sa mga sufferings natin. At kumikilos din naman ang Diyos sa puso natin para maturuan tayo how to respond well sa mga ‘yan. So, let us not waste our sufferings. Hindi masasayang ang mga ‘yan kung matututunan natin kung saan dapat tumingin. At ito rin naman ang gustong ituro sa atin ng Diyos.
Tulad ni Pablo, “sapagkat hindi kami tumitingin sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na hindi nakikita.” Ang mga bagay na nakikita ay hindi lang yung mga nakikita ng physical eyes natin, kasali rin yung mga nape-perceive at nararanasan o nararamdaman ng mga natural senses natin. Kapag nararamdaman mong sobrang sakit sa dibdib ng mga nangyayari, kapag iniiyakan mo ang mga pagkasira ng mga relasyon, kapag nadidismaya ka sa mga kinakausap mo na hindi nag-rerespond sa gospel, kapag hirap na hirap na ang katawan mo at hindi pa gumagaling ang sakit. Kapag tinitingnan natin ang mga ‘yan, we are overwhelmed. Ang solusyon na sinasabi ni Pablo ay hindi basta i-ignore na lang o hindi na pansinin ang mga ‘yan. Kundi ipako ang paningin, to fix our eyes hindi sa mga bagay na ‘yan, kundi saan?
“Sa mga bagay na hindi nakikita.” Akala natin sobrang dami ng mga nakikita o nararanasan nating mga di-magagandang bagay sa buhay natin. Pero sa totoo lang, mas marami pa tayong hindi nakikita na yun dapat ang pagtuunan natin ng pansin. Sabi nga ni John Piper, “May ginagawa ang Diyos sa buhay mo ngayon na sampung libong bagay, at ang nakikita mo lang ay sampu.” Ang point niya, ‘wag kang basta-basta mag-conclude base lang sa kung ano ang nakikita mo: “Hindi ako gumagaling sa sakit, hindi pala nakikinig si Lord sa mga prayers ko”; “May problema pa rin ako financially, hindi pala good provider ang Panginoon”; “Kung ganito ang nangyayari sa relasyon naming mag-asawa, mabuti ba talaga at tapat pa talaga ang Diyos sa mga pangako niya?” May mga bagay talaga na hindi ipinapakita sa atin ng Diyos, pero yung gusto niya na makita natin, hilingin natin sa Diyos na bigyan tayo ng mata, spiritual eyes, spiritual senses para makita natin kung ano ang ginagawa niya, at ng pananampalataya na patuloy na kumapit sa kanya especially sa mga panahong hindi natin nalalaman at naiintindihan ang maraming bagay. “We walk by faith, not by sight” (2 Cor. 5:7; also Heb. 11:1).
Bakit naman tayo titingin sa mga bagay na di-nakikita? Di ba’t mas natural na yung nakikita ang titingnan natin? Paliwanag ni Pablo, “sapagkat ang mga bagay na nakikita ay may katapusan, subalit ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.” Sabi niya, Bakit nga naman natin hahayaan ang isip natin na ang palaging isipin yung mga bagay na “transient,” o temporary lang, o hindi naman magtatagal? Bakit nga naman natin hahayaang ang puso natin ay ma-consume ng mga bagay na lilipas din? Ang yaman na meron ka mawawala din naman talaga ‘yan. Ang marriage na meron ka, kahit gaano kasaya at ka-fulfilling, may katapusan pa rin. Ang pagtingin sa ‘yo ng mga tao, kahit gaano kaganda, maglalaho rin. Pero ang mga bagay na hindi nakikita yun ang “walang hanggan,” walang katapusan. Ang Diyos na invisible ay nakita natin sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo. Ang Diyos Ama, Anak, Espiritu—‘yan ang eternal. Ang relasyon natin kay Cristo, ‘yan ang forever. Ang buhay na meron tayo kay Cristo, ‘yan ang walang katapusan. Ang kaligayahan at kayamanan na meron tayo kay Cristo, ‘yan ang hindi mauubos. So? Ipako natin ang isip at puso natin sa mga bagay na nasa langit, hindi sa mga bagay dito sa mundo, sabi nga ni Pablo sa Colossians 3:2.
Kapatid, saan ka nakatingin ngayon? Kung pinanghihinaan ka ng loob, ibig sabihin ay nakatingin ka sa mga bagay na not worthy of your attention and affection. Pero hindi tayo panghihinaan ng loob dahil meron tayong Diyos na gumagawa sa mga paghihirap na dinaraanan natin para ibaling ang paningin natin sa mga bagay na higit na mahalaga. Si Cristo at ang buhay natin sa kanya ang higit na mahalaga. Siya ang lahat-lahat sa atin (Col. 3:11), at nare-realize lang natin ‘yan sa mga panahong tayo ay walang-wala.

Personal Questions

Nakatatlong sermons na tayo sa 2 Corinthians 4. And I hope naging encouraging ito para sa bawat isa sa atin, kung paanong naging encouraging din ito sa akin. Very timely, kasi nitong mga nakaraang araw, meron talagang sunud-sunod na mga pangyayari na nakaka-discouraged talaga. Pero sapat palagi ang biyaya ng Diyos sa atin, ‘yan naman ang maaasahan natin. As we close this mini-series, para mas mag-benefit tayo dito, tanungin mo ang sarili mo ng mga personal na tanong na ‘to:
Anong mga bagay sa buhay mo ngayon ang nakapagpapahina ng loob mo?
Nadi-discourage ka ba kasi hindi nagre-respond sa gospel ang mahal mo sa buhay, thinking na somehow ito ay dahil sa pagkukulang mo? Nadi-discourage ka ba kasi yung dini-disciple mo o pinagpe-pray mong kapatid sa Panginoon ay nahulog na naman sa kasalanan at mukhang nagiging mas matigas ang puso? O dahil meron kang sakit o ang kapamilya mo, at mukhang hopeless na ang sitwasyon? O meron kayong mabigat na financial problems na hindi mo sigurado kung kailan pa kayo makakaahon? O merong problema sa relasyon ninyong mag-asawa o sa pamilya o sa ibang members ng church na sa halip na maging maayos ay lumalala pa ang sitwasyon? Ano ang nakapagpapahina ng loob mo? Anuman yun, sabihin mo sa Panginoon. Alam naman din niya yun, pero iba pa rin kung magiging honest ka sa kanya, at iha-humble mo ang sarili mo, at sasabihin sa kanya, “Lord, nanghihina ako, kailangan ko ang tulong mo. Hindi ko kakayanin kung wala ka.” At sabihin mo rin sa mga kasama mo sa church. ‘Wag mong sarilinin ‘yan. ‘Wag mong sabihin, “Kami na lang ni Lord ang nagkakaintindihan sa problemang ito.” Usually kasi, ang tulong na ibinibigay ng Diyos ay sa pamamagitan din naman ng tulong na nanggagaling sa mga kapatid natin kay Cristo.
Anong mga katotohanan ang dapat mong alalahanin para hindi ka panghinaan ng loob?
Hindi ko naman kayo makakausap araw-araw para paalalahanan. Bagamat meron din tayong responsibilidad sa isa’t isa na magpaalalahanan, pero sa maraming pagkakataon, hindi naman natin kasama ang isa’t isa. Kailangang masanay rin tayong kausapin ang sarili natin, hindi parang baliw na kinakausap ang sarili niya, kundi para hindi tayo mabaliw sa sangkatutak na problema na maaari nating harapin. Tulad ng psalmist sa Psalm 42, kinakausap niya ang sarili niya, “Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko? Bakit ka nababagabag sa loob ko? Umasa ka sa Diyos...O Diyos ko, ang aking kaluluwa ay nanlulumo sa loob ko; kaya't aking naaalala ka...” (Psa. 42:5-6). Sa bawat dahilan ng panghihina ng loob natin, merong isa man lang sa sampung tinalakay natin sa 2 Corinthians 4 ang kailangan nating alalahanin to fight against discouragements, sampung strategies na kailangan natin for us not to lose heart:
I-expect mo na ang mga di-Kristiyano ay bulag sa katotohanan. Bakit ka panghihinaan ng loob kung hindi sila mag-respond sa gospel?
I-expect mo ang makapangyarihang pagkilos ng Diyos sa tapat na pangangaral ng kanyang Salita. Ang resulta ay nakasalalay sa Diyos, hindi sa gawa natin.
I-expect mo ang awa ng Diyos sa ministeryo natin. Sapat ‘yan araw-araw.
Panghawakan natin ang katotohanang sa mga kahinaan natin ay nahahayag ang higit na kapangyarihan ng Diyos.
Panghawakan natin ang katotohanang sa tindi ng hirap na dinaranas natin ay nahahayag ang realidad ng pakikipag-isa natin kay Cristo sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay.
Alalahanin nating hindi sa kamatayan magtatapos ang mga paghihirap natin, kundi sa buhay na walang hanggan sa piling ni Cristo.
Alalahanin nating itinalaga ng Diyos ang mga paghihirap natin sa buhay ngayon para sa kanyang ikaluluwalhati at para sa ating ikabubuti. For his glory and our good.
Tandaan nating ang mga paghihirap natin ngayon ay itinakda ng Diyos para baguhin tayo araw-araw. Para tayo’y maging katulad ni Cristo.
Tandaan nating ang mga paghihirap natin ngayon ay itinakda ng Diyos para ihanda tayo sa kaluwalhatiang darating.
Tandaan nating ang mga paghihirap natin ngayon ay itinakda ng Diyos para ibaling ang paningin natin sa mga bagay na higit na mahalaga.
Ang higit na mahalaga? Si Cristo, at ang makilala siya, makita siya, at makapiling siya forever and ever. Yun naman ang kasasabikan natin kung tayo ay nakay Cristo.