Si Cristo at ang Pamilya

Ephesians  •  Sermon  •  Submitted   •  Presented
0 ratings
· 36 views
Notes
Transcript
Handout

Introduction

Mula pa sa pagkabata, sanay tayo—tayong lahat, without exception—na ang gagawin natin ay kung ano ang gusto nating gawin. Kapag may isinuot kang damit, tapos sinabi ng nanay mo, “Anak, ‘wag ‘yan, masyadong maiksi. Magpalit ka.” O kung may binili kang sapatos, tapos napagsabihan ka, “Anak, ‘wag dapat ganyan kamahal ang bibilin mo.” Nagtatampo tayo kapag napagsasabihan at hindi nasusunod ang gusto natin. Mas gusto natin yung mas malaya tayo na makapagdesisyon sa sarili natin. Darating naman talaga na wala na tayo sa pamamahala at pangangalaga ng mga magulang natin, magkakaasawa, magkakaroon ng sariling pamilya, at meron nang higit na kalayaan to decide for ourselves. But even then, ‘wag nating isipin na we are totally free to decide sa sarili lang natin na para bang kung ano yung gusto o preferences natin o convenient sa atin, yun na ang gagawin natin. Kapag naging Kristiyano tayo, tandaan natin na we are under obligation na sundin si Cristo na siya nang Panginoon na naghahari sa buhay natin. Sabi nga ni Paul sa Romans:
Walang sinuman sa atin ang nabubuhay o namamatay para sa sarili lamang. 8 Kung tayo'y nabubuhay, para sa Panginoon tayo nabubuhay; at kung tayo'y namamatay, para sa Panginoon tayo namamatay. Kaya nga, sa mabuhay o sa mamatay, tayo'y sa Panginoon. 9 Sapagkat si Cristo ay namatay at muling nabuhay upang maging Panginoon ng mga patay at ng mga buháy. (Rom 14:7-9 MBB)
Isa ‘yan sa implikasyon ng dakilang katotohanan na tayo ay nakay Cristo. In union with Christ, we are under obligation na ipamuhay ang buhay natin nang naaayon sa kalooban ni Cristo. Sa pagpapatuloy ng pag-aaral natin sa sulat ni Pablo sa mga taga-Efeso, nandito na tayo sa portion na tinatawag na “household code”—na naglalaman ng code of conduct sa loob ng isang Christian household. Nakasulat dito ang obligasyon ng sinumang nakay Cristo sa mga kasama niya sa bahay: husbands and wives sa Ephesians 5:22-33 na natapos na nating pag-aralan; ngayon naman ay parents and their children sa 6:1-4; at next week ay masters and bondservants sa 6:5-9.
Ang mga obligasyong nakasulat dito ay nakapaloob sa konteksto ng pamumuhay o paglakad sa karunungan: “Look carefully then how you walk, not as unwise but as wise…” (Eph 5:15). Hindi yung karunungang mula sa mundong ito ang dapat na nagpapatakbo ng mga relasyon natin sa loob ng bahay. Hindi yung, “Ganito sila, dapat ganito rin tayo sa pamilya.” No. Dapat nating sagutin, “Ano ba ang itsura ng isang Kristiyanong pamilya?” At mangyayari yun kung aalamin natin ang kalooban ng Panginoon. Kaya sabi pa ni Paul, “Therefore do not be foolish, but understand what the will of the Lord is” (v. 17). Hindi kung ano ang gusto mo, hindi kung ano ang gusto ko, hindi kung ano ang trending o uso sa mundo ngayon, kundi kung ano ang kalooban ng Diyos.
Ito yung kalooban ng Diyos tungkol sa obligasyon ng mga anak sa kanilang mga magulang (sa Ephesians 6:1-3) at ng mga magulang sa kanilang mga anak (sa verse 4):
Children, obey your parents in the Lord, for this is right. “Honor your father and mother” (this is the first commandment with a promise), “that it may go well with you and that you may live long in the land.” Fathers, do not provoke your children to anger, but bring them up in the discipline and instruction of the Lord.”

A. Ang obligasyon ng mga anak sa kanilang mga magulang (6:1-3)

Unahin muna ang obligasyon ng mga anak sa kanilang mga magulang. Sagutin natin ang ilang mga tanong para mas maintindihan natin ang sinasabi dito ng Panginoon.
Para kanino ang tungkuling ito?
“Children…” (v. 1). Ang salitang ginamit dito ay tumutukoy sa sinumang anak anuman ang edad. Pero dahil ang focus dito ay tungkol sa obedience at authority, ito ay tumutukoy sa mga anak na nasa ilalim pa ng awtoridad ng kanilang mga magulang. Pwedeng magbago ito depende sa culture, pero sa atin ang expectation ay hanggat nasa poder ka ng magulang mo, nakadepende ka sa kanila (tirahan, pagkain, pag-aaral), nasa ilalim ka ng authority nila. Para sa 'yo ang tungkuling sinasabi ng salita ng Diyos dito.
Paano yung mga wala nang magulang o lumaki na walang magulang? Ito naman ay nagpapakita ng tungkulin natin sa sinumang awtoridad na itinalaga sa atin ng Diyos. Sa guardian mo (tito/tita, o lolo/lola), sa teacher sa school, sa mga elders sa church (kung baptized member ka na ng church), at sa government natin.
Paano yung di-Kristiyano ang magulang, lalo na kung neglectful o abusive? Hindi requirement na Christian ang parents mo, o good parenting ang pinapakita sa 'yo, para gawin mo ang tungkulin mo. Ito ay nakadepende sa awtoridad na ibinigay ng Diyos sa mga magulang na kanilang i-exercise sa kanilang mga anak. Kung hindi ginagawa ng magulang mo ang tungkulin nila, may pananagutan sila sa Diyos, at hindi excuse yun para hindi mo gawin ang tungkulin mo. Kapag hindi mo ginawa ang tungkulin mo, may pananagutan ka rin sa Diyos.
Ano ang tungkuling dapat gawin?
“Chidren, obey your parents” (v. 1). May tungkulin ang mga anak na sundin ang kanilang mga magulang. Ibig sabihin, kapag may sinasabi, pakinggang mabuti. Kapag may itinuturo, paniwalaan. Kapag may iniuutos, gawin agad-agad, walang reklamo, walang pagdadabog, walang pagsibangot, kundi mula sa pusong pagsunod. Of course, pwede ka namang mag-request, o mag-apela kung may sapat na dahilan. Halimbawa, may inutos si nanay, “Anak, bumili ka nga ng suka sa tindahan.” Pwede mong sabihin, “Nay, pwede po bang tapusin ko muna yung ginagawa kong drawing?” Pero ang magulang pa rin ang may final say. Hindi ang mga anak ang nasusunod. So, parents, do not relinquish that authority. Na kapag gusto nilang mag-cellphone maya't maya, na sila na ang nasusunod. Take charge, parents. Mga anak, sumunod kayo sa mga magulang n'yo. Pero may exceptions. Kapag may sinasabi sila, itinuturo, o iniuutos sa inyo na kontra sa sinasabi, itinuturo, o iniuutos ng Salita ng Diyos, you are under no obligation to obey them. We must obey God rather than men. Ang pagsunod sa mga magulang ay dapat na sumasalamin sa pagsunod sa Diyos. Hindi pwedeng sumasalungat dito.
Paano ito dapat gawin?
“Children, obey your parents in the Lord.” Yung phrase na “in the Lord” ay hindi nakakabit sa “parents” na para bang ang dapat lang sundin ng mga anak ay yung mga Christian parents. Hindi rin ito nangangahulugan na ang mga bata, dahil anak sila ng Christian parents ay automatic na “in the Lord” na sila. Totoo nga na ina-address ni Paul ang mga Christians sa Ephesus, “To the saints who are in Ephesus” (Eph 1:1). Totoo nga na kinakausap niya yung mga “children” sa sulat na 'to, so anak 'yan ng mga Christians sa members ng church. At ang ilan sa kanila ay mga Christians na rin, nakay Cristo na, pero hindi lahat. Yun lamang nakay Cristo ay siyang nakarinig ng mabuting balita ng kaligtasan, at sumampalataya kay Cristo (Eph 1:13). Being born to Christian parents doesn't make you a Christian. Being born again does (John 1:12, 13).
So yung phrase na “in the Lord” ay nakakabit sa “obey.” Ibig sabihin, ang pagsunod natin ay dapat na nasa konteksto ng pagsunod kay Cristo, gawin alang-alang kay Cristo, bilang pagpapasakop sa awtoridad na meron si Cristo sa buhay natin. Totoo nga na ang mga batang hindi pa Kristiyano ay hindi pa mga tagasunod ni Cristo, pero si Cristo ay deserving and worthy of everyone's allegiance and devotion and obedience. He has authority in heaven and on earth (Matt 28:18), meron din siyang authority sa puso ng mga bata. Mga anak, tuwing sumusunod kayo sa parents n'yo, 'yan ay pagsunod kay Cristo. Tuwing sumusuway kayo, 'yan ay pagsuway kay Cristo. So, ang pagsunod sa mga magulang ay hindi primarily for your sake, or for your parents' sake, but for the sake of Christ. At siyempre, ultimately, magagawa lang talaga ng isang anak ang pagsunod sa kanyang magulang nang buong puso kung siya ay nakay Cristo na at puspos ng Espiritu (Eph 5:18).
Bakit ito dapat gawin?
Yung mga sumunod na sinabi ni Pablo ay paliwanag kung bakit obligasyon ng mga anak na sundin ang kanilang magulang. Ang unang dahilan, dahil ito ay tama: “Children, obey your parents in the Lord, for this is right” (v. 1). Sa parallel passage nito sa Colossians, mas specific yung sinabi dun kung bakit ito tama, “Children, obey your parents in everything, for this pleases the Lord” (Col 3:20). Ito ay tama at matuwid sa paningin ng Diyos dahil ang Diyos ang nagtalaga na ganito ang tamang order sa pamilya. Ito rin ay tama at matuwid sa pamantayan ng lipunan natin. Kung ang mga bata ang nasusunod sa loob ng bahay, walang galang sa magulang, binabalewala ang authority ng kanilang mga magulang, i-expect mo na na paglaki niyan ay hindi rin nila igagalang ang authority ng church at mga leaders ng church, ang authority ng gobyerno sa mga mamamayan nito, at higit sa lahat, hindi nila matututunan kung paano igalang at sundin ang Diyos, at magpasakop sa awtoridad na meron ang Diyos sa buong buhay nila. Tama at matuwid na ang mga anak ay sumusunod sa mga magulang nila. Hindi tama at baluktot at wala sa ayos kapag ang mga magulang ang pinapasunod ng kanilang mga anak. 'Wag nating babaligtarin ang kaayusang inilatag ng Diyos sa buhay natin.
Ikalawang dahilan kung bakit dapat sundin ng anak ang magulang: dahil ito ay kalooban ng Diyos: “Honor your father and mother” (v. 2). Ang pamantayan kung ano ang tama at matuwid ay ang kalooban ng Diyos. Binanggit ni Pablo rito ang nakasulat sa ikalima sa Sampung Utos. Hindi na niya binanggit kung saan galing yung sinabi niya sa verse 2 to support yung sinabi niya sa verse 1. Obvious na. At obvious din na hindi lang ito para sa mga Israelita, kundi para rin sa ating lahat. Galing itong verses 2-3 sa Exodus 20:12. Hindi lang niya binanggit yung dulo, “that Yahweh your God is giving you,” siguro ay para i-generalize yung command na hindi lang para sa mga Israelita during that time. Dapat sundin ang mga magulang dahil yun ay paggalang sa kanila. Ang hindi pagsunod ay isang expression ng disrespect. Ayon sa Heidelberg Catechism Q104:
Ano ang kalooban ng Diyos para sa 'yo sa ika-limang kautusan? Ibigay ko dapat ang aking paggalang, pagmamahal, at katapatan sa aking ama at ina at sa lahat ng may awtoridad sa akin; magpasakop nang may wastong pagsunod sa lahat ng kanilang mabubuting turo at disiplina; at maging mapagtiis at mapagpasensya sa kanilang mga pagkukulang—sapagkat kalooban ng Diyos na pamunuan niya tayo sa pamamagitan nila.
Dapat sundin ang mga magulang dahil dapat at karapat-dapat sundin ang Diyos. Dapat igalang ang mga magulang dahil dapat at karapat-dapat igalang ang Diyos. Ang ganitong paggalang sa magulang ay hindi dapat mawala kahit na ang mga anak ay wala na sa poder ng mga magulang at meron nang kanya-kanyang pamilya.
Heto naman ang ikatlong dahilan: dahil ito ay may kaakibat na pangako. Ang obligasyon ng anak sa magulang ay hindi lang tamang gawin. Ito rin ay mabuting gawin. Mabuti dahil may kaakibat na pangako ang Diyos dito. Bago banggitin ni Pablo yung pangako na kasama ng utos na 'to, nag-insert siya ng explanatory note, “this is the first commandment with a promise” (v. 2). Ano ang ibig sabihin nito? Bakit ito sinabi ni Paul? Hindi lang para sabihing mahalaga ang utos na 'to, kasi mahalaga naman lahat, lalo na yung mga nauna tungkol sa obligasyon natin sa Diyos, yung unang apat na utos. Maraming mga attempt para ipaliwanag kung bakit sinabing ito ang unang utos na may kasamang pangako. Sa ikalawang utos, meron naman daw pangako, pero hindi naman yun nakakabit sa utos kundi sa karakter ng Diyos. So, malamang ito yung utos na unang nakasulat na explicit at specific na pangako ang Diyos kung susundin natin. Hindi na natin iisa-isahin yung iba pang mga paliwanag kung bakit yun sinabi ni Paul na unang utos na may kasamang pangako. Mas concern ako sa kung ano yung purpose nun. Isa marahil na dahilan ay para i-motivate ang mga anak, na mula pa sa pagsilang ay natural na ang magkasala at sumuway sa magulang. Para i-motivate tayo na mabuti ang utos ng Diyos, at mabuti ang Diyos na nagbigay ng utos na 'to. Hindi naman kailangang magbigay ang Diyos ng reward sa pagsunod sa utos niya. Pwede namang sabihin niya, "Basta sundin ninyo, period." Pero mabuti ang Diyos, he's patient toward us, gusto niya kung ano ang makakabuti sa atin. Wala siyang utos na makakasama sa atin.
Kaya kaugnay nito ang sumunod na dahilan: dahil ito ay makakabuti. Itinuloy na ni Paul sa verse 3 yung nakasulat sa Exodus 20:12, “that it may go well with you and that you may live long in the land” (Eph 1:3). Siyempre, merong mga eternal consequences yung pagsunod natin sa magulang natin, pero ang pangakong ito ay may kinalaman sa buhay natin sa mundong ito, “in the land.” At ang pangako ng Diyos ay may kinalaman sa parehong kalidad at haba ng buhay. Magiging maganda ang kalagayan ninyo at magiging mahaba ang buhay ninyo kung susunod kayo sa magulang ninyo. Bakit? Kasi nga, gusto ng magulang ang makabubuti sa anak niya. Generally speaking siyempre. Meron naman talagang mga salbahe at pabayang magulang. Meron din namang mga sumusunod sa magulang na naghihirap ang buhay at maagang namamatay. So hindi ito pangako na in all cases ay mangyayari. Pero in most cases, generally speaking, mapapabuti ang buhay natin kung matututo tayo na sumunod.
Therefore as a general rule, obedience and honor foster self-discipline, which in turn bring stability, longevity, and well-being; disobedience and dishonor promote a lack of self-discipline, which in turn bring instability, a shortened life, and a lack of well-being. (Hoehner, 792).
Kapag hindi susunod at gagalang sa magulang, generally speaking, mapapahamak tayo. Kapag pinagbawalan kang tumawid sa highway o mag-motor sa highway nang walang helmet, tapos sumuway ka, paano nga naman hahaba ang buhay mo kung mapapahamak ka? Kapag sinabihan kang ilang minuto lang mag-cellphone tapos hindi ka nabantayan, hindi mo sinunod, nagbabad ka araw-araw, sa tingin mo ba ay gaganda ang takbo ng pag-iisip mo, sa tingin mo ba ay mabuti ang kahahantungan niyan para sa 'yo? Ang pagsunod sa magulang ay makakabuti sa 'yo. Ang hindi pagsunod sa magulang ay makakasama sa 'yo, ikapapahamak mo. Kung hindi ka naniniwala at gusto mo pa ring ipilit ang gusto mo, subukan mo, pero tinitiyak ko sa 'yo, nasa huli ang pagsisisi. Matuto tayong magtiwala sa karunungan at kabutihan ng salita ng Diyos. Yun ang sinabi niya, yun ang paniwalaan at sundin natin.

B. Ang obligasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak (6:4)

Pero siyempre, bagamat yung pagsunod sa magulang ay obligasyon primarily ng mga anak, meron din tayong lahat na shared responsibility na tulungan ang mga bata at kabataan na ma-disciple sila sa aspetong ito. May pananagutan tayo sa isa’t isa. Pero sino ba ang may pangunahing obligasyon sa mga anak? Natural na ang sagot natin, siyempre yung mga magulang nila. Tama naman. Pero tingnan natin ang emphasis ni Paul sa verse 4, “Fathers, do not provoke your children to anger, but bring them up in the discipline and instruction of the Lord.”
Para kanino ang tungkuling ito?
So, para kanino ang tungkuling ito? “Fathers…” Most translations sa Tagalog ay mali, kasi nakasulat, “Mga magulang.” Pero tama sa Ang Biblia, “Mga ama.” Ang directly kinakausap dito ni Paul ay yung mga tatay. Kasali ba yung mga nanay sa obligasyong ito sa mga anak? Siyempre naman! Pero bakit singled out ni Paul ang mga tatay? Yun ay para i-stress at i-emphasize ang pangunahing responsibilidad na iniatang ng Diyos sa balikat ng mga lalaki para sa kanilang pamilya. Nakita na natin ‘yan sa instructions sa mga asawang lalaki bilang head o ulo ng kanyang asawa kaya dapat magpasakop ang babae sa kanyang asawa (Eph 5:22-24). Sadly, maraming mga lalaki, even Christian men, ay nagiging passive at ipinapaubaya ang leadership na ‘yan sa mga babae. And even as we try to lead sa marriage and sa parenting, aminin natin na we still fall short of our duty. We have a lot of repenting to do. Patawarin n’yo kami, Panginoon; patawarin n’yo kami, mga asawa namin, sa marami naming pagkukulang. May this word encourage us to be better husbands and fathers.
Para sa mga nanay na ang asawa ay hindi na kayang gampanan ang ganitong tungkulin, maaaring wala na, o dahil sa physical limitations, kailangang magtiwala kayo sa Diyos na bibigyan kayo ng tulong na kailangan ninyo para dalhin ang mabigat na obligasyong ito nang mag-isa. Lalo naman sa inyo na ang mga asawa ay ayaw na talaga at ipinaubaya na ito sa inyo. Mananagot sila sa Panginoon. Ang Diyos din ang tutulong sa inyo para makayanan ang matinding pasaning ito.
Para naman sa mga walang anak, wala pang anak, o hindi magkaanak, ‘wag n’yong ipagpalagay na exempted na kayo sa obligasyong ito. Bahagi ka ng church na ito bilang isang pamilya. You can be parents spiritually sa mga kabataan sa church na ito (o kahit sa mga matatanda) na nangangailangan ng paggabay sa discipleship, para matulungan sila sa pagsunod kay Cristo. Discipleship is spiritual parenting. Pwede mo ring i-offer ang tulong sa mga parents na struggling sa kanilang mga anak. Ipag-pray mo sila, i-encourage mo sila. At isa pa, bakit hindi mo i-consider ang adoption o pag-aampon? Napakaraming bata na nasa bahay ampunan at lumalaki na walang magulang. Baka naman sila ang sagot ng Diyos sa prayer mo na magkaanak at sa prayers nila na magkaroon ng magulang? Hindi ba’t ang adoption ay sumasalamin sa pagmamahal ng Diyos sa atin? “He predestined us for adoption to himself as sons through Jesus Christ” (Eph 1:5).
Ang pagiging Ama ng Diyos ang dapat masalamin sa obligasyong dapat nating gawin sa mga anak natin (Eph 3:14-15). Dito sa text natin, sinabi ni Pablo kung ano ang hindi dapat gawin, kung ano ang dapat gawin, at kung paano yun gagawin.
Ano ang hindi dapat gawin?
Ano ang hindi dapat gawin? “Do not provoke your children to anger.” Ibig sabihin, hindi tayo dapat gumawa ng anumang bagay na ikagagalit nila. Of course, hindi ito absolute. Kapag may hinihiling sila, tapos hindi natin pinagbigyan, pwedeng ikagalit nila ‘yan. Hindi naman ito nangangahulugan na ibibigay na natin ang gusto nila para hindi sila magalit. Hindi pwede ‘yan. Kasi pwedeng tayo pang mga magulang ang ma-manipulate nila para ibigay ang gusto nila. So, posible na ang mga gagawin nating ayon naman sa kalooban at karunungan ng Diyos ay ikagalit nila. That is not our fault. Yun ay dahil sa likas na pagkamakasarili ng makasalanang puso ng mga bata. So, ano ang sinasabi dito? Yung hindi tayo gagawa ng anumang bagay na ikagagalit nila unnecessarily. Ayon kay Andrew Lincoln (cited in ESV Expositor’s Commentary), kasali dito ang “sobrang lupit na disiplina, hindi makatwirang mahihigpit na hinihingi o demands, pang-aabuso ng kapangyarihan, pagiging padalos-dalos at walang basehan (arbitrary), pagiging unfair, walang tigil na pangungulit at paninisi, paglalagay ng bata sa kahihiyan, at lahat ng anyo ng matinding pagiging manhid o insensitive sa pangangailangan at damdamin ng isang bata.” Mga magulang, we have to assess ourselves, baka nagiging malupit na tayo sa pagpapalaki sa mga anak natin. Alalayan nating mabuti ang puso at damdamin ng mga anak natin.
Ano ang dapat gawin?
Hindi pwedeng basta iniiwasan lang natin na ma-provoke ang galit sa kanila. Meron din tayong aktibong dapat gawin. Ano yun? “…but bring them up…” Yung salitang “bring them up” o “palakihin” ay galing sa salitang Greek na ektrepho na ginamit din sa Ephesians 5:29 para tukuyin kung paano pinapakain o inaalagaan ng asawang lalaki ang sarili niyang katawan. Sa parenting, tumutukoy ito sa pagpapalaki sa mga bata, mula sa pagsilang nila hanggang sa pagtanda, na ibinibigay natin ang lahat ng kailangan nila para mangyari yun. Siyempre kasama sa obligasyong ito ang physical na pagpapalaki sa kanila. Kailangang pakainin. So, ang mga lalaki, karaniwang iniisip na basta nakakapag-provide sila financially at materially sa pamilya nila, ayos na yun, nagampanan na nila ang obligasyon nila. Kaya kahit mag-abroad at mawala nang matagal at mahiwalay sa asawa at mga anak nila, sa tingin nila ay nagsasakripisyo na sila sa pagganap ng obligasyon nila. Pero yun nga lang ba ang obligasyon natin? Tapos ay ipapaubaya na natin sa mga asawa natin ang ibang bagay sa pagpapalaki sa mga bata? No. Malinaw ‘yan sa karugtong na sinabi ni Paul kung paano dapat gawin ang pagpapalaki sa mga anak.
Paano ito dapat gawin?
Ang pagpapalaki sa mga anak ay dapat gawin “in the discipline and instruction of the Lord.” Sa panahon nila, at maging sa panahon natin ngayon, dapat na ang nangunguna sa pagtuturo sa mga bata ay ang tatay. Practically, ipinapaubaya natin ‘yan sa eskwelahan o sa mga nanay na mas madalas na nasa bahay. Tama namang may maitutulong sila, at nagpapasalamat tayo sa mga asawa natin sa laki ng ginagampanan nila. Pero in terms of leadership, dapat tayo ang manguna dito.
Dalawang bagay ang binanggit ni Paul. Yung una ay “discipline.” Pwede nating gamitin ang salitang ito in two senses. Yung mas limited ay yung pagtutuwid sa pagkakamali. Kasali naman yun. Pero yung salitang ginamit dito ay mas generic o mas malawak ang scope. Galing sa salitang paideia (kung saan galing ang salitang “pedia”) na tumutukoy sa kabuuan ng pagsasanay at pag-aaral ng mga bata, hindi lang para mahubog ang isip nila, kundi pati ang pag-uugali at asal nila.
Ang ikalawa naman ay “instruction,” na mas specific na tumutukoy sa pakikipag-usap natin sa mga anak natin. May sasabihin tayo, may ituturo tayo, meron tayong warning na ibibigay sa kanila. Ang problema sa ating mga tatay, pagdating sa bahay nagiging tahimik tayo kung kailangan nating magsalita. Oh Lord, forgive us! Sabihin natin sa kanila, “Anak, ito ang kailangan mong malaman. Ito ang kailangan mong gawin. Ito ang hindi mo dapat gawin. Nakikiusap ako sa ‘yo, anak. Para ito sa ikabubuti mo. Mahal ka namin ng nanay mo.”
At pinakamahalaga sa lahat, ang disiplina at pagtuturong ito ay dapat “of the Lord.” Hindi sariling salita o opinyon o diskarte lang natin. Kundi salita ng Diyos ang lumalabas sa bibig natin, salita ng Diyos ang gumagabay sa atin. Paano mangyayari yun, mga tatay, kung ikaw mismo ay hindi nagbabasa at nag-aaral at nagkakabisado at nagsasabuhay ng salita ng Diyos? Paano mo sila madadala kay Cristo kung hindi nakikita sa ‘yo ang magandang halimbawa ng pagsunod kay Cristo?
Mga tatay, dalhin natin ang buong pamilya natin sa church every Sunday. At agahan ninyo ang pagpunta! During the service, ipakita mo sa anak mo na nakikinig kang mabuti sa sermon, na umaawit ka ng malakas. Papuntahin n’yo sa Sunday School at sa mga discipleship groups ang mga anak n’yo. Sa loob ng bahay, hayaan mong makita ng mga anak mo na nagbabasa ka ng Salita ng Diyos. Pag-usapan n’yo yung napakinggang sermon. Araw-araw, hanggat maaari, basahin n’yo ang Salita ng Diyos sa family worship. Sundan ninyo yung Bible reading schedule ng church. Pwedeng gumamit ng study Bible para maipaliwanag ang binasa. O kung may maliit na bata, pwedeng basahin yung The Biggest Story Bible Storybook. I-memorize n’yo together yung fighter verse of the week ng church. Sing worship songs together. Samantalahin natin ang bawat pagkakataon para ipaliwanag sa kanila ang mabuting balita ni Cristo, at akayin natin sila hanggang dumating ang araw na sila ay mababautismuhan na. What a joyous day that would be for us parents! Kung gusto mo pang matuto, basahin mo yung books ni Joel Beeke, How to Lead Your Family and Family Worship.

C. Si Cristo na nasa Sentro ng Pamilya (5:22, 25; 6:1, 4)

Malinaw ang mga obligasyong pampamilya na nakasulat sa salita ng Diyos. Dapat magpasakop ang babae sa kanyang asawang. Dapat mahalin ng lalaki ang kanyang asawa. Dapat sundin ng mga anak ang kanilang mga magulang. Dapat pangunahan ng mga tatay, katuwang ang mga nanay, ang pagpapalaki sa kanilang mga anak. Ano ang kaibahan kapag Kristiyanong pamilya? Hindi lang ito basta obligasyon, kundi mga obligasyong ginagawa natin habang si Cristo ang nasa sentro ng ating pamilya. Ang babae ay nagpapasakop sa kanyang asawa “tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon” (Eph 5:22). Dapat mahalin ng lalaki ang kanyang asawa “gaya ng pagmamahal ni Cristo sa iglesya” (Eph 5:25). Ang mga anak ay dapat sundin ang kanilang mga magulang “alang-alang sa Panginoon” (Eph 6:1). Ang mga magulang ay dapat palakihin ang kanilang mga anak “ayon sa disiplina at aral ng Panginoon” (Eph 6:4). Lahat ng mga obligasyong ‘yan ay nakakabit kay Cristo. Kapag wala kasi si Cristo at ang ebanghelyo sa sentro, mauuwi ang mga paggawa natin ng mga obligasyong ito sa idolatry, legalism, o despair. Para masolusyunan yun, kailangang palaging nakakabit ang mga obligasyong ito kay Cristo at sa ebanghelyo.
Union with Christ
Para maiwasan ang idolatry sa mga relasyon natin, dapat na makita nating ang pinakamahalaga sa lahat ay ang pakikipag-isa natin kay Cristo o union with Christ. Kung iisipin ng mga babae na ang kanilang asawa ang pinakamahalaga sa lahat, gagawin nila ang lahat para lang ma-please ang asawa nila kahit na nagsa-suffer na sila at ang relasyon nila sa Panginoon. That is idolatry. Ganun din sa mga anak, kapag ang mundo mo ay umiikot na sa mga anak mo, sa mga pangarap mo sa kanila, you are turning them into idols na para bang sila na ang pinakamahalaga sa buhay mo. Mahalaga ang pamilya at relasyon sa pamilya. Pero si Cristo ang pinakamahalaga sa lahat. Sabi ng Panginoong Jesus tungkol sa pagsunod sa kanya, “Ang umiibig sa kanyang ama o ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang umiibig sa kanyang anak nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin” (Mat 10:37).
Gospel Motivation
Para naman maiwasan ang legalism sa family relationships, kailangan natin ng gospel motivation. Yung legalism ay yung pag-iisip na kung magiging mabuting asawa, magulang, o anak ka, ay dun nakasalalay ang pagtanggap sa ‘yo ng Diyos. Mabuti naman kung gagawin natin ang mga dapat gawin. Pero hindi yun ang basehan ng pagliligtas sa atin ng Diyos. We are saved by grace alone, not by good works (Eph 2:8, 9). Ginagawa natin ang mga obligasyong dapat nating gawin sa pamilya hindi upang maligtas kundi dahil iniligtas na tayo ni Cristo. Ang gospel ang motivation na kailangan natin para mag-udyok sa atin na mahalin at alagaan at igalang ang mga taong ipinagkaloob sa atin ng Diyos sa pamilya.
Gospel Transformation
Para maiwasan naman ang despair o kawalang-pag-asa, kailangan nating panghawakan ang transforming power of the gospel sa mga ordinary relationships natin. Kapag kasi naging malinaw sa atin ang mga obligasyong dapat nating gawin, pinanghihinaan tayo ng loob kapag nare-realize natin how far we fall short sa standard ng Diyos. Kapag na-realize ng mga babae na hindi sila nagpasakop sa asawa nila gaya ng nararapat, ng mga lalaki na hindi sila nagmahal sa asawa nila nang tulad ni Cristo, ng mga anak na hindi nila iginalang at sinunod ang mga magulang nila, ng mga magulang na malaki ang naging pagkukulang nila sa kanilang mga anak. Ano ang pag-asa na meron tayo? Wala sa personal resolve and determination natin na pagbubutihan na natin para maging maayos ang lahat sa pamilya. Pero paano kung wala na tayong pagkakataon para gawin yun? Paano kung sa pagsisikap natin ay hind pa rin maging maayos ang lahat? Ang pag-asa natin ay nasa kapangyarihan ni Cristo na bumago hindi lang sa pamilya natin kundi unang-una sa puso natin. Para tayo ay maging kawangis ni Cristo sa pagmamahal maging maayos man ang pamilya natin o hindi.
Ang pag-asa natin ay nakay Cristo at sa relasyon natin kay Cristo. Balang araw, ang relasyon natin sa pamilya natin ay magtatapos din, pero ang relasyon natin kay Cristo ang magpapatuloy magpakailanman. Sa araw ng pagbabalik ni Cristo, si Cristo ang ating mapapangasawa, at tayo na iglesia ay “gaya ng isang babaing ikakasal” (Rev. 21:2). Ang Diyos naman ang ating magiging walang-hanggang Ama, at tayo ay itinuturing niya na kanyang mga anak (Rev. 21:7). Wala nang relasyon na mas hihigit pa kaysa rito!
Related Media
See more
Related Sermons
See more
Earn an accredited degree from Redemption Seminary with Logos.