Part 9 - Sodom and Gomorrah
Abraham: Faith in God's Promises • Sermon • Submitted
0 ratings
· 313 viewsNotes
Transcript
Introduction
Introduction
Sumikat kamakailan lang sa social media ang FIJ City Church. Meron kasi silang daily teaching sa FB. Naging controversial yung turo ng mga pastor nila. Yung Bible daw hindi Word of God. Wala raw literal na hell o impiyerno. Lahat daw eventually ay maliligtas, kahit yung mga unbelievers, dahil sa ginawa ni Cristo—universalism ang tawag dun. #GraceWins daw kasi. Pero ang totoo, grace doesn’t win kung walang judgment. Kapag binabalewala, tinatanggi, minamaliit mo ang hustisya ng Diyos, ang totoo ay binabalewala, tinatanggi, at minamaliit mo rin ang biyaya ng Panginoon.
Dahil sa mga ganitong maling katuruan na kumakalat hanggang ngayon, kaya mahalaga yung ginagawa nating pag-aaral sa Heidelberg Catechism (1563). Sa Lord’s Day 3, Questions 10-11, ganito ang itinuturo sa atin:
Q10: Hahayaan ba ng Diyos na ang gayong pagsuway at pagrerebelde ay hindi mapaparusahan? Hinding-hindi. Siya ay lubhang galit sa ating orihinal pati na ang mga nagawang kasalanan. Lalapatan Niya ng kaukulang parusa sa kasalukuyang buhay at sa kabilang buhay ang lahat ng mga ito ayon sa Kanyang makatarungang hatol. Ipinahayag Niya sa Kasulatan, “Sumpain ang hindi tumutupad sa lahat ng nasusulat sa aklat ng Kautusan.”
Q11: Hindi ba mahabagin din ang Diyos? Totoong mahabagin ang Diyos, ngunit makatarungan din Siya. Hinihingi ng Kanyang katarungan, na ang kasalanan na nagawa laban sa kataas-taasang Diyos, ay nararapat na mahatulan ng pinakamatinding parusa, kaparusahang walang hanggan para sa katawan at kaluluwa.
Makatarungan at mahabagin, just and merciful. Yung dalawang katangiang ‘yan ng Diyos ang makikita natin sa kuwento ng Sodom and Gomorrah sa Genesis 19. Very familiar ang story na ‘to. Pero wag mong isiping pang-Old Testament lang itong naglalagablab na parusa ng Diyos. It is also paradigmatic—o pagsasalarawan—of the coming judgment. At yun ay higit na malala kesa sa Sodom and Gomorrah. Sa mga unrepentant sabi ni Jesus, “Kaya tandaan ninyo na sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin ninyo kaysa sa mga taga-Sodom” (Matt. 11:24 ASD). “Ngunit nang araw na umalis si Lot sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre at natupok silang lahat. Ganoon din ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao” (Luke 17:29-30 MBB). “Sinumpa at tinupok ng Diyos ang mga lungsod ng Sodoma at Gomorra upang maging babala sa masasama tungkol sa kanilang kasasapitan” (2 Pet. 2:6 MBB). “Alalahanin din ninyo na ang Sodoma at Gomorra at mga karatig-lungsod ay nalulong sa kahalayan at di-likas na pagnanasa ng laman, kaya't sila'y pinarusahan sa apoy na hindi namamatay bilang babala sa lahat” (Jude 7 MBB).
Nasa New Testament lahat ‘yan! Kaya tanggalin natin sa mindset natin yung pag-aakala ng ilan na ang Diyos ng Old Testament ay God of wrath, at ang Diyos ng New Testament ay God of love. No, the God of the Old Testament is the same God of the New Testament. Hindi siya nagbabago. He is the God of love and wrath, grace and justice, mercy and righteousness. Makikita natin ‘yan pareho—mercy and judgment— sa kwento ng pagtupok ng Diyos sa Sodom at Gomorrah at sa kamatayan ni Jesus sa krus.
Parang mas madali sa ating tanggapin yung tungkol sa pag-ibig at biyaya ng Panginoon. Pero kung galit, paghatol at parusa ng Diyos ang pag-uusapan, parang nahihirapan tayong tanggapin na ganun talaga ang Diyos. Hindi karakter ng Diyos ang problema. Perpekto siya. Walang defect sa kanya. Hindi lang natin lubos na nauunawaan ang perpektong kabanalan niya. At hindi rin natin lubos na nauunawaan kung gaano kasukdulan ang kasalanan natin laban sa kanya.
Napakalaking biyaya ang tinanggap ni Abraham mula sa Diyos. Pinangakuan siya na pagpapalain siya, at magiging isang “great and mighty nation” (Gen. 18:18). Pinili siya ng Diyos (v. 19) at tinawag pa siyang “kaibigan ng Diyos” (Jas. 2:23). Pero ang kabutihang ito ng Diyos ay plano ng Diyos na maranasan din ng maraming tao, that “all the nations of the earth shall be blessed in him” (Gen. 18:18). Pero hindi yun nangangahulugan na lahat ng tao ay tatanggap ng pagpapala ng Diyos. Hindi pwedeng palampasin ng Diyos ang kasalanan.
Kaya nga sinabi ng Diyos kay Abraham ang plano niyang gawin sa Sodom at Gomorrah dahil sa laki at tindi ng kasalanan nila (v. 20). At sa plano ng Diyos, kasama din at instrumental din si Abraham. Nag-intercede siya para sa Sodom at hiniling sa Diyos na ‘wag parusahan ang mga matutuwid at madamay sa pagpaparusa sa mga masasama. Karakter ng Diyos ang pinanghahawakan ni Abraham, “Shall not the Judge of all the earth do what is just” (v. 25)? Hindi gagawa ng mali ang Diyos. Lahat ng ginagawa niya ay tama, matuwid, perpekto at makatarungan. Ang mga matuwid ay maliligtas. Ang mga masama ang paparusahan ng Diyos. Pero higit pa sa hinihingi at inaasahan ni Abraham, sinabi ng Diyos na alang-alang sa sampung matuwid, kung meron man!, hindi niya wawasakin ang Sodom (v. 32).
Pero siyempre alam na natin ang mangyayari sa Sodom. Kahit hindi mo pa nabasa ang chapter 19, meron nang spoiler alert sa Genesis 13, nang humiwalay na si Lot sa tito niyang si Abraham. Nakita ni Lot ang bahagi ng Zoar, na sakop ng Sodom at Gomorrah, at dun na siya nanirahan. Spoiler, “Nangyari ito noong hindi pa natutupok ang Sodoma at Gomorra” (v. 10 MBB). At bakit tutupukin ng Diyos? “Ang mga tao sa Sodom ay talamak na makasalanan. Labis ang pagkakasala nila laban sa Panginoon” (v. 13 ASD). Ang tanong ngayon, meron pa bang natitirang matuwid (sampu mang lang, o kahit isa!) sa lugar na yun? At kung wala man at lahat ay masama, ganoon ba talaga sila kasama at nararapat lang talaga na dumanas ng matinding pagpaparusa ng Diyos? Tingnan natin...
Great Sinners (vv. 1-11)
Great Sinners (vv. 1-11)
Yung tatlong lalaki na bisita ni Abraham na nakita natin last week sa Genesis 18 ay si Yahweh kasama ang dalawang anghel. Nauna na yung dalawang anghel papuntang Sodom, at naiwan si Yahweh na kasama si Abraham. Gabi noon nang nagpunta ang mga anghel sa Sodom, at si Lot naman ay nakaupo sa may city gate (19:1), na posibleng nag-iindicate na sa loob ng halos 20 taong paninirahan sa lugar na yun, hindi lang siya naging isang resident, citizen pa. Hindi lang citizen, respected citizen pa at posibleng merong political position sa lugar na yun.
Pagkakita sa kanila ni Lot, stranger malamang sa kanya, at hindi nakilala na anghel, sabi niya, “Sirs, dumaan muna kayo sa bahay namin, para makapaghugas ng paa, at doon na kayo magpalipas ng gabi. Bukas na lang kayo nang maaga umalis” (v. 2). Ganito rin ang hospitality na nakita natin kay Abraham. Ang kaibahan lang dito, tinanggihan siya nung dalawa. Sabi nila, “Huwag na, dun na lang kami sa plaza sa bayan matutulog ngayong gabi” (v. 2). Pero nagpumilit si Lot sa alok niya (v. 3). Alam kasi niya na delikado at maraming masasamang tao sa lugar nila. Katunayan, yung salitang “pinilit” (ESV, pressed strongly) ay parehas ng salitang “tinulak” (ESV, pressed hard) sa v. 9 na nagpapakita kung gaano kabayolente ang mga tao dito. Pero iba si Lot. Kaya nga “righteous Lot” ang description sa kanya sa New Testament (2 Pet. 2:7). May pagkakatulad din kay Abraham. Hospitable din, ipinaghanda sila ng maraming pagkain, pati tinapay na walang pampaalsa (para mabilisan), at salu-salo silang naghapunan.
Pero meron ding pagkakaiba kay Abraham. Makikita ito sa sumunod na eksena. Nakagayak na silang matulog nang biglang dumating ang maraming lalaki, matatanda at mga kabataan, at pinalibutan ang bahay (v. 4). Sabi nila kay Lot, “Nasaan ang mga lalaking tumuloy sa bahay mo? Ilabas mo sila dahil gusto naming makipagtalik sa kanila” (v. 5). Tama ang pagkakasalin niyan. Sa CSB, “that we may have sex with them.” Literally, tulad ng sa ESV, ito ay, “that we may know them.” Yung “know” kasi ay euphemism o salitang katumbas ng sexual intercourse at hindi lang basta makipagkilala sa kanila. Tulad ng sa Genesis 4:1, “Adam knew Eve his wife,” tapos nagkaanak sila. So obviously, sexual intercourse ang ibig sabihin. Kung ganun, hindi lang homosexuality ang kasalanan ng mga taga-Sodom. Kasali yun, kasi ipinagbabawal sa Lev. 18:22 ang sexual relationship ng lalaki sa lalaki, at babae sa babae (tingnan din ang Romans 1:26:27). More specifically, ito ay attempted homosexual gang rape, at hindi lang basta inhospitality tulad ng sinasabi ng ibang liberal theologians. Yun din ang nakasulat sa Jude 7. Nagpumilit sila kahit tumanggi si Lot sa gusto nila. Sabi nila kay Lot, “Huwag kang makialam, dayuhan! Sino kang magtuturo sa amin ng aming gagawin? Tumabi ka kung ayaw mong masaktan nang higit kaysa kanila” (v. 9 MBB)! Mapilit masyado. Marahas. Hindi lang ‘yan ang kasalanan ng Sodom. Ayon kay Bruce Waltke, kasama rin ang injustice, oppression (Isa. 1:10, 17), adultery at kasinungalingan (Jer. 23:14); pride, katakawan, materialism, at walang pakialam sa mga mahihirap (Ezek. 16:49). Obviously, inilahad ang detalye ng kwentong ito para patunayang ang mga taga-Sodom ay talaga nga palang “great sinners against the Lord.”
Nararapat lang silang parusahan ng Diyos dahil sa tindi ng kasalanan nila. Tulad din ito sa panahon ni Noah bago wasakin ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng baha. Walang nagbago sa puso ng taong makasalanan (Gen. 6:5; 8:21). E si Lot? Pinigilan pa niya yung mga lalaki at sinabing wag gawin yung balak nilang masama (19:7). E yung sinuggest niya masama rin naman. Hindi ba’t sumobra naman ang proteksyon niya sa mga bisita niya at binugaw pa niya ang dalawa niyang anak, “Kung gusto nʼyo, may dalawa akong anak na dalaga. Ibibigay ko sila sa inyo at bahala na kayo kung ano ang gusto ninyong gawin sa kanila. Pero huwag ninyong galawin ang dalawang taong ito, dahil mga bisita ko sila at dapat ko silang protektahan” (19:8 ASD). Dapat din niyang protektahan ang mga anak niya! Siya pa ang nagprisinta! Oo, gipit na siya. Nalagay sa alanganing sitwasyon. Pero anong klaseng ama ang hahayaang mangyari yun sa mga anak niya?
Siya rin ay makasalanang kailangan ng kaligtasan. Malamang na nasa isip siya ni Abraham habang nagpepray siya para sa Sodom. Sa tangka ni Lot na iligtas ang mga anghel, hindi niya alintana na siya pala ang kailangang iligtas. The angels do not need Lot’s protection. Ipinadala sila ng Diyos para iligtas si Lot at ang kanyang pamilya. Kaya nung nagpupumilit nang pumasok ang mga taga-Sodom, hinatak si Lot ng mga anghel, isinara ang pintuan, at binulag ang mga tao (vv. 10-11).
Wag nating iisipin na yung mga tao lang na nasa labas ng church ang mga makasalanan na nararapat parusahan ng Diyos. We are also great sinners at deserving na maparusahan ng Diyos. Pero salamat na lang sa awa ng Diyos, dahil alam nating hindi lahat ng mga makasalanan ay paparusahan ng Diyos. Meron siyang mga tao na pinili at pinlanong iligtas. Tulad ni Lot at ng kanyang pamilya.
Great Rescue, Great Mercy (vv. 12-22)
Great Rescue, Great Mercy (vv. 12-22)
Noong una, hindi pa alam ni Lot kung ano ang sadya nitong dalawang bisita niya. Pero ngayon malinaw na—para iligtas ang kanyang pamilya bago paulanan ng Diyos ng apoy ang Sodom. Kaya sabi ng mga anghel sa kanya, “Kung may mga anak ka pa, manugang, o mga kamag-anak dito, isama mo silang lahat na umalis sa lugar na ‘to. Dininig ni Yahweh ang daing laban sa mga taong ito na puro kasamaan ang ginagawa, kaya ipinadala niya kami rito para ito’y wasakin” (vv. 12-13). Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos kay Lot at sa kanyang pamilya kaya ipinadala niya ang mga anghel para sinumang sasama sa kanila ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng kaligtasan. Tunog John 3:16? Yes!
Paano nagrespond si Lot? Pinuntahan niya yung mga manugang niyang lalaki, o yung mga mapapangasawa ng kanyang mga anak na babae at sinabi, “Umalis na kayo agad sa lugar na ito dahil wawasakin ito ni Yahweh.” Pero ang akala nila ay nagjo-joke lang si Lot. Kaya dapat makinig mabuti sa mga biyenan! Well, hindi naman ‘yan talaga ang application sa atin. If we know judgment is coming, sabihan natin yung mga taong mahal natin sa buhay kung ayaw natin silang mapahamak. Let us warn them of the judgment to come. Pero i-expect din natin na yung iba sa kanila ay hindi makikinig sa atin, hindi maniniwala, pagtatawanan pa tayo at sasabihang parang nababaliw. But love compels us to tell them the bad news.
Mahirap para sa mga taong makasalanan ang iwanan ang kanilang kasalanan. Mahirap talikuran ang mundo na nakahumalingan na natin. Maraming tao ang nasisiyahan na sa buhay na ito, masayang pamilya, magandang hanapbuhay, maraming naipundar na mga ari-arian—na hindi man lang iniisip na merong paparating na judgment day. Aanhin mo nga naman, sabi ng Panginoong Jesus, ang lahat ng kayamanan sa mundong ito kung mapapahamak naman ang iyong buhay (Mark 8:36)? Marami pa ring mga tao na hanggang ngayon ay namumuhay sa kadiliman, nananatiling bulag, at hindi nakikita ang liwanag ng pagliligtas ng Diyos (2 Cor. 4:4, 6).
Awa at biyaya lang talaga ng Diyos ang makapagliligtas sa atin. Natapos na ang magdamag, malapit nang sumikat ang araw, pinagmadali na ng mga anghel si Lot na umalis sa lungsod (Gen. 19:15). The gospel is urgent. Hindi pwedeng pagtagalin ang response. Judgment is coming. Now is the day of salvation. Kung ayaw ng mga manugang niyang sumamang umalis, wala siyang magagawa. Kaya sabi ng mga anghel sa kanya, “Bilisan mo! Isama mo ang asawa mo at mga anak mo. Umalis kayo agad at baka madamay pa kayo sa pagwasak ng Diyos sa lugar na ‘to” (v. 15). Hindi mo pwedeng sabihing matagal pa naman ang judgment day, hindi pa naman ako mamamatay, may chance pa naman siguro, hindi naman ako hahayaan ng Diyos na mapunta sa impiyerno. Etong si Lot, nagmamatagal pa. Nagdadalawang isip pa siguro. “Lot lingered” (v. 16). Bakit ka magdedelay, kung may sunog na, lumabas ka na at wag mo nang isipin yung ibang mga gamit mo na maiiwan sa bahay? Buhay mo ang mas mahalaga.
Buti na lang may awa ang Diyos. First time ginamit sa Bible ang salitang ito—mercy/compassion—dito sa v. 16. “The Lord being merciful to him.” Awa ng Diyos ang kumaladkad kay Lot palabas ng lungsod. We are naturally stubborn sinners. Kung hahayaan tayo ng Diyos sa likas nating kalagayan, tiyak na mapapahamak tayo. Praise God for his compelling mercy. Kung sa sariling nating kalooban nakasalalay ang kaligtasan natin, mananatili tayong yumayakap sa kasalanan at kamunduhan, at matutupok ng apoy tulad ng Sodom at Gomorrah. Buti na lang binuhat tayo ng Diyos at iniligtas sa tiyak na kapahamakan. O baka nandun ka pa rin sa kasalanang kinahuhumalingan mo? Minsan ang prayer ko para sa sarili ko ay ganito, “Panginoon, hindi ko kayang kumawala, hatakin mo ako palayo sa kasalanan.” At ang prayer ko sa mga members natin na hindi nagrerespond sa church discipline, “Whatever it takes, Lord, kaladkarin mo sila palayo sa kapahamakan.” Our sins, they are many; his mercy is more. Praise the Lord.
Pero kahit na hinahatak tayo ng awa ng Diyos, kailangan pa rin ang paulit-ulit na paalala sa atin. Tulad ng anghel sa sinabi niya kay Lot, “Tumakbo kayo palayo. Iligtas n’yo ang sarili n’yo. Dun kayo sa may bundok pumunta. Wag kayong lilingon. Wag kayong hihinto” (v. 17). E etong si Lot, nagdelay na naman. Nakiusap pa, “Pwedeng magrequest? Please lang po, wag na dun sa may bundok n’yo kami papuntahin. Dun na lang sa mas malapit na bayan. Magiging safe naman ako dun” (v. 20). Yung bayan na yun ang pangalan ay Zoar, ibig sabihin ay “maliit” (v. 22). Binanggit na rin ang bayang ito sa Genesis 13:13. Pumayag naman ang anghel sa request niya. Kasali sana yung Zoar sa tutupukin pero iniligtas dahil sa pakiusap ni Lot. Matindi kung magalit ang Diyos at magparusa. Pero wag nating kakaligtaan na higit na mayaman ang awa ng Diyos. Para kay Lot at sa kanyang pamilya at maging sa iilang mga nakatira sa Zoar.
Huwag nating kakaligtaan, palagi nating alalahanin ang ginawang pagliligtas sa atin ng Diyos. Nawa’y masabi rin natin sa Diyos ang sinabi ni Lot, “You have shown me great kindness (Heb. hesed) in saving my life” (19:19). Awa, biyaya, pag-ibig ng Diyos ang nagligtas sa atin. Makasalanan tayo at hindi nararapat na maligtas. Pero yung mga taong ayaw takasan ang parusa ng Diyos, at gustong manatiling nakakapit sa kasalanan, mararanasan nila ang tindi ng galit ng Diyos tulad ng nangyari sa Sodom at Gomorrah.
Great Judgment (vv. 23-29)
Great Judgment (vv. 23-29)
Sumikat na ang araw nang dumating si Lot sa Zoar (v. 23). Sa pagtaas ng araw ay siya namang pagbagsak ng apoy—sulfur and fire—na parang galing sa isang bulkan sa lupain ng Sodom at Gomorrah. Hindi ito natural disaster, but supernatural judgment, galing sa Diyos, galing sa langit (v. 24). Dahil dito, nawasak ang lahat sa lugar na yun. Matindi ang trahedyang biglang dumating sa kanila (v. 25). Hindi nila inaasahan. Akala nila okay ang lahat. Akala nila palalampasin ng Diyos ang kasalanan nila. Yung araw na yun pala ang katapusan na nila. Ito namang asawa ni Lot, hindi natin alam kung ano ang pangalan, lumingon sa direksyon ng Sodom at naging isang haligi ng asin (v. 26). Wala namang masamang lumingon, pero nagpapakita ito na bagamat ang katawan niya ay nasa labas na ng Sodom, ang puso niya ay tumitibok pa rin para sa Sodom at sa mga kasalanan nito. Siya rin ay hinatulan ng Diyos. Isang babala sa atin, sabi ng Panginoong Jesus, “alalahanin ninyo ang asawa ni Lot” (Luke 17:32). Mapapahamak ka kahit na nasa loob ka ng simbahan, pero ang isip at puso mo naman ay nasa kasalanan at kamunduhan. Kung terible na ang nangyari sa Sodom at Gomorrah, babala ng Panginoong Jesus, “Kaya tandaan ninyo na sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin ninyo kaysa sa mga taga-Sodom” (Matt. 11:24 ASD). Hindi nagbibiro ang Panginoong Jesus.
Tulad ng asawa ni Lot, si Abraham din ay tumingin sa direksyon ng Sodom at Gomorrah (Gen. 19:27-28). Yung kapatid ko nung isang araw, habang nandun sa 17th floor sa condo niya nakita yung isang facility na may makapal na usok at nasusunog. Multiply that a thousand times, ganun siguro katindi yung kapal ng usok na nakita ni Abraham (v. 28). Ano kaya ang tumatakbo sa isip ni Abraham nung panahong yun? We don’t know. Pero yung nakikita niya ay bahagi ng plano ng Diyos bilang isang righteous judge. Sinagot ba ng Diyos ang prayer ni Abraham? Yes, pero hindi sa paraan na ayon sa pag-iisip ng tao. Wala namang matuwid sa lugar na yun, wala kahit isa (Rom. 3:12). Kaya tinupok silang lahat. Pero merong iniligtas ang Diyos, kahit hindi explicitly yun hiniling ni Abraham sa Diyos. Iniligtas ng Diyos si Lot, ang dalawang anak nito, pero hindi ang kanyang asawa.
Ipinaliwanag sa atin ng narrator kung bakit sa v. 29, “Inalala ng Dios si Abraham, nang lipulin ng Dios ang mga lungsod sa kapatagan kung saan nakatira si Lot, iniligtas niya muna si Lot para hindi ito mapahamak” (ASD). “God remembered Abraham.” Ganun din sa Gen. 8:1, “God remembered Noah...”; Gen. 30:22, “God remembered Rachel...”; Exod. 2:24, “God remembered his covenant with Abraham, with Isaac, and with Jacob.” Hindi naman makakalimutin ang Diyos na tulad natin. Ito ay tumutukoy sa mga instances na nagdesisyon ang Diyos na gumawa para sa kanyang anak in line with his faithfulness and commitment sa covenant. Iniligtas ng Diyos si Lot, at hindi hinayaang mapahamak, dahil sa pangako ng Diyos kay Abraham na ang iba ay pagpapalain din sa pamamagitan niya.
Great Savior (vv. 30-38)
Great Savior (vv. 30-38)
Kung mararanasan mo ang pagliligtas ng Diyos, hindi pwedeng walang magbabago sa ‘yo. Kung great salvation ang tinanggap natin, great transformation din ang mangyayari. Pero hindi yun ang usually na nangyayari. Alam natin ‘yan by experience. Si Lot, hindi naman ito yung unang naligtas siya dahil kay Abraham. Remember the story of Genesis 14? Nung nadakip siya, pero iniligtas siya ni Abraham, kaso pinili pa rin niyang maging residente ng Sodom, sa halip na bumalik kay Abraham. Dito rin sa Genesis 19, nandoon siya sa Zoar, pero umalis din dahil sa takot niya sa lugar na yun, kaya namundok na lang sila ng mga anak niya (v. 30). Pero pwede naman siyang bumalik kay Abraham, at magsimula ulit ng bagong buhay.
Pero hindi ganun ang nangyari. Pinili pa niyang sa kweba tumira (v. 30). Hindi naging mabuti ang mga sumunod na nangyari sa pamilya niya. Kung tratuhin niya yung mga anak niya kanina ganun-ganun na lang. Dito naman sa dulo ng chapter 19, ganun-ganun na lang din ang pagtrato nila sa tatay nila. Ironic yung twist na ‘to sa story. Ito kasing magkapatid na babae, di natin alam kung ano ang pangalan, gustong magkaanak. Kaso wala na silang asawa, natupok na ng apoy. At wala rin sigurong prospect sa lugar nila. Okay lang naman yung desire na magkaasawa o magkaanak. Pero wag nating ilagay sa sarili nating kamay, diskarte o paraan para makuha yung gusto natin. Di ba’t ganyan din ang ginawa ni Abraham at Sarah a few years ago?
Ito namang dalawang anak ni Lot, nagplano nang masama. Sabi ng isang commentary, wala na nga sila sa Sodom pero ang kasamaan ng Sodom nakakapit pa sa puso nila. Sabi ng ate sa kapatid niya, “Ganito ang gawin natin, lasingin natin si tatay. Tapos kapag lasing na siya, makipagtalik tayo sa kanya para mabuntis tayo at magkaroon ng anak” (v. 32). Napakasamang plano. Ipinagbabawal din ang incest—sexual relationship sa malapit na kamag-anak—sa batas ng Diyos. Common sa atin makabalita ngayon na isang tatay sa anak niya, o isang tito sa pamangkin niya. Pero yung anak ang magplano nang ganito sa tatay nila?! Nangyari nga ang plano nila. At nabuntis silang pareho (vv. 33-36). Ang tatay nila ang naging tatay ng mga anak nila. Yung mga anak nila magpakapatid at magpinsan din! Ang gulo, di ba? Kaya wais talaga kung kalooban ng Diyos ang nasusunod. Pero kung tayo? Walang mabuting mangyayari.
Ang pangalan nung naging anak (at apo!) ni Lot ay Moab. Yung sumunod naman ay Ben-ammi (vv. 37-38). Sila ang pinanggalingan ng lahi ng mga Moabites at Ammonites. Itong mga lahing ito ang eventually ay magiging palagiang kaaway ng mga Israelita, na lahi ni Abraham. Nasa gawing kanan lang sila ng lupang pangako, east of the Jordan River. Katunayan bago makapasok ang mga Israelita sa Canaan after nila sa Egypt, kailangan nilang dumaan sa Moab. At nandun si Moses nun sa plains of Moab na nagbigay ng huling sermon niya sa Israel bago siya mamatay (Deuteronomy). At akalain mo nga naman na bagamat itong mga Moabites ay kaaway ng Israel, pero magiging instrumental pa ang lahing ito sa redemptive history, para matupad yung plano ng Diyos na pagpapalain ang lahat ng lahi sa mundo sa pamamagitan ni Abraham. Remember Ruth na isang Moabite, na napangasawa ni Boaz, na ang naging anak ay si Jesse, na siyang tatay ni David, na siyang pinanggalingang angkan ng Panginoong Jesus, “the son of David, the son of Abraham” (Matt. 1:1).
Lahat tayo great sinners before God. Si Jesus lang ang perfectly righteous. Lahat tayo ay dapat lang na tumanggap ng great judgment ng Panginoon. Pero si Cristo ang umako ng matinding parusang yun nang siya ay ipako sa krus. Nagdilim ang kalangitan, mula sa langit ay bumagsak ang apoy ng poot at galit ng Diyos at ibinuhos sa kanyang Anak ang tindi ng parusa na nararapat sa atin. Yung great judgment ng Panginoon, kitang-kita sa krus. Yung great mercy niya, evident din sa krus. Kaya naranasan natin yung great rescue, great salvation, dahil meron tayong isang great Savior. His name is Jesus. Wala nang iba.
Conclusion
Conclusion
Kung hanggang ngayon malayo ka pa sa Diyos at yumayakap sa kasalanan, delikado ka. Wag mong sabihing nagsisimba ka palagi. Hindi ang pagiging relihiyoso mo ang makapagliligtas sa ‘yo. Layuan mo ang kasalanan at si Cristo ang yakapin mo. Ngayon na. Bilisan mo. Wag ka nang mag-dalawang isip pa. Siya lang ang makapagliligtas sa ‘yo sa bagsik ng galit ng Diyos.
At kung naranasan mo ang laki ng awa at pagliligtas ng Diyos, pasalamat ka sa kanya. Wag kang magmalaki. Sa halip, mamuhay ka nang ayon sa kalooban niya. At, maawa ka rin sa iba—sa kasama mo sa bahay, sa mga kapitbahay mo, sa mga kaibigan mo. Wag mong isiping parang okay naman sila. They were going to hell kung hindi nila maririnig ang mabuting balita ni Cristo. Isipin mo ang tindi ng apoy na bumagsak sa Sodom at Gomorrah. Multiply that a million times. Ganun ang daranasin ng mga tao sa paligid natin, ng mga tao sa Mindanao o Thailand na hindi pa sumasampalataya kay Cristo. Ipanalangin mo sila. Ibahagi mo sa kanila ang masamang balita, at pagkatapos ay yung mabuting balita. Suportahan natin ang mga kapatid nating nagsasakripisyo para abutin sila. Kung ganun pala katindi ang parusa ng Diyos, at higit na malaki ang awa ng Diyos, pwede ba namang wala kang gagawin in response to that? Hindi pwede.