Zechariah (Overview Sermon)

Post-Exilic Prophets  •  Sermon  •  Submitted
0 ratings
· 344 views
Notes
Transcript
Sermon Tone Analysis
A
D
F
J
S
Emotion
A
C
T
Language
O
C
E
A
E
Social
View more →

Balik Tayo kay Lord

Ang iba sa atin ay matagal nang Christians, ang iba ay bago pa lang. Pero alam nating lahat based on our experiences, na napakasarap ng merong malapit na relasyon sa Panginoon. Hindi tayo mapapabuti, alam natin ‘yan, kung malayo tayo kay Lord. Lalo na yung iba nating members na nadalaw ng mga pastors nitong nakaraan lang. Ang tagal nang hindi nakaattend sa church. Konektado yun sa relationship natin kay Lord, kasi nga every Sunday we come to worship God together. Yung iba nahihiya na na bumalik, “Tatanggapin pa kaya ako ng church? Tatanggapin pa kaya ako ni Lord?” Lalo na kung naging makamundo at nalulong sa isang kasalanan nang matagal na panahon. O kahit na tayo na regular na dumadalo. Nakakagawa pa rin ng kasalanan, “Patatawarin pa kaya ako ni Lord? Ang feeling ko ang dumi-dumi ko na, pano ‘yan?” O nagiging ritwal na lang ang church at ministry, “Maibabalik pa kaya ang dating init ko sa Panginoon?”
Meron ba tayong pag-asa? Gaano man tayo nalayo sa Panginoon, lalo na kung ikaw ay hindi pa Christian at namumuhay talaga na lihis sa kalooban ng Diyos, obvious man ang paglayo mo o hindi masyadong halata, merong good news for all of us. “Balik Tayo kay Lord” ang magiging tema ng tatlong sermons natin sa tatlo sa mga minor prophets—Haggai, Zechariah, Malachi. Three overview sermons’yan. Zechariah muna ngayon. Next week, Malachi. Then, Haggai. Tapos ay four-part sermon series sa Haggai. Yung three books na ‘yan ay last three books ng Old Testament. Sila ang magsasara nito, at siyang malapit naman sa New Testament.
Bakit “Balik Tayo kay Lord”? Post-exilic prophets ang tawag sa kanila. Nagministeryo kasi sila sa mga Judio noong panahong bumalik na sila sa Jerusalem pagkatapos ng 70 years of exile o pagkakabihag. Nagbalik na sila sa lupain na bigay sa kanila ng Diyos, pero hindi ibig sabihin na bumalik na sila kay Lord. Hindi pa rin ang Diyos, at ang mga bagay na may kinalaman sa kaharian ng Diyos ang prayoridad nila. They were not seeking first the kingdom of God and his righteousness (Matt. 6:33). Pakinggan n’yo yung paulit-ulit na emphasis ng three books na ito sa repentance o pagbabalik-loob sa Diyos:
“Tama ba na naninirahan kayo sa mga magaganda at maaayos na bahay ngunit wasak na wasak naman ang aking Templo? Hindi ba ninyo napapansin ang mga nangyayari sa inyo?” (Hag. 1:4-5 MBB). “Consider your ways,” that’s a call for self-examination na dapat mauwi sa pagsisisi at pagbalik sa gawain ng Panginoon.
“‘Tulad ng inyong mga ninuno, tumalikod kayo at sinuway ninyo ang aking mga kautusan. Manumbalik kayo sa akin at manunumbalik din ako sa inyo,’ sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Itinatanong ninyo, “Paano kami manunumbalik sa inyo?”’” (Mal. 3:7). Dapat ding itanong natin ‘yan.
“Matindi ang galit ko sa inyong mga ninuno. Kaya magbalik-loob na kayo sa akin at manunumbalik ako sa inyo” (Zech. 1:3 ASD).

The Message of Zechariah

Kaisa si prophet Zechariah sa panawagang ito sa mga Judio. Ito naman ang atas ng Diyos sa mga prophets. Hindi lang para mag-prophesy about the future, kundi ipahayag rin kung ano ang sinasabi ng Diyos tungkol sa kasalukuyan nilang paglabag sa Diyos, ano ang kahihinatnan nito, at kung paanong dapat silang mag-balik-loob sa Diyos. Kasabayan ni Zechariah si Haggai. Pareho silang nagsimula sa ikalawang taon ng paghahari ni King Darius of Persia (Hag 1:1, Zech 1:1, 520 BC). Si King Cyrus ang hari na ginamit ng Diyos para makabalik na ang mga Judio simula 538 BC. Pagbalik nila, agad-agad ring nasimulan ang pagtatayo ng templo na winasak ng mga Babylonians 70 years ago. Pero nahinto yung rebuilding project nung pundasyon pa lang ang nailalagay dahil sa mga “opposition from the outside and discouragement from within” (Reformation Study Bible) (Ezra 4:1-4). Dahil sa ganitong problema kaya ipinadala ng Diyos sina Haggai at Zechariah (Ezra 5:1). Hindi rin naging madali ang ministry nila. Pero noong panahon ni Darius (522-486 BC) muling nahalungkat ang utos noon ni King Cyrus, kaya after almost 17 years na pagkakahinto ay nag-resume ang rebuilding ng temple, at natapos sa loob ng apat na taon noong 516 BC.
Pero wag nating iisipin na ito ay primarily tungkol sa isang building project. Mahalaga yung temple, siyempre. Pero dapat nating marealize na it is more about rebuilding God’s people. Kaya nandun yung call to repentance sa bungad pa lang ng Zechariah (1:1-6). To accomplish that goal, mahahati sa tatlong major sections itong book na ‘to:
Yung una ay chapters 1-6, tungkol sa mga visions na pinakita ng Diyos kay Zechariah. Merong walo: (1) four horsemen (Zech 1:7-17); (2) horns and craftsment (Zech 1:18-21); (3) a man with a measuring line (Zech 2:1-13); (4) Joshua the high priest (Zech 3:1-10); (5) a golden lampstand and two olive trees (4:1-14); (6) a flying scroll (5:1-4); (7) a woman in a basket (5:5-11); (8) four chariots (6:1-15). Medyo challenging pag-aralan yung visions na ‘yan, pero titingnan natin primarily kung ano ang ipinapakita ng Diyos tungkol sa kanya at tungkol sa kalagayan ng puso natin.
Yung ikalawa naman ay sa chapters 7-8, two sermons ‘to (dated Dec. 7, 518 BC). Prominent dito yung phrase na paulit-ulit, “The word of the Lord came...” (Zech 7:1, 4, 8; 8:1, 18). Saka yung simula ng mga sinasabi niya, merong divine authority yung message ng prophet, “Thus says the Lord” (Zech. 7:9, 13; 8:2, 4, 6, 7, 9, 11, 14, 19, 20, 23). Dapat nating pakinggan, paniwalaan at sundin ang mga sinasabi niya.
Yung last section ay yung chapters 9-14. Heto yung mga oracles or words of judgment: “The oracle of the word of the Lord is against...” (9:1). Ang tema dito ay tungkol sa paghahari ng Diyos, bagamat hindi makikita yung word na “kingdom of God” dito. Pero hindi lang ito words of judgment, siksik din ito sa mga pangako ng Diyos sa darating na Messiah, the Good Shepherd.

Call for Repentance

Obviously, wala tayong sapat na oras para pag-aralang lahat ‘yang 14 chapters ng Zechariah. Pero mag-focus tayo dun sa bungad pa lang nito na call for repentance. Ito ang mga salita ng Diyos na ipinahatid sa mga Judio sa pamamagitan ng propheta:
“Matindi ang galit ko sa inyong mga ninuno. Kaya magbalik-loob na kayo sa akin at manunumbalik ako sa inyo. Huwag ninyong gayahin ang ginawa ng inyong mga ninuno. Inutusan ko noon ang mga propeta na pagsabihan silang talikuran na nila ang kanilang mga ginagawang masama, ngunit hindi sila nakinig. Hindi sila sumunod sa akin. Ang inyong mga ninuno at ang mga propetang iyon ay namatay na. Ngunit nangyari sa inyong mga ninuno ang aking mga sinabi at mga babala sa pamamagitan ng aking mga lingkod na propeta. Kaya nagsisi sila at sinabi, ‘Pinarusahan tayo ng Panginoong Makapangyarihan ayon sa ating ginawa, gaya ng kanyang napagpasyahang gawin sa atin.’” Zech 1:3-6 ASD
Itong message of repentance ay siyang ring tema ng mensahe ng huli sa mga prophets sa Old Covenant na si John the Baptist, “Repent, for the kingdom of heaven is at hand” (Matt. 3:2). At siyang tema rin ng prophetic ministry ni Christ, ang pinaka- at siyang fulfillment ng mga propeta, “Repent, for the kingdom of heaven is at hand” (Mat 4:17); “The time is fulfilled, and the kingdom of God is at hand; repent and believe in the gospel” (Mark 1:15).
Karaniwan kapag repentance o pagsisisi ang pinag-uusapan, negative ang dating sa atin kasi ang focus natin ay yung pinagsisisihang maling ginawa. Kasama yung pagtalikod sa maling gawa siyempre. Ito ang mensahe ng Diyos hindi lang sa mga Judio na bumalik sa Jerusalem, kundi dating-dati pa sa mga ninuno nila: “talikuran na nila ang kanilang mga ginagawang masama” / “return from your evil ways and from your evil deeds” (Zech. 1:4). Hindi lang change of behavior ang pinag-uusapan dito, kundi pati change of heart attitude. So, hindi lang negative aspect ang repentance. Hindi lang return from, kasali rin yung return to: Ito yung sabi ng Diyos sa kanila, “Return to me,” “Magbalik-loob na kayo sa akin” (v. 3). Ang gandang salin niyan sa Tagalog, “balik-loob.” Tungkol ito sa mas internal, mas fundamental na pagpapanumbalik o restoration ng relasyon natin sa Panginoon.
Wag daw nilang tularan ang mga ninuno nila. Hindi sila nakinig sa Diyos. Kaya ayun, asan na sila? Patay na. Napahamak na. Gusto n’yo bang tumulad sa kanila? O yung iba naman nagsisisi lang kasi merong negative consequences. Nasa huli ang pagsisisi, kapag napahamak na, kapag nasaktan na. Pero totoong pagsisisi ba yun? Umiiyak sila, nagfa-fasting sila dahil sa nangyari sa Jerusalem sa panahon ng mga Babylonians, pero totoo ba yung pagsisisi nila (Zech 7:3-6). Para sa Diyos ba yun o para sa sarili lang nila? Mahalaga yung warnings, mahalaga na ipamukha ang kasalanan sa atin. Pero tandaan nating merong wordly sorrow na hindi genuine repentance, “For godly grief produces a repentance that leads to salvation without regret, whereas worldly grief produces death” (2 Cor. 7:10). Hindi basta pagsisisi, na regret lang dahil sa guilt or bad consequences. Na kung walang ganung consequences baka hindi magsisi. Ang true repentance ay yung pagbabalik-loob—merong genuine heart transformation, from the inside out.
Ang crucial para magkaroon ng ganitong transformation ay yung salita ng Diyos: “my words and my statutes, which I commanded” (Zech. 1:6). Lumipas na lahat ng bumalewala sa salita ng Diyos, pero ang salita ng Diyos nananatili. “The grass withers, the flower fades, but the word of our God will stand forever” (Isa. 40:8). “Heaven and earth will pass away, but my words will not pass away” (Matt. 24:35). Para magkaroon ng genuine repentance, pakinggan natin kung ano ang sinasabi ng salita ng Diyos—tungkol sa kanya (kanino tayo magbabalik-loob?), tungkol sa atin (bakit kailangang magbalik-loob?), tungkol sa Tagapagligtas (paano tayo magbabalik-loob?), at paano mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban (fruits of repentance, Matt. 3:8).

Theology of Zechariah

Hindi magkakaroon ng genuine repentance kung walang tamang pagkakilala sa Diyos. Kaya kailangang pag-aralan natin ang theology ng Zechariah. Dun din kasi makikita natin ang kalagayan ng puso natin. But first, kailangang magkaroon tayo ng pagkamangha sa kadakilaan ng Diyos: “How great is his goodness, and how great his beauty!” (Zech 9:17).
Sa unang vision ni Zechariah, nakita niya yung anghel na nagtanong sa Diyos kung hanggang kailan ang galit niya sa Jerusalem (dahil dun sa 70 years of exile), na para bang wala nang awa ang Diyos (1:12). Kapag nararanasan natin ang pagdidisiplina ng Diyos, akala natin pinaparusahan tayo. Pero ang sagot ng Diyos sa anghel: “gracious and comforting words” (v. 13). Sinabi niya na ang tindi ng galit ng Diyos ay mararanasan ng mga kaaway ng kanyang bayang pinili, pero yung tindi ng kanyang pagmamalasakit (“exceedinly jealous”) (vv. 14-15), yun ay ay para sa mga minamahal niyang mga anak. We are precious in God’s sight, the “apple of his eye” (2:9). Oo, painful ang pagdidisiplina ng Diyos, at minsan akala natin nagagalit siya sa atin. But no. “Babalik akong may awa sa Jerusalem,” sabi ng Diyos (1:16). God will work everything together for their good (1:17). Yung salitang “jealousy” ay term na nag-iindicate ng laki ng pagmamahal ng Diyos. Malaki ang galit ng Diyos dahil malaki ang pagmamahal niya sa kanyang mga anak: “I am jealous for Zion with great jealousy, and I am jealous for her with great wrath” (8:2)
Dahil sa laki ng pagmamahal ng Diyos, sigurado yung divine protection niya. Siya ang hahatol at bahalang maghiganti laban sa mga kaaway nila. Dun sa 2nd vision ni Zechariah, nakakita siya ng mga sungay (1:18-21). Itong sungay o horn ay simbolo ng lakas ng mga kaaway ng mga Judio. Pero meron pa bang mas malakas kesa sa Diyos? “If God is for us, who can be against us” (Rom. 8:31)? Proteksyon at presensiya ng Diyos ang nasa atin: “And I will be to her a wall of fire all around, declares the Lord, and I will be the glory in her midst” (2:5; cf. 8:3). Sa halip na matakot, yung kapangyarihan at pagsama niya ang magdudulot sa atin ng kagalakan at masayang awitan (2:10).
Sigurado ang proteksyon ng Diyos sa mga kabilang sa kanya. Pero para sa mga nagrerebelde sa kanya, sigurado ang pagpaparusa. Para sa mga magnanakaw at mga sinungaling: “...aalisin sa lupain ang lahat ng magnanakaw...aalisin din ang lahat ng sinungaling. Ipadadala ko [ang sumpa] sa sambahayan ng mga magnanakaw at sa sambahayan ng mga sinungaling. Mananatili ito sa sambahayang iyon upang ubusin sila nang lubusan” (5:3-4). Bakit mo papanigan ang mga ganyan kung sila ay laban sa Diyos? At wag nating iisiping sila lang ang makasalanan. Lahat tayo. Nakakita si Zechariah ng vision ng isang malaking basket (5:5-11). Ano raw yun? “Inilalarawan niyan ang kasalanan ng buong sanlibutan” (5:6 MBB). At yung babae na nakaupo sa basket? Sino yun? “This is Wickedness” (5:8).
Lahat ng tao ‘yan. Sa ibang mga tao, hindi malinaw ang mga utos ng Diyos. Pero sa kanyang bayan na tumanggap ng special revelation, malinaw na malinaw. Privilege yun, pero ibig sabihin mabigat din ang pananagutan natin. Sinabi ng Diyos, “Humatol kayo nang makatarungan. Ipakita ninyo ang inyong kabutihan at habag sa isaʼt isa. Huwag ninyong gigipitin ang mga biyuda, mga ulila, mga dayuhan, at ang mga mahihirap. Huwag kayong magbalak ng masama laban sa isaʼt isa” (7:9-10 ASD). Ano’ng response nila dyan? “Ngunit hindi nila pinansin ang aking sinabi. Tinanggihan nila ito at hindi sila nakinig. Pinatigas nilang parang bato ang kanilang mga puso (“diamond-hard,” grabe ‘yan, walang pag-asang lumambot) at hindi sila nakinig sa Kautusan at mga salitang ipinasasabi ng aking Espiritu sa pamamagitan ng mga propeta noon. Kaya ako, ang Makapangyarihang Panginoon, ay talagang galit na galit” (vv. 11-12 ASD). “Great anger” dahil sa great rebellion nating mga tao sa Diyos.
Ah, pero ang Diyos ay great in mercy and grace din, buti na lang! May pangako ang Diyos na siyang magliligtas sa mga makasalanan: “On that day the Lord their God will save them” (9:16); “I will save…bring them back” (10:6), not because they are deserving, but because of his great compassion. “The Lord will give salvation” (12:7). Sa tigas ng puso ng tao, wala tayong pag-asang magbalik-loob kung sa sarili lang natin. That is why we need a Savior.

The Gospel in Zechariah

Sino yung Savior na yun? Merong tatlong prominenteng characters dito sa book. Unang-una na si Zechariah na prophet. Hindi siya ang Savior. Hindi rin si Joshua na high priest during that time. Hindi rin si Zerubbabel, na governor of Judah, wala na kasi silang king. Lahat ng ito ay nagtuturo sa atin na kailangan natin ng Prophet-Priest-King. Ilang pahina na lang, after 400 years, dumating si Jesus. Pero bago pa yun, ang dami nang makikitang references tungkol sa Messiah/Christ sa book na ‘to. Sabi ni Mark Dever, “There is so much in this little book of Zechariah about Christ. It is quoted more than any other book of the Old Testament in the Gospels’ accounts of the crucifixion” (The Message of the Old Testament, 917).
Si Cristo yung tinutukoy ng Diyos na “my servant the Branch” (3:8). Itong “Sanga” na ito ang siyang magtatayo ng templo (6:12). Parang si Zerubbabel kasi siya ang nag-supervise ng project, kaya tinawag yun na Zerubbabel’s temple. Pero ang tinutukoy talaga dito ay si Cristo. Di ba’t sinabi niya about the temple (Herod’s temple) nung time niya, “Destroy this temple and in three days I will raise it up” (John 2:19). Hindi yung structure ang tinutukoy niya, kundi ang sarili niya, his crucifixion and his resurrection (v. 21). He is the true temple and the better king: “siya nga ang magtatayo ng templo, uupo sa trono, at manunungkulan bilang hari” (6:13). Hindi tulad ni Putin ng Russia, “Ang haring darating ay magdadala ng kapayapaan sa mga bansa. Maghahari siya mula sa isang dagat hanggang sa isa pang dagat...hanggang sa dulo ng mundo” (9:10), not a tribal war-freak king, but a peaceful, universal king.
Naalala n’yo yung triumphal entry ni Christ papasok sa Jerusalem na nakasakay siya hindi sa isang “war horse” kundi gamit ang isang “lowly donkey”? Binanggit ni Matthew sa Matthew 21:4-5 na ito ay katuparan ng Zechariah 9:9: “ O Zion, magdiwang ka sa kagalakan! O Jerusalem, ilakas mo ang awitan! Pagkat dumarating na ang iyong hari na mapagtagumpay at mapagwagi. Dumarating siyang may kapakumbabaan, batang asno ang kanyang sinasakyan” (MBB).
Kailangan ng Shepherd-King dahil ang “mga tao'y parang tupang naliligaw, pagkat walang pastol na sa kanila'y umaakay” (10:2 MBB). Kaya ganun na lang ang laki ng galit ng Diyos sa mga unfaithful shepherds na dapat sanang mangangalaga at mamumuno sa kanyang bayan, “for the Lord of hosts cares for his flock” (10:3). Kaya malaki ang pananagutan ng mga namumuno na abusado at sarili lang ang iniisip, “Nakakaawa ang kahihinatnan ng walang kwentang pastol. Pinababayaan niya ang mga tupa” (11:17 MBB)! Pero bakit si Cristo pa na siyang Mabuting Pastol ang pinarusahan at pinatay? “Ihanda ang espada! Patayin ang pastol ko na aking lingkod. Patayin siya at mangangalat ang mga tupa” (13:7 ASD). Sinabi ni Jesus sa mga disciples, sa kanyang mga tupa, na siya ang katuparan nito sa Matthew 26:31.
Ang mga rebelde, ang mga masasama, ang mga unfaithful at worthless shepherds ang dapat patayin. Pero bakit si Jesus? Bakit siya na Faithful and Good Shepherd? Para iligtas tayo. Para matupad ang pangako ng Diyos sa Zechariah 3:9, “I will remove the iniquity of this land in a single day.” Tayong mga makasalanan dapat sana ang dapat alisin sa kanyang harapan at itapon sa impiyerno. We justly deserve that. Pero ang inalis niya ay ang lahat ng mga kasalanan ng lahat ng mga kabilang sa kanya. Sa isang araw lang, sa araw na napako si Cristo sa krus at namatay at umako ng parusa ng Diyos bilang mga kahalili natin—as our substitutionary atonement.
Paanong ang kamatayan ng isang tao ay sasapat na pantubos para sa lahat ng mga kasalanan natin? Nung nakapako si Cristo sa krus, sinabi sa John 19:37 na yun ay katuparan ng sinabi ni Yahweh sa Zechariah 12:10, “Pagmamasdan nila ako na kanilang sinibat” (ASD). Paano nila masisibat si Yahweh? Sabi ni Mark Dever, “Only if he had flesh” (Mark Dever, 917). Sabi pa niya, they can only look to him “if he comes to life again. Only if he returns!” Maliligtas lang tayo ng Diyos, hindi ng tao. At maililigtas lang tayo kung ang Diyos ay tao rin. Kaya kailangan natin si Cristo, Anak ng Diyos na nagkatawang-tao, namuhay na matuwid, sinaktan at pinatay, inilibing, at muling nabuhay—for our salvation. Sa pagdating ni Jesus, nabuksan “ang bukal” para sa ating mga makasalanan “upang linisin [tayo] sa [ating] mga kasalanan at karumihan” (Zech. 13:1).
This is the good news for us sinners na nakasulat dito sa Zechariah. And this will change the way you read this book, and the way you live your life.

The Christian Life

The good news of the gospel drives us to repentance. At sa pagbabalik-loob natin sa Diyos, mas lalo nating matitikman kung gaano katamis ang good news na ‘to. Tingnan n’yo yung vision ni Zechariah tungkol kay Joshua the high priest sa 3:1-5. Inaakusahan kasi itong si Joshua ni Satanas. Pero sinaway siya ng Diyos. Remember Romans 8:33? “Who shall bring any charge against God’s elect? It is God who justifies.” E paano kung ikaw mismo tingin mo sa sarili mo ang dumi-dumi mo? Baka hindi na ako tanggapin ni Lord pabalik sa kanya? Itong si Joshua marumi ang damit (Zech. 3:3). Sabi ng anghel sa iba pang anghel, “Hubarin ninyo ang kanyang maruming damit.” Then, sabi pa ng anghel sa kanya, “Inalis ko na ang iyong mga kasalanan. Ngayon, bibihisan kita ng bagong damit” (v. 4 ASD). Sa krus itinuring si Cristo na marumi para ikaw na magbabalik-loob sa Diyos at magtitiwala kay Cristo ay maituring na malinis (2 Cor. 5:21). Bakit ka mag-aalinlangan na bumalik sa Diyos kung para siyang Ama ng alibughang anak na kahit marumi pa at mabaho ay tumatakbo ang Diyos palapit sa kanya para yakapin siya (Luke 15:20). Wala kang kailangang gawin para patunayan ang sarili mo sa Diyos. Aminin mo lang na marumi ka at kailangan mo si Cristo. Walang sinumang nagbalik-loob sa Diyos ang tinanggihan niya. “Return to me,” sabi niya, “and I will return to you” (Zech. 1:3).
Papatawarin ka, at hindi lang yun, bibigyan ka ng bagong identity. Unfaithful tayo, pero tatawagin niya tayong “the faithful city” (Zech. 8:3). Unholy tayo, ordinaryo, pero tatawagin tayong “holy to the Lord” (14:20), set apart for the Lord and his kingdom purposes. Kaya nga itong si Joshua, binihisan siya at sinuotan ng turban sa ulo (3:5). Unworthy siya to serve as high priest. Unworthy tayong lahat na maglingkod sa banal na Diyos. Pero dahil kay Cristo, the Anointed One— Prophet, Priest, King—ginawa niya tayong worthy and also anointed us to represent Christ as prophets, priests, and kings.
Tanong ng Heidelberg Catechism Question 32, “Bakit ka tinatawag na Kristiyano?” Sagot:
Sapagkat ako ay kasapi kay Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya at dahil dito ako ay nakikibahagi sa Kanyang pagkahirang nang sa gayon, bilang propeta ay maaari kong ipahayag ang Kanyang pangalan, bilang saserdote (priest) ay ialay ko ang aking sarili bilang haing buhay ng pasasalamat sa Kanya, at bilang hari ay magpursigi nang may malaya at mabuting budhi laban sa kasalanan at sa diyablo sa buhay na ito at sa susunod na buhay magharing kasama Niya magpakailanman sa lahat ng mga nilikha.
Marami pa tayong kailangang gawin sa buhay natin. Marami pang kailangang baguhin. Marami pang paglilingkod na dapat tuparin. Marami pang dapat ayusin sa church—not this building, but God’s people, tayo yun. Pero wag kang panghihinaan ng loob. Your identity as a Christian is so wrap up in Christ. Kung siya ang templo, ikaw rin, tayo rin ang templo ng Espiritu (1 Cor. 3:16). Sa panahon ni Zechariah, ang goal ay ito: “that the temple might be built” (Zech. 8:9). It was not really about a structure, but about God’s intimate presence with his people. Until now, God is building his church. At narito kami na mga pastors/elders ninyo hindi para gawin ang lahat ng ministry, but “to equip the saints for the work of ministry, for building up the body of Christ” (Eph. 4:12). May bahagi ka. Wag mong sabihing marumi ka, o hindi ka pa ganun ka-spiritually mature. Magagawa natin ito, sabi ng Diyos, “not by might, nor by power, but by my Spirit” (Zech. 4:6).
Ano ang sinasabi sa ‘yo ng Diyos ngayon na gawin mo o patuloy mong gawin as an expression ng pagbabalik-loob mo sa Diyos? Maybe may kinalaman sa Bible reading habits mo, o prayer life, o giving sa offerings, o stop attending online and start showing up, o pakikibahagi ulit sa ministry mo dati na iniwan mo na. Anuman yun, you have to start. Wag mo nang pagtagalin pa. Wag mong sabihing pagkatapos na ng Covid, o pag okay ka na financially, o kapag naayos na ang buhay mo. At makaaasa tayo, anumang difficulties o hindrances ang nararanasan natin sa pagbabalik-loob sa Diyos at sa ministeryo, tutulungan tayo ng Diyos. As a result ng preaching ni Zechariah (and Haggai), nagbalik-loob sila, balik sa gawain ng pagtatayo ng templo. Maliit man sa simula, natapos sa tulong ng Diyos (Zech. 4:9-10).
Ang mabuting sinimulan ng Diyos sa buhay natin, hindi nakasalalay sa atin ang pagtapos. Nangako siyang tatapusin niya (Phil. 1:6). Anumang mga kaguluhang nangyayari sa buhay natin, sa paligid natin, at sa buong mundo, hindi makahahadlang para matupad ang plano ng Diyos: “Ang Panginoon ang maghahari sa buong mundo. Siya lamang ang kikilalaning Dios at wala nang iba” (Zech. 14:9 ASD).
Related Media
See more
Related Sermons
See more