Part 6 - The King Who Rescues

Politics and the Kingdom of God  •  Sermon  •  Submitted
0 ratings
· 109 views
Notes
Transcript

Introduction

Isang buwan na lang, meron nang bagong administrasyon sa gobyerno natin. Pero hindi ito nangangahulugan na magkakaroon ng magandang pagbabago. Although siyempre umaasa tayo at nagpepray na maging mabuti ang mga susunod na taon. Pero pwedeng ganun pa rin. Malaki talaga kasi ang problema ng bansa natin. Sistema ang problema, hindi lang isang tao, so hindi talaga kayang solusyunan ng isang tao. Kahit pa ang presidente ang pinakapowerful sa bansa natin, he cannot fix our nation’s problems. Pero siyempre crucial ang role niya. Sa mga kabataan, medyo idealistic pa, at optimistic, umaasa na magiging maganda ang sistema ng gobyerno. Pero yung mas nakatatanda na ilang presidente na ang naabutan, medyo cynical na, paulit-ulit na lang daw ‘yan, ganyan na raw talaga ang problema sa bansa natin.
Pero merong higit na mas mahalagang tanong kaysa sa tanong na ano kaya ang mangyayari for the next years. Ito yung question na, how are we going to respond? Will we remain faithful to God and his word? E paano kung merong mga bagong batas na kumokontra sa salita ng Diyos? Do you have resolve and courage and determination to obey God no matter the cost? The answer doesn’t depend sa kung ano ang pagkakilala natin sa sarili natin, o pagkilala natin sa kung sinuman ang nasa gobyerno, kundi nasa pagkakilala natin kung sino ang Diyos at ano ang magagawa niya at ipinangako niyang gagawin niya sa mga anak niya na patuloy na nagtitiwala at sumusunod sa kanya.
Nasa last chapter na tayo ng ng narrative portion ng Daniel. Nasa 80s na siya. Simula kay Nebuchadnezzar (Babylon), ngayon hanggang kay Darius at Cyrus (Medo-Persian). Mula simula ng exile ng Israel sa Babylon, hanggang end ng 70-year exile bago sila bumalik sa lupain nila. Siyempre as exiles, bahagi na sila ng sistema ng gobyernong namamahala sa kanila. Will they remain faithful sa pamamahala ng Diyos? Sa mga batas ng Diyos? Sa identity na meron sila as God’s people? Easy to say yes. Pero kung nagsasabwatan na ang maraming tao, maraming kalaban, maraming puwersa to tempt us to compromise our faith and allegiance, mahirap na.
Kung Christian teacher ka, tapos usual na sistema ang pandaraya. O Christian government employee ka, usual ang paglalagay o suhol. O nag-iisang Christian ka sa workplace, o sa mga kabarkada mo, kung ano ang worldliness nila ganun ka na rin ba? nakanino ang tiwala mo? Kaninong salita ang mas mahalaga sa ‘yo? Sino ang pinaniniwalaan mong makapagliligtas sa ‘yo? Crucial questions na matutulungan tayo ng Daniel chapter 6 na masagot.

Test of Faith and Obedience (Dan. 6:1-9)

For a long time, si Nebuchadnezzar ang king, then sa chap. 5 si Belshazzar, then dito sa chap. 6 si Darius na. No elections. By conquest ‘yan. Tapos appointment ang ginagawa ng hari kung sinu-sino ang mga opisyal na gusto niya. At pinili niya ang mga gusto niyang “satraps,” o para sigurong mga gobernador sa mga probinsiyang nasasakupan ng kaharian niya. Tapos merong tatlong high officials na mamamahala sa 120 na ‘to. Accountabillity. Para saan? “So that the king might suffer no loss” (v. 2). Para masigurado na di sila mangungurakot. Para pasok lahat sa kabang yaman ng kaharian o ng hari.
Siyempre kailangan niya ng mga taong mapagkakatiwalaan niya. Hindi yung palakasan. O yung pagtanaw ng utang na loob. Kasama si Daniel dun sa tatlo. Matanda na, pwede nang magretire, pahinga na lang, pero he keeps on serving for th good of the kingdom. At siya pa ang pinakapopular sa kanila hindi dahil artista, kundi dahil siya ang pinakamahusay talaga, “dahil sa pambihira niyang karunungan” (v. 3 MBB), “an excellent spirit was in him” (ESV). Kaya ang plano niya gawin na siyang pinakamataas, parang prime minister. Mula sa kabataan niya hanggang sa pagtanda nananatili ang katapatan at integridad ni Daniel. Pambihira. Hindi tulad ng ibang pulitiko, okay sana sa simula, pero nung tumagal, nilamon na rin ng bulok na sistema. Pero si Daniel, napakalinis ng record.
Pero kung sino pa yung malinis ang record, siya pa ang pinagtutulungan para ibagsak. We live in a fallen world. We don’t expect na tatanggapin tayo ng mga tao at patuloy na pagsasalitaan nang mabuti o itatrato nang maayos kung faithful tayo sa pagganap sa tungkulin natin as Filipino citizens. Kaya itong si Daniel, kinainggitan dahil sa plano ng hari para sa kanya. Naghanap sila ng maibubutas sa kanya para ireklamo siya sa hari, para madisqualify siya, “pero wala silang makita, dahil si Daniel ay tapat sa kanyang tungkulin at maaasahan” (v. 4 ASD). Pwede nilang ipapatay si Daniel, pero delikado ‘yan para sa kanila. O pwede silang magkalat ng fake news tungkol sa kanya, pero delikado ‘yan kasi kung mahuli ng hari na nagsisinungaling sila, sila rin ang lagot. Unlike ngayon, wala namang napaparusahan dahil sa fake news. Nakikinabang pa.
Pero may naisip sila. Dahil alam nilang faithful si Daniel sa pamamahala, at hindi lang yun, faithful din siya sa Diyos at sa mga kautusan ng Diyos. At alam siguro nila na yun ang highest allegiance ni Daniel kaya gagamitin nila itong highest strength ni Daniel to their advantage, para maipahamak si Daniel. Anong ginawa nila?
“Nagkaisa sila” (v. 6 MBB). Sa ESV, “came by agreement. Pambihira ‘yan kapag 122 people ay nagkakaisa sa isang layunin. Maganda ang pagkakaisa, pero hindi sa lahat ng pagkakataon. Lalo na kung masama ang balak, kung masasama ang nagkakaisa at pinagkakaisahan ang mga matitinong tao para sa sarili nilang kapakinabangan. Pagsasabwatan ang tawag dun. Dalawang beses pa uulitin ang salitang ito sa verses 11 and 15, ibig sabihin determinado talaga sila sa plano nila laban kay Daniel. Ano ang plano? Nagpropose at nagsubmit sila ng panukalang batas sa hari. Pagpunta nila sa hari, “O King Darius, live forever!” Akala mo naman concern talaga sa kapakanan ng hari. Ang sabi nila ganito:
Kaming mga administrador, mayor, gobernador, tagapayo, at mga komisyoner ng inyong kaharian ay nagkasundong hilingin sa inyo na gumawa ng kautusan na sa loob ng 30 araw ay walang mananalangin sa sinumang dios o tao maliban sa inyo. At dapat itong sundin, dahil ang sinumang susuway sa utos na ito ay itatapon sa kulungan ng mga leon. Kaya Mahal na Hari, magpalabas na po kayo ng ganoong kautusan. Ipasulat nʼyo po at lagdaan para hindi na mabago o mapawalang-bisa ayon sa kautusan ng ating kahariang Media at Persia.” ASD
Lahat daw ng mga government officials nagkasundo para i-propose yung batas na ‘to. Totoo ba yun? O exaggerated? Ano yun nagconference sila o nagsurvey muna? Whatever the case, mahirap tanggihan ng hari ‘yan. Baka bumababa ang popularity niya, para maging feeling “diyos” siya. Thirty days lang naman, hindi naman forever na batas. Temporary lang. So ayun, pinirmahan niya. May nakasulat pa na provision na hindi na pwedeng baguhin o ipawalang bisa, maliban na lang sa expiration na 30 days.
Merong batas. Bawal magpray. Bawal sumamba sa Diyos. Bawal pumunta sa church. Bawal magbasa ng Bible. Tapos death penalty ang kapalit. Ano ang gagawin mo? Ah, temporary lang naman, sundin na lang natin? Ah, submit to the government daw sabi sa Romans 13, so matuto tayong sumunod sa batas, wag nating kokontrahin ang gobyerno?

Suffering the Cost of Faithfulness and Obedience (Dan. 6:10-20)

We must obey God rather than men. May limit ang submission natin sa gobyerno. We are first citizens of the kingdom of God. Sa Diyos at sa kanyang mga batas ang highest allegiance natin. Remember Shadrach, Meshach and Abednego? Di ba’t hindi rin sila lumuhod sa gintong rebulto na ipinatayo ni Nebuchadnezzar? Wala sa eksenang yun si Daniel. Pero walang duda na Diyos ang pinaka-Hari na pinaglilingkuran niya. Alam nga ito ng mga kaaway niya. So ano ang ginawa ni Daniel? Umapela ba siya sa hari? Nagpost ng reklamo sa Facebook? Nag-organize ng mass protest para ipaglaban ang freedom of religious expression? Pwede namang gawin, wala namang masama. Pero ang ginawa ni Daniel ay nagpapakita na ang pangunahing tiwala niya ay nasa Diyos at sa magagawa ng Diyos, hindi sa tao at sa magagawa ng tao.
Ano ang ginawa niya? “Nang malaman ni Daniel na lumagda ang hari, umuwi siya at pumunta sa kanyang silid na nasa itaas na bahagi ng bahay, kung saan nakabukas ang bintana na nakaharap sa Jerusalem. Doon lumuhod siya, nanalangin at nagpasalamat sa kanyang Dios, tatlong beses sa isang araw, ayon sa kanyang nakaugalian” (v. 10 ASD). Bawal daw mag-pray. Pero si Daniel ganun ang ginawa. Hindi lang isang beses isang araw, kundi tatlong beses. Nakaluhod, nananalangin, nagpapasalamat sa Diyos. Marami ngang mga Christians ngayon, hindi naman tayo pinagbabawalan magpray at pumunta sa church para sumamba sa Diyos, pero hindi naman ginagawa. There is something fundamentally wrong sa religion ng maraming nagsasabing Christians sila. Pero iba si Daniel. Nakaharap pa sa direksyon ng Jerusalem. Bakit? Kasi nagbabasa siya ng Scripture. Nabasa niya yung prophecy ni Jeremiah na siyang nauna sa kanya, na sinabing at the end ng 70 years of exile sa Babylon ay babalik na sila (see chap. 9). E tapos na ang Babylon, si Darius o Cyrus na ang hari, ayan na malapit na ang kinasasabikan nila. Although hindi siya nakabalik sa Jerusalem maybe dahil sa old age, pero marami sa kababayan niya ang makakabalik. Nandun yung longing, nandun yung encouragement sa ibang Jews na kapag nakita siya masabik din sila sa katuparan ng pangako ng Diyos na magliligtas sa kanila. At kung sila rin ay mananalangin na tulad ni Daniel, hihingi ng tawad at tulong sa Diyos, sasagot siya, pangako niya iyan (1 Kings 8:35, 47). Mas mahalaga ang mga salita, utos at pangako ng Diyos kaysa utos at salita at banta ng mga tao.
Kaya nakabukas ang bintana niya. Ayos lang makita ng iba. Pero pwede naman niyang isara, di ba? O kaya pwede namang secret prayer lang, tulad ng sabi ni Jesus sa Matthew 6. O kaya intayin munang matapos yung 30-day lockdown, kapag pwede na. O kaya isang beses na lang isang araw para hindi masyadong mahalata. Pero para sa kanya hindi pwede. Kasi kahit wala naman ipinag-uutos directly ang Diyos na ganun ang gawin niya sa prayer niya, yun na ang naging habit niya, nakaugalian. Ibig sabihin kung babaguhin niya dahil lang sa takot na maparusahan, nagpapakita yun ng kakulangan ng pagtitiwala sa Diyos. Ganun nga ang nangyari, may nakakita sa kanya. Ah, nagbabantay naman talaga itong mga ‘to (v. 11). “These men came by agreement and found Daniel...” Ayan na naman yung pagsasabwatan ng mga kawatan sa gobyerno. Kaya nakita siya na nananalangin, at isinumbong sa hari (v. 12). Hindi muna sinabi na si Daniel. Inuna munang ipaalala yung kautusan niya na hindi pwedeng baliin.
“Mahal na Hari,” sabi nila, “hindi baʼt lumagda kayo ng kautusan na sa loob ng 30 araw ay walang mananalangin sa alin mang dios o tao maliban sa inyo? At ang sinumang lumabag sa kautusang iyon ay ihuhulog sa kulungan ng mga leon?” Sagot naman ng hari, “Totoo iyon, at hindi na iyon mababago o mapapawalang-bisa ayon sa kautusan ng ating kahariang Media at Persia” (v. 12 ASD). Dahil sa sinabi na yun ng hari, isinumbong na nila si Daniel, “Si Daniel na isa sa mga bihag mula sa Juda ay hindi sumusunod sa inyong utos. Nananalangin siya sa kanyang Dios ng tatlong beses sa isang araw” (v. 13). Totoo naman ang sinabi nila. Guilty as charged si Daniel. Sa batas ng tao, hindi sa batas ng Diyos. At ang baba ng tingin nila kay Daniel, hindi as high-ranking official sa kingdom, pero as “one of the exiles from Judah.” Totoo naman! Yan si Daniel, naglilingkod sa kingdom of Babylon, and then Persia, but he doesn’t belong to them, he belongs to the kingdom of God katulad ng mga kasama niyang mga Judio. ‘Yan ang pangunahing identity din natin. We are in the world, we are citizens of the Philippines, but we are not of this world. We are the people of God, citizens of the kingdom of God. Hindi gaanong mahalaga sa atin kung ano ang sasabihin at gagawin ng iba tao, because we are secured in our identity in Christ.
So, Daniel was secured in his identity. His heart was at peace, kahit alam niya ang mangyayari sa kanya. Pero itong hari, siya pa ang balisang-balisa at hindi mapakali (v. 14). Kasi importante sa kanya si Daniel. Tapos isip siya nang isip ng paraan hanggang lumubog na ang araw kung paano ililigtas si Daniel. Admirable yung pag-aalala at concern niya kay Daniel. Pero kaawa-awa naman ang kalagayan niya na para bang napaka-powerless na niya. Hindi ba niya kayang gawan ng exemption si Daniel? O baguhin yung kautusan niya, at mag-issue ng panibagong batas o decree para mailigtas si Daniel? So powerless, so weak ang haring ito, napaikot sa kamay ng mga opisyales niya, hindi niya alam na-manipulate na pala siya. Ito na naman itong mga lalaking ito nagkaisa na naman, nagsabwatan, “came by agreement” (ayan na naman, third time na!) at ipinaalala sa hari na hindi pwedeng baguhin ang kautusan na pinirmahan niya (v. 15).
Dahil wala nang magawa ang hari (gustuhin man niya, pero hindi niya kaya!) kaya ipinag-utos niya na itapon si Daniel sa kulungan ng mga leon. Pero bago yun sabi niya kay Daniel, “Iligtas ka nawa ng iyong Diyos na patuloy mong pinaglilingkuran” (v. 16 ASD). Ay, pinagpray muna siya ng hari, isang pagkilala na mas makapangyarihan ang Diyos ni Daniel kaysa sa kanya. At paglabag din siguro sa sarili niyang batas na bawal magpray sa ibang diyos! So ironic! Tapos tinapon na siya sa mga leon, sinaraduhan ng malaking bato, tinatakan ng singsing ng hari bilang senyales na hindi pwedeng baguhin ang parusa sa kanya, at paparusahan din ang sinumang magtatangkang magligtas kay Daniel. Sigurado namang lalapain si Daniel ng mga leon, hindi naman yan parang mga alagang hayop. Buti sana kung sinlakas ni Daniel si Samson. E 80+ years old na siya. Kaya itong hari, alalang-alala, aba’t hindi makakain (nag-prayer and fasting pa?), hindi rin makuha ng entertainment, hindi rin makatulog hanggang mag-uumaga na. Dali-dali siyang bumangon at pumunta sa kulungan ng mga leon. Umaasa na sasagot ang Diyos sa prayer niya. Sumigaw siya nang malakas, malungkot at alalang-alala, ““Daniel, lingkod ng buhay na Dios, iniligtas ka ba sa mga leon ng iyong Dios na patuloy mong pinaglilingkuran” (v. 20)?
Kung patay na si Daniel, siyempre hindi yun sasagot! Patuloy siyang naglilingkod sa Diyos. Mula pagkabata hanggang pagtanda. Kahit maraming maging kaaway. Kahit paratangan ng kung anu-ano. Kahit maraming magsabwatan. Kahit buhay pa niya ang maging kapalit. Sulit ba talaga na sumunod sa Diyos kahit ganitong hirap ang dadanasin mo? Mas madali sana kung mas yayaman ka, mas magiging popular ka. Pero kung ganito, mahirap pala, ikamamatay mo pala, sulit ba ang sumunod kay Cristo? Mapagkakatiwalaan ba ang Diyos sa kanyang mga salita na siya ang magliligtas sa mga anak niya na patuloy na nagtitiwala, sumusunod at naglilingkod sa kanya?

God Rescues those Who Trust in Him (Dan. 6:21-28)

Ang sagot ay nasa istorya ng buhay ni Daniel. Ibang-iba sa hari, na hindi nakatulog at alalang-ala. Ito namang si Daniel, mukhang ginawa pang unan na yakap-yakap ang mga leon. Tulad din ng mga kaibigan niya sa panahon ni Nebuchadnezzar na itinapon sa pugon pero hindi man lang napaso ng apoy dahil sila’y iniligtas ng Diyos. Ganun din ang ginawang pagliligtas ng Diyos kay Daniel. Sumagot siya sa hari, and imagine yung suprise at relief sa mukha ng hari, sabi niya, “Mahal na Hari! Hindi ako sinaktan ng mga leon, dahil nagpadala ang Dios ng kanyang mga anghel para itikom ang mga bibig ng mga leon. Ginawa ito ng Dios dahil alam niyang matuwid ang aking buhay at wala akong ginawang kasalanan sa inyo” (vv. 21-22 ASD). Alam naman ng hari na walang kasalanan si Daniel na nararapat parusahan ng kamatayan. Alam niya yung integrity at blamelessness ni Daniel. And God rewarded his faithfulness by saving him from the lions. Ang Diyos ang nagliligtas sa mga anak niya na nagtitiwala, sumusunod at tapat na naglilingkod sa kanya.
Vindication ito ng Diyos para kay Daniel. At tuwang-tuwa naman ang hari sa nangyari (v. 23). Kaya iniutos niya na kunin na si Daniel palabas ng kulungan ng mga leon. “Nang maukha na si Daniel, wala silang nakitang kahit galos man lamang sa kanyang katawan, dahil nagtiwala siya sa Dios” (v. 23 ASD). Again, inililigtas ng Diyos ang mga lingkod niya na nagtitiwala sa kanya. Patuloy na inililigtas ng Diyos ang mga anak niya na patuloy na nagtitiwala sa kanya. Pero ang mga kumakalaban sa Diyos at kumakalaban sa mga anak ng Diyos ay mapapahamak. In an ironic turn of events, itong mga nagparatang kay Daniel, at nagsabwatan para ibagsak at ipahamak si Daniel, sila pa itong inutos ng hari na hulihin at itapon sa kulungan ng mga leon bilang kapalit ni Daniel, pati na ang kanilang mga anak at mga asawa (v. 24). Hindi klaro sa kuwento kung bakit, pero nagpapakita ito ng larawan na hindi lang tayo ang mapapahamak sa mga kasalanan natin kundi pati ang pamilya natin. And their end is tragic. Hindi pa sila lumalapag sa sahig ng kulungan ay sinakmal at nilapa na sila ng leon (v. 24). Ganyan ang karumal-dumal at nakakatakot na sasapitin ng mga taong kumakalaban sa Diyos at sa mga tapat na naglilingkod sa kanya.
So it matter, it matters eternally, it is a matter of life and death, kung nasaan o sa anong kaharian ang allegiance mo. Sa kaharian ba ng Diyos, o sa kaharian ng mundong ito? Ito ang mensahe ng book of Daniel para sa mga Judio na parang nasa kulungan din ng mga leon sa kanilang kalalagayan sa Babylon, at yun ay dahil sa kanilang sariling kasalanan. Pero may pangako ang Diyos na ililigtas sila mula sa den of lions sa Babylon, tulad ng pagliligtas na ginawa niya noon pa sa Egypt, gagawin niya ulit. Basta patuloy silang magtiwala, sumunod, at maglingkod sa Diyos.
But of course, it doesn’t mean na lahat ay makakaranas ng pagliligtas ng Diyos na tulad eksakto ng nangyari kay Daniel. That’s not the point. Kasi maraming mga tapat na propeta ng Diyos ang pinatay, maraming mga Christian martyrs ang itinapon din sa mga leon at nilapa ng leon, ang iba ay pinugutan ng ulo, ang mga apostol ni Cristo ay mga pinatay din (maliban lang kay John), at hanggang ngayon sa mga bansang ang gobyerno ay laban sa Kristiyanismo, kinukulong at pinapatay din ang mga faithful Christians. Buti pa nga sa bansa natin, kahit anong reklamo natin sa gobyerno, hindi naman ikinukulong ang mga pastor na tapat na nangangaral ng salita ng Diyos. Pero pwedeng mangyari, and we must expect things to get worse and not better: “But understand this, that in the last days there will come times of difficulty” (2 Tim. 3:1). Ibig sabihin ba nun hindi na faithful ang Diyos na magligtas sa kanyang mga anak tulad ng ginawa niya kay Daniel? No. Ang ibig sabihin, dapat lawakan natin ang sakop ng pagliligtas ng Diyos. God is more concerned not with our physical safety. Nailigtas si Daniel, pero namatay rin naman siya later on. Mas concern ang Diyos na iligtas tayo sa tunay na makapagpapahamak sa atin—sa kasalanan na magdadala sa atin ng higit na kapahamakan.
Dahil sa kasalanan, lahat tayo ay nasa bingit ng kamatayan, at nararapat lang parusahan. Kaya ipinadala niya, hindi ang kanyang anghel, kundi ang sarili niyang Anak para iligtas tayo. Ang Anak ng Diyos mismo ang nagkatawang-tao, para siyang alipin na namuhay sa mundo ng mga tao. Siya yung tunay na blameless at walang kasalanan. Si Daniel, may kasalanan din ‘yan, hindi perpekto. Pero si Jesus ay tapat na naglingkod at sumunod sa kalooban ng kanyang Ama kahit kapahamakan ang maging kapalit. Kinilala siyang “hari” ng mga tagasunod niya. Nainggit ang mga religious leaders. Na-threaten pati ang mga political leaders (mga Roman government officials). Nagsabwatan sila para hulihin siya, inaresto kahit walang kasalanan, pinaratangan, hinatulan ng kamatayan. Gusto siyang pakawalan ni Pilato dahil wala namang nakitang kasalanan sa kanya na dapat hatulan ng kamatayan. Pero nakatali rin ang kamay ni Pilato, kagustuhan ng nakararami ang nasunod, kaya ibinigay siya sa mga tao para ipako sa krus. Nang ipako siya sa krus, para siyang nilapa ng leon. Umiyak siya sa Diyos, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Galing yun sa Psalm 22:1. Nandun din sa verse na yun yung “Sumisigaw ako ng saklolo, ngunit bakit di mo ako tinutulungan” (MBB)? Nandun din sa v. 21 yung, “Sa bibig ng mga leon ako’y iyong hanguin.” Hindi siya dininig ng Diyos. Hinayaan siyang mamatay at lamunin ng libingan.
Para ano? Para maging kapalit, kahalili, substitute mo. Para hindi ka lapain ng leon, para makawala ka sa kagat ng diyablo. Para makalaya ka sa pagkakaalipin sa kasalanan. Para hanguin ka sa bulok na sistema ng mundong ito. Para makapamuhay ka ng tapat bilang mamamayan ng kaharian ng Diyos. Tiyak ang pagliligtas na ito ng Diyos dahil si Cristo ay hindi nanatiling patay. Nabuksan din ang bato na tumatakip sa pintuan ng kanyang libingan. Nakita ng mga disciples niya na siya’y muling nabuhay! Yan ang gospel na pinaniniwalaan natin. ‘Yan ang gospel na dapat paniwalaan mo kung hanggang ngayon ay hindi ka pa naniniwala. Hindi mo kayang iligtas ang sarili mo. Hindi ka kayang iligtas ng ibang tao—ng boyfriend mo, ng asawa mo, ng boss mo, ng kaibigan mo. Hindi ka kayang iligtas ng gobyerno. Kung bulok ang sistema ng gobyerno, yun ay dahil bulok ang sistema ng puso ng tao, ng puso mo, ng puso ko. Si Cristo lang ang makapagliligtas sa atin sa tiyak na kapahamakan.
This is the gospel that we proclaim. Jesus is King, our King, our Savior-King. Every knee should bow to him. Every mouth should confess that he alone saves. Hindi ba’t ganito ang naging mensahe ni King Darius “sa lahat ng tao sa iba’t ibang bansa, lahi at wika sa mundo” (Dan 6:25 ASD). Hawig sa kautusan din na nilabas ni Nebuchadnezzar in response sa pagliligtas ng Diyos kina Shadrach, Meshach at Abednego. Pero doon pinagbawalan lang niya ang mga tao na magsalita laban sa Diyos. Pero dito inutusan ni Darius ang mga tao na sumamba sa Diyos ni Daniel. Sabi niya, “Nawaʼy nasa mabuti kayong kalagayan. Iniuutos ko sa lahat ng tao na nasasakupan ng aking kaharian na matakot at gumalang sa Dios ni Daniel. Sapagkat siya ang buhay na Dios at nabubuhay magpakailanman. Ang paghahari niya ay walang hanggan, at walang makakapagbagsak nito. Nagliligtas siya at gumagawa ng mga himala at kababalaghan sa langit at dito sa lupa. Iniligtas niya si Daniel mula sa mga leon” (vv. 25-27). Hindi ba’t ito naman ang paulit-ulit na chorus ng book of Daniel? Tungkol sa kaharian ng Diyos na higit sa anumang kaharian: “a kingdom that shall never be destroyed…and it shall stand forever” (2:44); “His kingdom is an everlasting kingdom” (4:3); “his kingdom endures forever and ever” (4:34). Hindi dahil sa salita ng hari, kundi dahil yun ang salita ng Diyos.
So, naging maingay tayo nitong panahon ng eleksyon kasi gusto nating makaambag para magkaroon ng pagbabago sa bansa natin. Tama lang na may political involvement ang mga Christians. Si Daniel nga mula pagkabata niya hanggang pagtanda politically involved. Pwede kang lamunin ng bulok na sistema, pero kung mananatili kang tapat sa kaharian ng Diyos, hindi mangyayari yun. “Naging maunlad ang buhay ni Daniel sa panahon ng paghahari ni Darius at sa panahon ng paghahari ni Cyrus na taga-Persia” (v. 28 ASD). He prospered, hindi ibig sabihin naging mayaman siya o naging popular (posible siyempre), o naging madali ang buhay niya. Ang hirap nga ng pinagdaanan niya. If we want to be faithful citizens ng bansa natin, faithfully serve, mahirap din ang pagdadaanan natin. Pero dapat tandaan natin na ang faithfulness natin ay unang-una sa proclamation of the gospel. Gusto mong maging politically involved para magkaroon ng transformation sa bansa natin? Preach the gospel. Preach the gospel. Preach the gospel. Yan ang pinakamalaking political statement na masasabi natin sa mga tao: Jesus is King! Jesus is Savior! Bow your knees to him. Confess that he alone is Lord. Hindi gobyerno, hindi mga pulitiko, hindi mabuting edukasyon, hindi magandang ekonomiya, but the gospel is the power of God for salvation (Rom. 1:16).
Nasa kamay nating mga Cristiano ang kapangyarihan na makapagliligtas sa ating pamilya, sa ating mga kaibigan, sa ating bayan mula sa kapahamakang dulot ng kasalanan. Let us be faithful servants of King Jesus. Tulong-tulong tayo as a church in proclaiming the gospel to all nations. Hindi madali. And we will suffer as a result of our faithfulness. Pero mapanghahawakan din natin ang pangako ng pagliligtas ng Diyos tulad ni apostol Pablo sa sulat niya kay Timoteo:
Ngunit ang Panginoon ay tumindig sa tabi ko at ako'y pinalakas niya upang sa pamamagitan ko ay ganap na maipahayag ang mensahe upang mapakinggan ito ng lahat ng mga Hentil. Kaya't ako'y iniligtas sa bibig ng leon. Ako'y ililigtas ng Panginoon sa bawat masamang gawa at ako'y kanyang iingatan para sa kanyang kaharian sa langit. Sumakanya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen. (2 Tim. 4:17-18 Ang Biblia 2001).
Related Media
See more
Related Sermons
See more