Si Cristo at ang Mag-asawa

Ephesians  •  Sermon  •  Submitted   •  Presented
0 ratings
· 32 views
Notes
Transcript
Handout

Introduction

Ang relasyon natin kay Cristo ay bumabago sa relasyon natin sa ibang tao. Hindi pwedeng sinasabi mong Kristiyano ka, nakay Cristo ka na, pero yung pagiging Kristiyano mo ay dito lang nakikita sa loob ng church. Kung pagdating sa bahay, o pagpasok sa eskwelahan, o pagpasok sa trabaho, o sa pagnenegosyo, ay wala man lang nababakas na pagkakaiba sa buhay mo at sa buhay ng mga non-Christians na nakakahalubilo mo, there is something definitely wrong sa version of Christianity na meron ka.
Kaya naman sa mga susunod na bahagi ng pag-aaralan natin sa Ephesians, mula 5:22 hanggang 6:9, magbibigay si apostol Pablo ng series of instructions kung anong klaseng relasyon ang dapat na nakikita sa mag-asawa (5:22-33), sa pamilya (6:1-4), at sa trabaho (6:5-9). Yung paulit-ulit na references dito sa relasyon na meron tayo kay Cristo—“as to the Lord,” 5:22; “in the Lord” (6:1); “as to the Lord” (6:7)—ay nag-iindicate na itong mga ordinary human relationships na meron tayo ay nagbabago o nagkakaroon ng transformation dahil tayo ay nakay Cristo na.
Yung huling verse na napag-aralan natin, 5:21, ay nagsisilbing transition sa section na ‘to. Ito yung pang-apat na resulta ng pagiging puspos ng Espiritu o Spirit-filled, “submitting to one another out of reverence for Christ.” Hindi natural sa ating mga likas na makasalanan at makasarili na magpasakop sa pamamahala ng iba. Pero dahil sa Espiritu na nasa atin, sa pakikipag-isa at pagsunod natin kay Cristo, magagawa ‘yan ng babae sa kanyang asawa, ng anak sa kanyang magulang, ng alipin sa kanyang amo. Ipinaliwanag ni Harold Hoehner ang koneksyon ng mga susunod na bahagi ng Ephesians sa nauna (5:18-21), “For only believers filled by the Spirit are able to please the Lord by fulfilling their duties and are able to live blameless lives in close and continual contact with their family or employment relationships” (Ephesians, p. 729).
So, kailangan natin ng karunungang galing sa Diyos at sa kanyang salita, at ng kapangyarihan ng Espiritu, para magkaroon ng pagbabago sa mga relationships natin—sa loob at sa labas ng church, kapag Linggo at mula Lunes hanggang Sabado. In other words, the gospel changes everything sa buhay natin.
Tingnan muna natin ngayon ang tungkol sa relasyon ng mag-asawa sa 5:22-33. Dalawang linggo ang ilalaan natin sa passage na ‘to. Maiintindihan n’yo mamaya kung bakit. Directly may kinalaman ito siyempre sa mga may-asawa. Pero indirectly, meron ding mga implication para sa mga wala pang asawa, wala nang asawa, ayaw mag-asawa, ayaw nang mag-asawa, o ayaw na sa asawa. Anuman ang sitwasyon ninyo ngayon, ayon sa probidensya at pagkakatawag ng Diyos, prayer ko na magdulot ito ng pagbabago sa perspective at attitude natin tungkol sa pag-aasawa. Sa halip na maging “cultural” yung view natin sa pag-aasawa (masyadong naimpluwensiyahan ng nakasanayan ng mga tao sa paligid natin), prayer ko na ito ay maging “biblical” (hinuhubog kung ano ang sinasabi ng Salita ng Diyos). Sa halip na maging “transactional” (yung trato natin sa asawa natin na nakadepende sa trato nila sa atin, magiging faithful tayo kung faithful sila sa atin, pero kung hindi, bahala ka na), prayer ko na ito ay maging “transformational” (o gospel-driven, nakadepende sa gospel, o sa ginawa ni Cristo para sa atin).
Ang pangunahing tanong na sasagutin dito ni Paul ay: Paano tayo dapat makitungo sa asawa natin sa paraang consistent sa bagong pagkatao natin na nakipag-isa kay Cristo? Ang una ay sa vv. 22-24 tungkol sa responsibilidad ng babae, at sa vv. 25-30 naman ay sa lalaki. Yung vv. 31-33, tungkol sa hiwaga o mystery ng pag-aasawa ay siyang magiging focus natin next week.

A. Ang pagpapasakop ng babae sa kanyang asawa (vv. 22-24)

"Wives submit to your own husbands..." (v. 22). Sa original Greek, wala talaga dito yung utos na magpasakop. Pero implied yun sa verse 21, "submitting to one another out of reverence for Christ." Ang ibig sabihin ng "submit" o "magpasakop" ay ipailalim mo ang sarili mo awtoridad, pamamahala, pangunguna, at pangangalaga ng itinalaga ng Diyos na mamahala, manguna, at mangalaga sa 'yo. Sa kasong ito, ang asawang babae sa asawang lalaki. Hindi ang lalaki ang magsa-submit sa awtoridad ng asawang babae, dahil hindi yun ang order of authority na itinalaga ng Diyos sa relasyon ng mag-asawa. Hindi rin naman sinasabi dito na ang babae ay dapat magpasakop sa lahat ng lalaki, kundi doon lamang sa kanyang sariling asawa. "Mga babae, pasakop kayo sa sarili ninyong asawa..." Hindi ito nangangahulugan na mas mababa ang dignidad ng babae sa lalaki. Pareho ang lalaki at babae na nilikha sa larawan ng Diyos (Gen 1:26-27). Nangangahulugan lang ito na sa plano ng Diyos, meron order of authority and submission sa relationship.
Paano dapat magpasakop sa asawa? (v. 22)
Paano dapat magpasakop sa asawa? "...as to the Lord" (v. 22). Ibig sabihin, ang pagpapasakop ng babae sa kanyang asawa ay dapat na "tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon" (MBB). Nagpapasakop lang ba kayo sa Panginoon kung gusto n'yo? Kung feel n'yo ang pagpapasakop? Kapag gusto n'yo ang ipinapagawa niya? Kapag tingin n'yo ay advantageous o kumportable sa inyo ang pagsunod sa Panginoon? Of course not. We submit to Christ in everything. Ito yung point sa verse 24, "Now as the church submits to Christ, so also wives should submit in everything to their husbands." Sa MBB, "dapat pasakop nang lubusan." Sa Ang Biblia, "sa lahat ng bagay." Hindi ibig sabihin nito na hindi na pwedeng magsalita o mag-suggest yung babae sa asawa niya para sa mga decision-making. Hindi ibig sabihin na bawal siyang mag-disagree. Ibig sabihin, ang huling desisyon ay nasa lalaki. Nagpapasakop kayo sa asawa ninyo kung nagpapakumbaba kayo at masayang sumusunod sa pangunguna ng inyong asawa.
Ibig sabihin ba nito na absolute ang ganitong submission? Of course not. Ang absolute allegiance natin ay kay Cristo. Kapag may pinapagawa sa inyo ang asawa ninyo na labag sa kalooban ng Panginoon, meron kayong obligasyon na suwayin ang anumang human authority alang-alang sa paggalang, pagkatakot, at pagpapasakop sa Panginoon. "We must obey God rather than men," sagot nina Pedro at ng iba pang apostol sa mga human authorities na nagbabawal sa kanila na ipangaral si Cristo (Acts 5:29). In the same way, ang mga babae ay dapat magpasakop sa lahat ng bagay sa kanilang asawa, maliban na lang kung ang pagpapasakop na yun ay pagsuway naman sa kalooban ng Panginoon.
Madali ba ang ganitong pagpapasakop? Of course not. Ang puso natin ay makasalanan at gusto natin na tayo ang nasusunod sa lahat ng bagay. Ang pagkakaroon ng ganitong puso ay bahagi ng sanctification sa atin ng Panginoon. Kaya kailangan natin ng mga theological motivations para matuto tayong magpasakop sa ganitong paraan. Kaya sa verses 23 at 24 ay magbibigay si Pablo ng dahilan at paliwanag sa duty ng babae na magpasakop sa kanyang asawa.
Bakit ganito dapat magpasakop? (v. 23)
Bakit ganito dapat magpasakop? Dahil dito: "For the husband is the head of the wife..." (v. 23). Ang dahilan ay may kinalaman sa kung ano ang disenyo ng Diyos sa lalaki in relationship sa kanyang asawa. Ang lalaki ang "ulo" ng kanyang asawa. Hindi ang babae ang ulo. Ano ang ibig sabihin ng pagiging "ulo"? Sinasabi ng mga egalitarians (ito yung mga naniniwala at nagtuturo na ang submission daw na tinutukoy sa verse 21 ay mutual submission, so walang order of authority sa marriage), sinasabi nila na ang "ulo" ay nangangahulugan na "source." Totoo namang may instances na yung "ulo" ay ginagamit sa ganoong kahulugan, tulad sa Eph 4:15 na tinukoy na si Cristo yung "ulo" na kung nakakabit ang church bilang katawan sa kanya ay lumalago ang katawan. Pero sa context dito sa passage natin, implied na nagpapakita ito ng authority. Bakit? Bakit magpapasakop ang babae sa lalaki kung wala namang position of authority ang lalaki?
Isa pa, ikinumpara ito sa pagiging "ulo" ni Cristo sa iglesia, "even as Christ is the head of the church, his body, and is himself its Savior" (v. 23). Walang mutual submission sa relasyon ni Cristo at ng church. Hindi si Cristo ang nagpapasakop sa church, kundi ang church ang nagpapasakop kay Cristo. Ganito rin ang binanggit sa Eph 1:20-23, na si Cristo ang "head over all things to the church." Si Cristo ang ulo, ang church ang katawan; irreversible ‘yan, hindi 'yan kailanman pwedeng pagbaligtarin na ang church ang maging ulo at si Cristo ang katawan. Of course, sa totoong buhay, binabaligtad natin, gusto nating tayo ang nasusunod, at si Cristo ang sumusunod sa gusto natin. Baligtad. Si Cristo ang may authority in heaven and on earth, at tayo bilang mga disciples ay dapat na sumunod sa lahat ng ipinag-uutos niya (Matt. 28:18-19). Si Cristo ang ulo, siya ang Panginoon, siya rin ang Tagapagligtas natin. Hindi siya magiging Savior kung hindi siya Lord. Kung paanong makakabuti para sa atin ang pagpapasakop kay Cristo, ganun din sa pagpapasakop ng babae sa kanyang asawa. Kung hindi ka magpapasakop sa asawa mo, ‘yan ay ikapapahamak mo.
Meron pang mas malalim na katotohanan na sinasabi dito si Pablo. Dahil merong tayong saving relationship with the Lord Jesus, kaya tayo ay in union with him, nakipag-isa kay Cristo. 'Yan ang paulit-ulit sa Ephesians, tayo ay "in Christ." So, heto pa ang isang dahilan kung bakit ang babae ay dapat magpasakop sa kanyang asawa, yun ay dahil nagpapakita yun ng glorious truth ng pakikipag-isa natin kay Cristo. Ang pagpapasakop ng babae sa kanyang asawa ay pagpapasakop at pagsunod sa lordship at authority ni Cristo sa buhay mo. Nagpapasakop ka hindi dahil deserving ang asawa mo ng submission mo, hindi dahil mahusay siya sa leadership sa family ninyo, hindi dahil he is exceptionally godly, hindi dahil siya ay may Christlike leadership and servanthood sa family n'yo. Paano kung hindi siya ganun, excuse ba yun na hindi ka na magpasakop? No. Nagpapasakop ka "out of reverence for Christ" (v. 21), alang-alang sa Panginoon. Your marriage is not about you, not about your husband. Your marriage is first about Christ. Mga babae, merong kayong unique privilege bilang asawa sa inyong asawa na masalamin, o ma-reflect, ang napakagandang katotohanan tungkol sa pakikipag-isa ng church kay Cristo. Kaya ang susunod na tanong...
Paano ito sumasalamin sa pakikipag-isa natin kay Cristo? (v. 24)
Paano ito sumasalamin sa pakikipag-isa natin kay Cristo? "Now as the church submits to Christ, so also wives should submit in everything to their husbands" (v. 24). Heto ang ginagawa dito ni Pablo, ikinukumpara niya ang relasyon ng babae sa kanyang asawa sa relasyon ng church kay Cristo. Kumbaga, isang salamin. Yun ang isang kahulugan ng pagkakalikha ng babae at lalaki "in the image of God." Ang maging salamin ng realidad o katotohanan tungkol sa Diyos at sa plano ng Diyos. Sa plano ng Diyos, nilikha niya ang church na magpasakop sa lordship ni Cristo, not the other way around. So kapag ang babae ay nagpapasakop sa kanyang asawa, dini-display nito sa buong mundo ang katotohanan na ito ang disenyo ng Diyos para sa church, para ipakita na si Cristo ang Panginoon at Tagapagligtas, para ipakita na si Cristo ay altogether worthy of our allegiance, devotion, submission, obedience, and worship. Pero kapag hindi, except in some cases na pagsunod o pag-tolerate sa kasalanan ng asawa, ipinagsisigawan din ninyo sa buong mundo na may mga panahong pwede nating suwayin si Cristo, may mga panahong Christ is not worthy of our obedience. So, dapat ninyong makita na ang pagpapasakop sa inyong asawa ay hindi lang basta act of humility as you gladly submit, ito rin ay gospel-displaying obedience sa kalooban at disenyo ng Panginoon.
May implications ito siyempre directly sa mga babae. Ganito ba ang pagpapasakop mo sa asawa mo? O gusto mo ikaw ang mangunguna at masusunod? Meron ka bang puso na nagpapakumbaba at hinahayaang ang asawa mo ang manguna? Kung nag-iistruggle ka sa pagsunod sa utos na ito ni Cristo, pwede kang lumapit sa ilan sa mga elders o leaders ng church para humingi ng tulong.
May implications din ito indirectly naman para sa mga lalaki. Do we exercise our authority bilang mga lalaki sa paraang nagiging masaya at madali para sa mga asawa natin ang mag-submit? O nagiging passive tayo sa leadership sa family? O baka inaabuso naman natin ang authority na bigay sa atin ng Panginoon at pinipilit na o kinokontrol ang asawa natin para sumunod sa gusto natin, pero sa paraang wala na yung pagmamahal sa asawa natin? In line with this, mahalaga yung kasunod na mga sasabihin ni Pablo para naman sa mga lalaki.

B. Ang pagmamahal ng lalaki sa kanyang asawa (vv. 25-30)

Mas mahaba, three times longer, yung section na inilaan ni Pablo para sa mga lalaki. This is really, really important. "Husbands, love your wives..." (v. 25). Ito ay partikular na utos para sa mga lalaki na mahalin ang kani-kanilang asawa. May sense naman na mamalin din natin ang ibang tao kasama ang ibang mga babae sa church. Gagawin natin yun bilang mga minamahal na anak ng Diyos, we "walk in love, as Christ loved us" (vv. 1-2). Pero ang pagmamahal natin sa asawa natin ay hindi katulad ng pagmamahal natin sa iba. Ito ay pagmamahal na exclusive lang sa isang marital commitment. At kung iniisip ninyo na mas madali ang tungkulin ng lalaki sa relasyon ng mag-asawa, at mas mahirap yung pagpapasakop na gagawin ng babae, yun ay isang pagkakamali. Parehong mahirap yun, at baka mas mahirap pa nga yung sa lalaki. Bakit?
Paano dapat mahalin ang asawa? (v. 25)
Paano dapat mahalin ang asawa? (v. 25) Paano ba natin dapat mahalin ang asawa natin? "...as Christ loved the church and gave himself up for her" (v. 25). Similar ito sa verse 2 na isang general command na mamuhay ang bawat isang Kristiyano na nagmamahal sa iba, "Walk in love as Christ loved us and gave himself up for us." Ang standard at pattern ng pagmamahal natin sa asawa natin ay ang pagmamahal ni Cristo para sa church. Tulad ng nakita na natin kanina, ang marriage ay salamin o mirror ng relasyon ni Cristo at ng church. Ang babae ang kumakatawan sa church, at ang lalaki ang nagre-represent naman kay Cristo. Hindi ba't nakakakilabot na katotohanan 'yan? We husbands are representing Christ in this relationship!? Talaga ba? Hindi ba't napakataas ng calling o pagkakatawag sa atin bilang mga asawang lalaki. And oh, how far we fall short of representing Christ! We have a lot of repenting to do, husbands.
Paano ba nagmahal si Cristo sa church? Ibinigay niya ang sarili niya para sa atin nang ialay niya ang kanyang buhay bilang handog, a sacrificial offering, sa krus, para bayaran ang ating mga kasalanan. Habang nakapako si Cristo sa krus, sa isip at puso niya, ay ang kanyang bride o kabiyak na mapapangasawa, ang church, tayo yun. We can say na "definite" ang atonement this way. Namatay si Cristo sa krus to purchase our salvation. This is self-giving love. Ibinigay niya kung ano ang kailangan natin, at wala tayong ibang kailangan para masolusyunan ang problema natin sa Diyos maliban kay Cristo. Siyempre, walang sinumang lalaki ang makagagawa ng ginawa ni Cristo para sa atin. But we are all called to follow Christ's example of self-giving, sacrificial, serving love para sa asawa natin.
Ang panawagan sa mga babae na magpasakop ay hindi rason sa atin para i-dominate o kontrolin sila, kundi para paglingkuran sila nang may pagmamahal, giving them what they need, hindi lang materially o financially, kundi higit sa lahat ay spiritually. We love our wives best hindi kapag sobrang sipag natin sa pagtatrabaho to provide for them (kasali yun), kundi kapag ginagawa natin ang lahat para maibigay si Cristo sa kanila.
Bakit ganito dapat magmahal? (vv. 26-27)
Bakit ganito dapat magmahal? Ganito kasi nagmahal si Cristo para sa church. Ibinigay niya at ginagawa niya kung ano ang makakabuti para sa church. So, in a way, although in a lesser sense, dapat na yung mga layunin natin para sa asawa natin ay nakatugma sa layunin ni Cristo para sa church. Aminin natin, hindi ito ang pangunahing nasa isip natin nang pakasalan natin ang asawa natin, maging hanggang ngayon. Nangingibabaw yung mga layuning para sa sarili natin: "Sa akin ka na. Gagawin mo ang lahat para maging masaya ako." Madalas pakabig, sa halip na isipin kung ano ang makakabuti sa asawa natin. Ano ba ang layunin ni Cristo para sa church? Merong tatlong purpose clauses sa verses 26 and 27.
Una, "that he might sanctify her, having cleansed her by the washing of water with the word" (v. 26). Obviously si Cristo at ang church na kanyang bride ang tinutukoy rito. Wala naman tayong kakayahang mga lalaki na pabanalin ang ating asawa. Ito ang layunin ni Cristo para sa church, "that he might sanctify her." Para maibukod tayo sa mundo, para maging katulad tayo ng Diyos na banal, para unti-unti ay mahubog ang karakter natin at maging katulad ni Cristo. Oo nga't nilinis na tayo the moment na tayo ay naging mga Kristiyano. Yun yung tinatawag na regeneration, "having cleansed her by the washing of water with the word." Ito ay tumutukoy sa new birth o muling kapanganakan dahil sinabi ni Pablo sa sulat niya kay Titus, "he saved us...by the washing of regeneration and renewal of the Holy Spirit" (Titus 3:5). Ito rin yung sinabi ni Cristo kay Nicodemus na being "born of water and the Spirit" (John 3:5), na siya namang fulfilment ng new covenant promises ng Diyos na bibigyan tayo ng bagong puso (Ezek. 36:25-27).
Yung "washing of water" ay hindi tumutukoy sa water baptism, na para bang kapag na-baptized ka ay nabo-born again ka. Turo 'yan ng Roman Catholic Church, yung baptismal regeneration. Unbiblical doctrine 'yan. Yung "washing of water" ay tumutukoy sa nangyari symbolically noong tayo ay na-born again. Hindi tayo nagkakaroon ng bagong buhay kapag na-baptize tayo. Yung baptism natin ay naglalarawan ng bagong buhay na meron na tayo sa pakikipag-isa natin kay Cristo. Hindi yung tubig ng bautismo ang naglilinis sa atin kundi ang dugo ni Cristo. What can wash away our sins? Nothing but the blood of Jesus! Paano nangyari na tayo ay nagkaroon ng bagong buhay in regeneration? "With the word." 'Yan din ang sabi ni apostol Pedro, "you have been born again...through the living and abiding word of God" (1 Pet. 1:23). Tapos na yung regeneration, yung washing na 'yan. Pero nagpapatuloy ang gawa ng Diyos na paglilinis sa atin in our sanctification. 'Yan ang layunin ni Cristo para sa church. 'Yan din ang layunin nating mga lalaki para asawa natin na sila ay matulungan natin para maging kawangis ni Cristo. At mangyayari 'yan kung palagi nilang makikita si Cristo sa pamamagitan ng kanyang salita. Do we even read and study the Word kasama ang asawa natin? Naririnig ba sa atin ang gospel sa pakikipag-usap natin sa kanila?
Ikalawang purpose clause, "so that he might present the church to himself in splendor, without spot or wrinkle or any such thing" (v. 27). Ang layunin ni Cristo para sa church na ikakasal sa kanya ay maihanda ito para iharap sa kanya, parang isang babaeng ikakasal sa isang hari. Think of Esther na haharap sa hari ng Persia. "In splendor," pambihira ang kagandahan, namumukod-tangi sa lahat ng mga babae, nagniningning ang ganda. "Walang anumang dungis ni kulubot man" (MBB), flawless ang kagandahan. Sa ngayon, marami pang dungis at kulubot dahil sa kasalanan, kaya may discipleship sa church, kaya may church discipline. Pero one day, maglalaho ang lahat ng kasalanan. We will be glorified, ibig sabihin, magniningning ang kagandahan ng iglesia sa pagharap kay Cristo sa kanyang muling pagbabalik, kung saan mangyayari ang isang engrandeng kasalan, ang kasal ni Cristo at ng iglesia. So, anumang ginagawa ni Cristo sa pamamahala, pagmamahal, paggabay, pagpapabanal sa church, ay bilang paghahanda sa dakilang araw na yun. Tayong mga lalaki, 'yan ba ang nangingibabaw na layunin natin kapag nakita natin ang kasalanan ng asawa natin (lalo pa kung kasalanan laban sa atin), ang matulungan ang asawa natin na maihanda sa pagharap kay Cristo? Nilalayon ba natin na sila ay matulungan na magsisi sa kanilang kasalanan at maipanumbalik sa Panginoon kapag sila ay nalalayo? O ang nangingibabaw pa rin ay yung mga pansariling hangarin natin?
Ikatlong purpose clause, "that she might be holy and without blemish" (v. 27). In a way, ito ay summary ng nauna na niyang mga sinabi. Ito naman din ang layunin ng Diyos sa pagpili sa atin, in his electing love for us, "that we should be holy and blameless before him" (Eph 1:4). Mga lalaki, ipinapanalangin ba natin ang asawa natin na sila ay maging banal at walang kapintasan sa kanilang pamumuhay bilang mga Kristiyano? Tandaan natin, kung sila ay nakay Cristo, hindi lang natin sila asawa, sila rin ay kapatid natin sa Panginoon, at kasama sa paglalakbay sa buhay Kristiyano, sa paglakad sa pagmamahal, sa paglakad sa liwanag, sa paglakad sa karunungan.
So, what's the point nitong mga sinabi ni Pablo tungkol sa layunin ni Cristo para sa iglesia? Para ipaalala sa ating mga lalaki kung bakit dapat nating mahalin ang asawa natin na tulad ni Cristo. Mamahalin natin sila primarily for their holiness, and not for our happiness. May mga panahon na ipinapadama natin sa kanila ang pagmamahal natin kasi meron tayong gustong makuha sa kanila, tulad ng physical at sexual intimacy. Tama naman na may pangangailangan tayo diyan. Pero we miss the point kung bakit natin mamahalin ang asawa natin kung 'yan ang nangingibabaw na dahilan. We love them for their growth in holiness, not for our happiness. Pero tulad ng mararanasan natin, as we pursue each other's holiness in marriage, the more we will be truly happy.
Paano ito sumasalamin sa pakikipag-isa natin kay Cristo? (vv. 28-30)
Paano ito sumasalamin sa pakikipag-isa natin kay Cristo? Ito yung one flesh union sa marriage na babanggitin sa verse 31, na galing naman sa Genesis 2. At ito ay sumasalamin sa pakikipag-isa ng church kay Cristo. Minamahal ni Cristo ang iglesia bilang kanya, kaisa niya, in union with him. Kung minamahal natin ang asawa natin sa ganitong paraan, ito ay sumasalamin sa katotohanang tayo ay nakay Cristo, at si Cristo ay nasa atin.
Yung one flesh union natin sa asawa natin ay may implication sa pagtrato natin sa kanya, "In the same way husbands should love their wives as their own bodies. He who loves his wife loves himself" (v. 28). "As their own bodies," "tulad ng sarili nating katawan." Paano ba natin itrato ang sarili nating katawan? Siyempre naliligo ka araw-araw para malinis, kumakain ka para maging malusog, umiiwas sa mga makakasama sa katawan mo, nag-eexercise para maging physically fit. Maliban na lang kung wala ka nang pakialam sa sarili mong katawan. Ang point, gagawin mo ang lahat ng dapat gawin para sa sarili mong kapakinabangan din naman. Hindi mo naman intentionally gagawin ang isang bagay kung alam mong makakasama sa 'yo. Ganun din sa asawa natin. Kapag minamahal mo ang asawa mo, pagmamahal din yun sa sarili mo. Kapag sinasaktan mo ang asawa mo, sinasaktan mo rin ang sarili mo. Kapag hiniwalayan mo ang asawa mo, pinupunit mo ang relasyong binuklod ng Diyos sa inyong dalawa. You're not doing it for yourself, you're doing it against yourself. Kasi nga one-flesh union. Kaya ayaw ng Diyos ang paghihiwalay ng mag-asawa.
Then, nagbigay si Paul ng dahilan kung bakit ganito, "For no one ever hated his own flesh, but nourishes and cherishes it" (v. 29). Ang asawa mo ay "your own flesh." Hindi siya ibang tao sa 'yo. Bakit mas maganda pa ang trato mo sa ibang tao kaysa sa asawa mo? Hindi ba't si Eba ay ginawa ng Diyos mula sa isang tadyang ni Adan, from his own flesh? Nang iharap sa kanya ng Diyos si Eba, hindi ba't napakanta siya sa laki ng tuwa niya? “Sa wakas, narito ang isang tulad ko, laman ng aking laman, buto ng aking buto; babae ang itatawag sa kanya, sapagkat sa lalaki siya'y kinuha" (Gen. 2:24 MBB). Kapag nakaharap sa 'yo ang asawa mo, napapaawit ka pa ba sa tuwa o nadidismaya ka na? Sapat ba yun para itrato mo siya nang masama? Kapag sarili mong katawan di ba't gagawin mo kung ano ang makakabuti sa kanya? Kapag kumakalam ang sikmura mo, di ba't papakainin mo kasi nagugutom? Kapag nasugatan ang braso mo, di ba't lilinisan mo para gumaling? Kung paano natin pinahahalagahan ang sarili nating katawan, ganun din ang pagpapahalaga natin sa asawa natin.
Sa ganitong pagtrato natin sa asawa natin, sinasalamin nito ang katotohanang ang church ay hindi lang bride of Christ, ang church din ay body of Christ. Ganito kasi ang pagtrato, pag-aalaga, pagpapahalaga ni Cristo sa church, "just as Christ does the church, because we are members of his body" (vv. 29-30). We are inseparably united to Christ as head to a body. So kung ginagawa natin ang lahat para manatili tayong magkasama at hindi magkahiwalay ng ating asawa, kung sinisikap nating gawin ang lahat to win her back kapag nangaliwa ang asawa natin, kapag determinado tayo na walang hiwalayan, walang annulment dahil tayo ay pinag-isa ng Diyos, sumasalamin ito sa pakikipag-isa na meron tayo kay Cristo. In our union with Christ, hindi tayo hihiwalayan ni Cristo kahit ang daming beses na tayong nangaliwa, kahit sa mga panahong pinahahalagahan natin ang mga bagay sa mundo nang higit sa kanya, he will never ever turn his back on us. Ganyan ba kahigpit ang pagmamahal natin sa asawa natin?

Application

So, ano ang itinuturo sa atin ng bahaging ito ng salita ng Diyos tungkol sa pag-aasawa? Ang relasyon ng mag-asawa ay dapat na sumalamin sa relasyon ni Cristo at ng iglesia. Ang pagpapasakop ng babae sa lalaki ay dapat na sumalamin sa pagpapasakop ng iglesia kay Cristo; ang pagmamahal ng lalaki sa babae ay dapat na sumalamin sa pagmamahal ni Cristo sa iglesia. Ito ang standard ng Salita ng Diyos para sa mag-asawa—ang relasyon at pakikipag-isa ni Cristo sa iglesia. Wala tayong karapatang ibaba ang standard na ‘to o i-adjust depende sa preferences natin, depende sa nakasanayan natin, depende sa acceptable sa kultura natin, depende sa kung deserving ba ang asawa natin sa ganitong pagpapasakop at pagmamahal. No. Lahat ito ay nakadepende sa di-nagbabagong katotohanan ng pakikipag-isa ni Cristo sa iglesia. This definitely changes how everyone of us view marriage.
Para sa mga mag-asawang Kristiyano: Ito ba ang batayan ninyo para i-evaluate whether you have a healthy marriage or not? Meron ba kayong dapat ihingi ng tawad sa Diyos at sa isa’t isa for failing to reflect Christ sa relasyon ninyo? Kung nag-iistruggle kayo na mamuhay sa ganitong disenyo ng Diyos, kailangan n’yo bang humingi ng panalangin at tulong sa church, especially sa mga elders ng church?
Para sa mga di-Kristiyano ang asawa: Nakikita n’yo na ba kung gaano ka-imposible na maranasan ang one-flesh union kung hindi kayo parehong nakay Cristo? Kung karelasyon mo pa lang at hindi pa asawa, take note of this. Nakikita mo ba na ang pangunahing layunin mo ay matulungan ang asawa mo na makilala si Cristo hindi lang sa mga sinasabi mo about the gospel, kundi sa pakikitungo mo sa kanya sa paraang sumasalamin sa mabuting balita ni Cristo?
Para sa mga wala nang asawa: Nakikita mo na ba na gaano man kapangit o kaganda ang naging relasyon ninyong mag-asawa, it still falls short of God’s design for marriage? Nakikita mo na ba na wala ka mang asawa, kung nakay Cristo ka, you still have the most important relationship? Nare-realize mo na ba na ang pinakamahalaga sa lahat ay hindi ang pagmamahal ng isang asawa kundi ang pagmamahal ni Cristo para sa ‘yo? Ganun din…
Para sa mga wala pang asawa: Nakikita n’yo ba kung gaano kabigat, gaano kaseryoso ang relasyong papasukin ninyo kapag nag-asawa kayo? Bakit kayo makikipagrelasyon kung hindi mo pa naman iniisip ang pag-aasawa o ang paghahanda sa pag-aasawa? Paano ka magiging handang magpasakop sa asawang lalaki kung ngayon pa lang ay hindi ka naman nakikinig sa magulang mo, kung hindi ka man lang humihingi ng payo sa mga elders ng church tungkol sa lovelife mo? Paano ka magiging handang mahalin ang asawa mo tulad ng pagmamahal ni Cristo kung hindi mo maituring ang babae with purity, kung nag-iisip ka na o gumagawa nang malaswa, kung panay ang panonood mo ng porn?
Para sa mga di-Kristiyano: Nakikita mo na ba na hindi mo mararanasang lubos ang ganda ng disenyo ng Diyos sa pag-aasawa kung hindi mo kilala si Cristo, kung hindi mo pinaniniwalaan ang ginawa niya sa krus para sa mga makasalanan? Nakikita mo na ba na hindi mo talaga mararanasan kung ano ang kahulugan at kabuluhan ng buhay kung hanggang ngayon ay hiwalay ka kay Cristo? Dahil ang punto ng buhay ay hindi ang pag-aasawa o anumang human relationships, kundi matatagpuan kay Cristo lamang.
Pag-uusapan pa natin ‘yan sa susunod na Linggo.
Related Media
See more
Related Sermons
See more
Earn an accredited degree from Redemption Seminary with Logos.