Part 2 - A Tale of Two Kingdoms
Notes
Transcript
Sermon Tone Analysis
A
D
F
J
S
Emotion
A
C
T
Language
O
C
E
A
E
Social
Introduction
Introduction
Pagkatapos ng preaching ko last week, meron akong iba’t ibang reactions na narinig. Okay naman. Yung isa sabi sa ‘kin, “Akala ko kung ano ang sasabihin mo sa politics.” Siguro may ibang ineexpect. Yung isa naman sabi, “Iniintay kong sabihin mo yung mga posts mo sa FB.” I have a very high view of preaching. Walang puwang sa sariling opinyon ko dito sa pulpito, maliban na lang kung kailangan talaga. Hangga’t maaari, nakahiwalay dapat ang pansariling opinyon ko sa salita ng Diyos na siyang authority natin kung saan dapat nakapailalim ang lahat ng bahagi ng buhay natin. At kung mag-express man ako ng opinyon, yun dapat ay biblically-informed opinion. Pinakamahalaga pa rin na itanong natin everytime, Ano ang sinasabi ng Diyos? Paano natin iaapply ang sinasabing ito ng Diyos sa political situations natin at sa iba pang bahagi ng buhay natin—ayon sa kanya-kanyang pagkakatawag sa atin ng Diyos as a pastor, as a parent, as a teacher, as a church member, as a citizen?
Sa usaping pulitika, alam naman nating politics is about power, about using power to get what you want, to serve your own needs and/or to serve the needs of others. Lahat tayo bahagi ng pulitika dahil binigyan tayo ng Diyos ng power to rule his creation (Gen. 1:28): “You have given him dominion over the works of your hands; you have put all things under his feet” (Psa 8:6). Ang problema, we misused that power. Instead of submitting to God’s rule, we tried to enthrone ourselves and dethrone God. Instead of using what power we have to take good care of God’s creation, we misuse it. Kaya merong mga tyrants, mga corrupt, mga diktador—hindi lang sa top political position sa gobyerno natin, pati sa loob ng bahay. Politics needs wisdom, kung paano gamitin yung power and authority na bigay sa atin ng Diyos to serve God’s kingdom agenda, hindi yung pansarili nating agenda.
Binigyan tayo ng Diyos na kapangyarihan to be his kingdom representatives, or ambassadors kumbaga, dito sa mundong ito. But we tend to be passive and fearful. Passive, kasi yung power na ibinigay sa atin na power ng Diyos hindi natin ginagamit. That is a stewardship issue. Fearful din, feeling kasi natin baka yung political situations sa bansa natin ay mas lumala pa instead of getting better, at lalong wala na tayong magagawa para baguhin ‘yan. Pero hindi pwedeng wala tayong gagawin. Hindi tayo dapat mag-give in sa passivity and fear. So, where do we get the power and wisdom and courage to act para samantalahin ang anumang opportunities na ibinigay sa atin ng Diyos to make a difference sa society natin?
The king’s troubles (Dan. 2:1-3)
The king’s troubles (Dan. 2:1-3)
Hindi ‘yan manggagaling sa sinumang nasa palasyo o kandidato sa pagkapangulo. Sa pagtagal ng exile nila Daniel at ng iba pang mga Israelites sa Babylon, maaaring maging comfortable sila, o tingalain na nila yung pamamahala ni King Nebuchadnezzar. Baka yung kumpiyansa nila at security nila ay naka-based na sa hari. Pero ang ganung security ay “sinking sand.” Bakit? Kasi maging ang hari ay may limitasyon sa kanyang wisdom, power and courage. Noong second year ng paghahari ni King Nebu—na maaaring at the end ng three-year training nila Daniel depende kung yung taon na nagsimula siyang maghari ay hindi pa kasama bilangan—nagkaroon siya ng panaginip. Obviously, galing ito sa Diyos. God is at work here. At sobrang naging affected yung hari. “Nabagabag” siya. “His spirit was troubled” (v. 1). Sabi din niya sa mga “magicians, enchanters, sorcerers, Chaldeans” na ipinatawag niya: “my spirit is troubled to know the dream” (v. 3). Nagka-insomnia din siya (v. 1).
Try to picture this king. Pinakamakapangyarihan sa buong Babylon. Pero restless, walang peace, walang security dahil sa panaginip niya. Limitado rin ang kaalaman niya. Alam niya ang panaginip niya, pero hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin nun. Kung tayo nga na limitado ang kapangyarihan, kulang sa karunungan, at nababalisa sa mangyayari bukas, how can we put our trust sa isang human king kung siya rin ay merong ganung limitations?
The king’s threats (Dan. 2:4-13)
The king’s threats (Dan. 2:4-13)
So ano ang ginawa ng hari? Ipinatawag niya ang supposedly mga “wise men” sa kanyang kaharian para ipaliwanag sa kanya. Sabi nila sa hari, “Sige po, mahal na hari, sabihin po ninyo sa amin ang panaginip n’yo at ipapaliwanag namin” (v. 4). Sagot ng hari, “The word from me is firm. Ganito ang gawin n’yo. Sabihin n’yo muna sa akin kung ano ang panaginip ko, saka ninyo ipaliwanag” (v. 5). Test ‘yan, baka kasi magsabi lang sila ng paliwanag na hindi naman totoo. Pero ang hirap na test. Kapag bumagsak sila sa test, sabi ng hari, “Pagpuputul-putulin ko ang katawan ninyo at ipapawasak ang inyong mga bahay” (v. 5 ASD). Malupit, violent, pati pamilya nila damay. Pero, jackpot naman kung pumasa sila, merong “gifts and rewards and great honor” (v. 6). May promise of great reward, merong ding threat. Napakalaki ng dilemma nila. Sugal, imposible na manalo ng jackpot. Kung tayo ito, di bale na lang.
Paano ka magtitiwala sa salita ng pinakamakapangyarihan sa kaharian kung ganito ang salitang binitawan niya. Kaya nakipag-negotiate pa sila na sabihin muna yung panaginip sa kanila (v. 7). Inulit na naman nung hari, medyo naiinis at nagagalit na, “The word from me is firm” (v. 8). Sa kanyang palagay, ang plano nitong mga “wise men” ay magbigay lang sa kanya ng “fake news” para pampalubag-loob, para marinig niya kung ano ang gusto niyang marinig, pero pagsisinungaling lang ang gagawin nila para magbago ang isip ng hari (v. 9).
Heto naman ang sagot nila: “Walang tao sa buong mundo ang makagagawa ng iniuutos ninyo. At wala ring hari, gaano man ang kanyang kapangyarihan, na mag-uutos ng ganyan sa kanyang mga engkantador, mangkukulam, o mga astrologo. Napakahirap ng inyong hinihingi (actually, hindi lang mahirap, humanly impossible), Mahal na Hari. Ang mga dios lang ang makakagawa niyan, pero hindi sila naninirahan kasama ng mga tao” (vv. 10-11 ASD). Tama sila na aminin na hindi nila kaya ang ipinapagawa ng hari. Tama sila na sabihin na unreasonable ang demand ng hari—not good to say that, kung kilala nila ang hari nila. Pero obviously, mali ang theology nila na “mga dios” lang ang makakagawa nun, dahil meron lang “isang” Diyos. At hindi rin nila alam ang mangyayari 500 years into the future. Ang tingin nila sa mga diyos nila “whose dwelling is not with flesh.” Pero hindi nila alam na darating ang araw na itong nag-iisang Diyos ay magkakatawang-tao at maninirahan kasama ng mga tao (John 1:14).
Pero kahit anong paliwanag nila, kahit makiusap pa sila, hindi magbabago ang pasya ng haring ito. Lalo pang nagalit sa kanila, galit na galit, ang hari. Dahil sa sobrang galit niya, ipinag-utos niya na patayin ang lahat ng “wise men” sa kanyang kaharian (v. 12). Kaunti na nga lang ang mga matatalino, papatayin pa. Evident ang foolishness nitong haring ito. Ganito ang mga tyrants at mga dictators. Gagawin kung ano ang gusto niyang gawin—kahit unreasonable, kahit violent, kahit wala nang matirang “wise men” sa kaharian niya. Kaya ayaw natin ng ganitong pinuno.
Sa chapter 1, talagang binusog sila Daniel pati mga kaibigan niya. Libreng pagkain, libreng edukasyon, libreng pabahay, may promotion pa. Napakagandang plataporma ‘yan ng kandidato. Pero ngayon, kakatayin na sila. Inilabas ang kautusan ng hari na patayin ang lahat ng wise men, at kasama diyan sila Daniel na papatayin (v. 13). Hindi maaasahan ang salita ng hari. Hindi maaasahan kahit ang mga nagawa niyang mabuti nitong mga nakaraang tao. Hindi maaasahan ang mga pangako ng mga kandidato. Pero siyempre, mas pipiliin naman natin yung may magandang track record. Pero, in the end, we cannot put our trust in them. Kahit yung may magandang track record, kapag siya na ang nahalal, pwedeng magbago for the worse. Bakit? Kasi, power corrupts. So kung sa hari o sa presidente ka magtitiwala, siguradong madi-disappoint ka sooner or later. At hindi lang disappointment, that may even destroy you.
Maliban na lang kung meron kang karunungan at katapangan na kumilos ayon sa kapangyarihan na bigay ng Diyos sa ‘yo.
Daniel’s response (vv. 14-30)
Daniel’s response (vv. 14-30)
Katulad ni Daniel. Naalala n’yo yung sa chapter 1, nung sinabi tungkol kay Daniel na “binigyan” siya ng Diyos ng karunungan at "ng kakayahang umunawa at magpaliwanag ng lahat ng uri ng pangitain at panaginip” (1:17 MBB). Kasali kaya dito yung panaginip ng hari? Makikita natin sa mga sumunod na nangyari.
Nung nakarating na kay Daniel ang balita na sila ay papatayin, pwede siyang matakot, o kaya ay tumakas at magtago. Pero naging maingat siya sa kanyang response (v. 14, ESV “with prudence and discretion”). Ganito ang sabi niya kay Arioch na kapitan ng mga guwardiya ng hari, “Bakit napaka-urgent (o pabigla-bigla) ang utos ng hari?” (v. 15). Ipinaliwanag ni Arioch kung bakit. At nagrequest naman siya na bigyan siya ng appointment sa hari para ipakita ang interpretation ng panaginip niya. Yung wisdom and courage na meron si Daniel para harapin ang isang mabigat na sitwasyon ay very evident.
Hindi pa niya alam at this point kung ano ang panaginip ng hari, pero nandun ang tiwala niya sa Diyos. Kaya ang sumunod niyang ginawa ay nagsend ng prayer requests sa group chat nila ng mga kaibigan niyang sina Hananiah, Mishael, at Azariah (v. 17). Take note, hindi ginamit sa point ng story na ‘to yung bagong names na bigay sa kanila. Kailangan nila ang Diyos na siyang nakakabit sa mga pangalan nila. Hiniling ni Daniel sa kanila na mag-prayer meeting sila at magmakaawa sa “Diyos ng kalangitan” (v. 18 MBB). Sobrang urgent nito kasi buhay na nila ang nakasalalay. Pero hindi ito selfish na prayer request. Kasi hindi lang ito para sa kanila kundi pati rin sa iba pang “wise men of Babylon” (v. 18). Many will be saved by their intercessory prayers. Kaya nga every time we pray for our government, hindi lang ito para magkaroon tayo ng “peaceful and quiet life” (1 Tim. 2:1-2). Ito rin ay pagkilala sa ating Diyos na Tagapagligtas, “who desires all people to be saved and to come to the knowledge of the truth” (vv. 3-4). Our prayers and our actions are God’s instruments of bringing the blessing of salvation to all nations.
Sumasagot ba ang Diyos sa panalangin natin? Yes, kung ito ay naaayon sa kanyang kalooban at naka-align sa kanyang mga kingdom purposes (Matt. 6:9-11). Ganun nga ang ginawa ng Diyos in response sa prayer meeting nila Daniel and friends: “Nang gabing iyon, sa pamamagitan ng pangitain ay inihayag ng Diyos kay Daniel ang nasabing hiwaga. Kaya't pinuri niya ang Diyos ng kalangitan” (Dan. 2:19).
Heto yung prayer of praise ni Daniel in response sa pagsagot ng Diyos sa prayer niya:
Purihin magpakailanman ang pangalan ng Diyos,
pagkat siya'y marunong at makapangyarihang lubos.
Siyang nakakapagbago ng mga kapanahunan,
naglalagay at nag-aalis ng mga hari sa luklukan;
siyang nagbibigay ng karunungan sa matatalino at kaalaman sa may pang-unawa.
Naghahayag ng mga lihim at kahiwagaan;
nakatatalos sa mga nasa kadiliman,
sapagkat ang kaliwanagan sa kanya'y nananahan.
Pinupuri ko kayo at pinasasalamatan, O Diyos ng aking mga magulang,
dahil sa kaloob ninyo sa aking lakas at karunungan,
ngayo'y ibinigay ninyo sa akin ang aking kahilingan,
panaginip ng hari sa ami'y ipinaalam. (vv. 20-23 MBB)
Tama nga yung sagot ng mga “wise men” kanina sa hari na “Diyos” lang ang nakakaalam ng panaginip ng hari dahil siya naman ang nakakaalam ng lahat ng bagay. He is all-knowing and he is infinitely wise. To him belongs “wisdom and might” (v. 20). Pero sa kabutihan ng Diyos, he reveals everything na gusto niyang malaman natin. Yun ang tinatawag na “revelation.” Sabi ni Daniel, “You have given me wisdom” (v. 23). Ang pagsamba ni Daniel ay response sa revelation ng Diyos. We are also worshipping today as God’s people in response to his Word in Scripture, in response to his revelation of himself in Christ. Kaya nga ang worship services natin ay saturated with God’s Word para yun ang magsilbing fuel ng init at apoy ng pagsamba natin sa Diyos. We “worship in spirit and truth” (John 4:24).
Pero siyempre, yung pagsamba na ‘yan ay hindi lang confined sa four walls of our church building. Lalabas at lalabas dapat ‘yan in our witness maging sa political situation sa bansa natin. Kaya ang tanong ko kanina ay ito, where do we get the power and wisdom and courage to act para samantalahin ang anumang opportunities na ibinigay sa atin ng Diyos to make a difference sa society natin? Hindi sa tao, kundi sa Diyos nanggagaling. Hindi sa salita ng tao, kundi sa salita ng Diyos. At kung ganyan ang conviction natin, we will give glory to God hindi lang sa loob ng church kundi maging sa mga nasa labas, sa mga non-believers, kahit na gaano ka-powerful siya sa bansa natin.
Like Daniel. Bumalik siya kay Arioch. Sinabing dalhin na siya sa hari para sabihin ang interpretation ng panaginip niya at nang hindi na sila patayin (v. 24). Dali-dali namang dinala siya ni Arioch sa hari. Ang sabi niya sa hari, “May nakita po akong bihag mula sa Juda na makapagpapaliwanag ng inyong panaginip” (v. 25 ASD). Ah, para siyang ibang mga kandidato na “credit-grabbing”—yung ipinagmamalaki ang mga nagawa raw nilang proyekto, pero proyekto naman pala ng iba. They want glory for themselves. Parang itong si Arioch. Unlike Daniel. He doesn’t care about personal glory. Tinanong siya ng hari, “Totoo ba ang balitang nakarating sa akin na kaya mong i-interpret ang panaginip ko” (v. 26). Pakinggan n’yo ang sagot ni Daniel,
Ang hiwagang gustong alamin ng hari ay hindi maipapaliwanag ng sinumang matalinong tagapayo, enkantador, salamangkero, o manghuhula. Ngunit mayroon pong isang Diyos sa kalangitan na naghahayag ng mga hiwaga at ipinakita niya sa Haring Nebucadnezar ang mga mangyayari sa mga darating na panahon. (vv. 27-28 MBB)
May pagkakataon to say “no” to the king, tulad ng ginawa ni Daniel sa chapter 1. May pagkakataon din to say “yes” to the king, tulad ng ginawa niya ngayon. May pagkakataon, at sinamantala niya ang pagkakataon to give witness for his God. Sinabi niyang hindi siya, o sinumang tao, ang may taglay ng ganyang karunungan. Diyos lamang ang perfectly wise, siya lamang ang deserving of all glory—not the king or anyone.
Yung ganitong response ay consistent sa revelation ng Diyos kay Daniel—yung kaalaman at karunungan na mula sa Diyos, tungkol sa Diyos, at para sa Diyos. At nakita natin kanina yung worship niya na response sa revelation ng Diyos. At itong witness niya ngayon na nagbibigay-karangalan sa Diyos na siyang pinagmumulan ng lahat ng karungunan.
Sa mga political situation sa bansa natin, lalo na sa darating na national elections, at kung paano tayo makikipag-usap sa mga tao about this, we desperately need wisdom from God. But, don’t wait for dreams or visions na sabihin sa inyo ng Diyos kung sino ang iboboto o kung ano ang gagawing desisyon. We seek wisdom through his Word. Basahin at pag-aralan mo araw-araw. Hindi yung mas babad ka pa sa mga memes or mga Facebook pages ng kandidato mo o Facebook groups ng mga supporters ng kandidato. Sa halip na “fake news” ang ipasok mo sa isip mo, gain wisdom by meditating on the gospel, the good news of the Lord Jesus Christ. Christ is “the power of God and the wisdom of God” (1 Cor. 1:24). “And because of him you are in Christ Jesus, who became to us wisdom from God, righteousness and sanctification and redemption” (v. 30).
Kung ganun pala, then make sure na nakikinig ka ng Christ-centered preaching every Sunday. At makakatulong din kung hihingi ka ng payo sa mga church elders. Tulad nung isang araw, meron kaming member na dinalaw, tinanong ako kung sino ang okay na iboto. Magandang pag-usapan. Mas magtiwala naman kayo sa mga elders n’yo—bagamat hindi namin sasabihin kung sino ang dapat na iboto n’yo—kesa sa mga social media “influencers.” Sino ba ang binigyan ng Diyos ng karunungan? Hindi ba’t tayong mga nakay Cristo? The way we talk about politics, or yung attitude na ipinapakita natin sa pulitika, nagbibigay ba yun ng witnesss na ang karunungan ng Diyos ang nasa atin? Do we seek to give glory more sa mga kandidato natin? Kaya yung mga campaign rallies na napakaraming mga tao, bagamat magandang makita kung yun ang kandidato mo, pero nakakatakot din. Kasi nandun yung temptations to put our trust, our confidence, our security, our hope, our future sa kandidatong yun. Kaysa sa Diyos at sa kanyang mga salita. That is political idolatry. And God is committed to do everything para ipakita sa atin na anumang political na rebulto ang itatayo natin para sambahin ay guguho at guguho rin—kasama ang anumang pag-asa na ikinabit natin sa “kaharian” na dinidiyos natin. Para, in the end, wala nang ibang kilalaning Diyos at Hari maliban sa kanya.
Hindi ba’t ‘yan ang laman ng prayer of praise ni Daniel kanina? “Blessed be the name of God forever and ever, to whom belong wisdom and might. He changes times and seasons; he removes kings and sets up king” (Dan. 2:20). At ‘yan ang malinaw na ipinakita ng Diyos sa panaginip ng hari. Because ultimately, ang karunungang kailangan natin ay hindi lang yung wisdom sa pagboto. Pero yung wisdom na makita yung mas malaking perspective. Hindi ng pulitika sa bansa natin, kundi ng kaharian ng Diyos.
The Kingdom of God (vv. 31-45)
The Kingdom of God (vv. 31-45)
Heto ang panaginip na nakita ng hari, sinabi ni Daniel sa kanya (vv. 31-35). Isang malaking rebulto. May nakakasilaw na liwanag. Nakakatakot tingnan. Ang ulo ay pure gold. Ang dibdib at bisig naman ay silver. Ang tiyan at hita nito ay bronze. Parang medal awards sa Olympic games, bagamat pare-parehong winners at may honor, mas mataas ang gold, at mas mababa ang silver and bronze. Ang mga binti naman ay bakal at ang mga paa ay magkahalong bakal at putik. Very unstable ang rebultong ito. Magalaw mo lang nang konti ay tutumba na. Ganun nga yung nakita niya sa panaginip niya. Merong isang tipak ng bato na hindi gawa ng kamay ng tao—“a stone was cut out by no human hand” (v. 34)—ang tumama sa paa ng rebulto, nadurog ito. Pagkatapos, ang buong rebulto ay bumagsak, gumuho, at nadurog din—“At parang naging ipa sa giikan na ipinadpad ng hangin kung saan-saan. Pero ang batong bumagsak sa paa ng rebulto ay naging malaking bundok at pumuno sa buong mundo” (v. 35 ASD).
‘Yan ang panaginip ng hari, sumunod namang sinabi ni Daniel kung ano ang ibig sabihin nito (vv. 36-45):
37 Mahal na Hari, kayo ang hari ng mga hari. Ginawa kayong hari ng Dios sa langit at binigyan ng kapangyarihan, kalakasan, at karangalan. 38 Ipinasakop niya sa inyo ang mga tao, mga hayop at mga ibon sa lahat ng dako. Kayo ang sumisimbolo sa gintong ulo ng rebulto.
39 “Ang susunod sa inyong kaharian ay mas mahina kaysa sa inyo. Pagkatapos, ang ikatlong kaharian ay sumisimbolo ng tansong bahagi ng rebulto, at ang kahariang ito ay maghahari sa buong mundo. 40 At ang ikaapat na kaharian ay kasintatag ng bakal. Kung paanong ang bakal ay dumudurog, ang kahariang ito ay dudurog din ng ibang mga kaharian. 41 Ang mga paa na yari sa bakal at luwad ay nangangahulugan ng mahahating kaharian. Pero mananatili itong malakas, dahil ikaw mismo ang nakakita na may halo itong bakal. 42 Ang mga daliring bakal at luwad na mga paa ay nangangahulugan na may bahagi ang kaharian na matibay at may bahaging mahina. 43 Ang pagsasama ng bakal at luwad ay nangangahulugang magkakaisa ang mga pinuno ng mga kahariang ito sa pamamagitan ng pag-aasawa ng magkaibang lahi. Pero hindi rin magtatagal ang kanilang pagkakaisa, katulad ng bakal at luwad na hindi maaaring paghaluin. (ASD)
Gaano man katanyag ang isang kaharian, babagsak at babagsak din ito. Anumang “glory days” meron ang isang kingdom, lilipas at lilipas din ito. Gaano man kahaba ang panunungkulan ng isang hari, mapapalitan at mapapalitan din ito. Magandang pakinggan ang “pagkakaisa” (v. 43), “pero hindi rin magtatagal” kung ito ay gawa-gawa lang ng tao. Ang Diyos “ang nagbabago ng panahon. Siya ang nagpapasya kung sino ang maghahari at siya rin ang nag-aalis sa kanila sa trono” (v. 21 ASD). Yung head of gold ay siguradong tumutukoy kay King Nebu at sa kanyang Babylonian empire. Ang common at conservative interpretation nung iba pang bahagi ng rebulto ay ganito: yung silver ay tumutukoy sa sumunod sa Babylon, ang Medo-Persian empire. Ang bronze naman ay yung Greek empire. Ang partly iron/partly clay ay yung Rome. May iba namang interpretation ang mga liberal scholars tungkol dito. Pero ang punto dito, at pinakaimportante ay hindi yung exact identification nung four empires, “but to fix Nebuchadnezzar’s mind on the inevitability of the coming and triumph of the kingdom of God” (Wallace, The Message of Daniel, 58).
Verse 44, “Sa panahon ng mga haring ito, ang Dios sa langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi babagsak kailanman. Hindi ito matatalo ng alinmang kaharian, kundi wawasakin pa niya ang lahat ng kaharian at mananatili ito magpakailanman” (ASD). Matatag, hindi matitinag. Pangmatagalan, walang katapusan. This kingdom will bring an end to all human kingdoms set up in rebellion against God. Ito yung bato na “cut from a mountain by no human hand” (v. 45). Sabi ng hari kanina: “my word is firm” (vv. 5, 8). Pero hindi ‘yan “firm” kung ikukumpara sa salita ng Diyos, “the God of heaven” (v. 44), “a great God” (v. 45). “The dream is certain, and its interpretation sure” (v. 45).
Sigurado ngang ganun ang nangyari. Dumating ang batong ito na hindi gawa ng kamay ng tao. Ang Anak ng Diyos mismo ay nagkatawang-tao at nanirahan kasama ng tao (John 1:14). Ipinanganak siya ng isang birhen (hindi gawa ng tao, but from the Holy Spirit). Sabi ng anghel kay Mary, “He will reign over the house of Jacob forever, and of his kingdom there will be no end” (Luke 1:33). Inalok siya ni Satanas na ibibigay sa kanya ang lahat ng kaharian sa mundo—“all this authority and their glory”—kung sasambahin siya ni Jesus (Luke 4:6-7). Jesus said no. Ang kanyang kaharian ay wala sa mundong ito (John 18:36). Ang pagdating niya ay pagdating ng kaharian ng Diyos (Mark 1:14-15; 12:28).
Sa pagpasok niya sa Jerusalem—Palm Sunday—sinalubong siya ng mga tao, “Blessed is the King who comes in the name of the Lord” (Luke 19:38)! Pero hindi siya ang hari na inaasahan nila. Tila gumuho ang pag-asa nila nang siya ay ipako sa krus. Defeated, destroyed by his enemies. But no. Yun ang tagumpay ni Jesus laban sa kanyang mga kaaway—kay Satanas, sa kasalanan, sa kamatayan. By his death, dinurog niya ang ulo ng ahas (Gen. 3:15) at lahat ng kahariang nagrerebelde sa kanya, “triumphing over them in him” (Col. 2:15). Ang kanyang muling pagkabuhay ang patunay nito. Ang kanyang pag-akyat sa langit at pag-upo sa kanan ng Diyos ang kanyang coronation as King of kings and Lord of lords. Patuloy siyang namamahala sa buhay natin as King sa pamamagitan ng kanyang mga salita—his word is firm—at ng kanyang Espiritu. And one day, the King will return. “The kingdom of the world has become the kingdom of our Lord and of his Christ, and he shall reign forever and ever” (Rev. 11:15).
Ang kinabukasan ng bawat Pilipino, ng mga anak natin, and in fact, the destiny of all nations and its governments depends on Christ. With a clear reference sa Daniel 2, ganito ang nakasulat sa Matthew 21:44, “Ang bumagsak sa batong ito ay magkakadurug-durog at ang mabagsakan nito'y magkakaluray-luray” (MBB). ‘Yan ang kahihinatnan ng sinuman—presidente man o ordinaryong mamamayan—na hindi kumikilala kay Jesus bilang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. Kaya heto ang panawagan ni Jesus sa bawat isa sa atin, “The time is fulfilled, and the kingdom of God is at hand; repent and believe in the gospel” (Mark 1:15). Naniniwala ka ba sa salita ni Cristo o salita ng kandidato ang higit na pinaniniwalaan mo? No wonder, natatakot ka, nababalisa, no rest, no peace dahil ang seguridad mo ay nakabatay sa kaharian ng tao.
But for all of us who are in Christ, taglay natin ang kakaibang kumpiyansa, kapanatagan, kapayapaan, lakas ng loob na harapin anuman ang kahihinatnan ng halalang darating. In Christ, we have the wisdom, power, and courage of Daniel. At kapag nanatili tayong tapat kay Cristo, we hope na maging maganda ang outcome. Parang diyos ang pagpaparangal ng hari kay Daniel. Yumukod, inalayan, nagsunog ng insenso (Dan. 2:46). Binigyan ng “high honors” at napakaraming regalo. Naging “ruler” ng buong Babylon, at tagapanguna ng mga wise men (v. 48), similar sa nangyari kay Joseph sa Genesis. Pati ang mga kaibigan niya, na-promote din dahil sa kanya (v. 49). Si Daniel naman ay nanatili sa palasyo ng hari.
Anuman ang mangyari, mananatili tayong naglilingkod sa Hari ng mga hari. At ito rin ang hangad natin para sa lahat ng tao. Tulad ng nangyari kay King Nebu, nakilala ang Diyos (“Truly, your God is God of gods and Lord of kings,” v. 47) although not truly converted tulad ng makikita natin sa susunod na kuwento. Our mission is to point people and convert people to Christ, hanggang ang buong mundo ay mapuno ng kaalaman tungkol sa kanya (Hab. 2:14; Matt. 24:14). Ang misyon natin ay hindi i-convert ang mga pula na maging pink, o ang mga pink na magswitch sa ibang kandidato. You can do that, but remember na ang authority na bigay sa atin ni Cristo is to make disciples of all nations at turuan sila na sumunod sa lahat ng utos niya (Matt. 28:18-20).
At ang mas nakaka-excite sa atin ay hindi ang sumali sa isang political rally kasama ang 100,000 katao at ipagsigawan ang pangalan ng isang tao. Kundi ang makiisa sa kahit 50 o 100 katao na nagtitipon para sumamba sa Diyos na Hari ng lahat at ipagsigawan sa awit, panalangin, at pangangaral ang pangalan ni Cristo, “Jesus reigns forever.” We have an opportunity to make a political statement. Pero hindi primarily sa social media. But through the local church. Hindi sa pag-eendorso ng isang partikular na kandidato, kundi sa pamamagitan ng pagiging miyembro, aktibong miyembro ng church, na sinasabi mo, at sinasabi ng church kasama mo, “Jesus is King of kings and Lord of lords. Jesus is my King. Wala nang iba.” Anumang usaping pulitika para sa atin ay dapat nakapailalim sa kaharian ng Diyos.