Part 3 - Idolatry and Devotion

Politics and the Kingdom of God  •  Sermon  •  Submitted
0 ratings
· 53 views
Notes
Transcript
Sermon Tone Analysis
A
D
F
J
S
Emotion
A
C
T
Language
O
C
E
A
E
Social
View more →

Introduction

This political season is a test of our faith as Christians. Mainit ang mga usaping pulitika. Sabi nga ng isang kilala kong pastor, wala pa tayo sa point ng maturity kung political theology ang pag-uusapan. Ako rin naman. Kailangang maging maingat kung ano ang hindi dapat sabihin, kung ano ang dapat sabihin, at kung sa paanong paraan dapat sabihin. Sa init ng mga usaping pulitika, even among us Christians na hindi nagkakasundo at nagkakaintindihan sa mga issues na ‘yan, nasusubok talaga tayo. At may pagkakataon na bumabagsak. Nakakalimutan natin na itong pagsubok na ito ay isa ring pagkakataon na ipakita sa maraming tao—lalo na sa mga non-Christians—kung sino ang Diyos na sinasamba at pinagtitiwalaan natin. Kaso nga, bumabagsak tayo kung pagpapakilala sa Diyos ang pag-uusapan.
Ano ang ugat na sanhi nitong failure natin to represent who our God is in the political arena? Hindi lang naman dahil kulang at marami tayong hindi alam sa mga bagay-bagay sa mga kandidato at mga issues na may kinalaman sila. Totoo ‘yan, pero ang pinaka-problema natin ay ang maling pagkakilala sa Diyos, o maliit na pagkakilala sa Diyos, o pagkalimot kung sino ang Diyos na nakilala na natin. Ang totoo, we don’t have a political problem; we have a worship problem.
Tulad ni King Nebuchadnezzar ng Babylon. Dahil hari, powerful ‘yan, mayaman, popular, parang nasa kanya na ang lahat. Except, hindi niya kilala kung sino ang Diyos. ang Diyos na kilala ni Daniel at ng tatlo niyang dabarkads. Sabi nga niya tungkol sa Diyos niya, “Siya ang nagbabago ng mga panahon at mga kapanahunan; siya’y nag-aalis ng mga hari, at naglalagay ng mga hari (ESV, sets up kings)” (Dan. 2:21 AB). Dahil sa paliwanag ni Daniel sa panaginip ng hari, nagkaroon siya ng “konting” pagkakilala sa Diyos. Sabi ng hari kay Daniel, “Tunay na ang inyong Diyos ay Diyos ng mga diyos, at Panginoon ng mga hari” (Dan. 2:47). Isa lamang sa maraming mga diyos, polytheist pa rin. Ni hindi pa nga #1 ang Diyos sa kanya. Marami pa siyang ibang diyos, at baka siya pa nga ang #1.

Setting Up Idols (Dan. 3:1-7)

Nakilala lang niya nang “konti” ang Diyos, pero siya gusto niyang ipakilalang mabuti kung sino siya. Ano ang ginawa niya? Gumawa siya ng isang rebultong ginto na 27 meters ang taas, at kulang 3 meters ang lapad (Dan. 3:1). Try to imagine kung gaano kataas ‘yan, at purong ginto ‘yan. Itinayo niya ‘yan sa plains of Dura, sa province of Babylon (v. 1). Hindi ba’t ang panaginip niya (sa chap. 2) ay isang malaking rebulto rin? Pero ang ulo lang ang gawa sa purong ginto, yung iba ay gawa sa silver, bronze, at clay. Na ang ibig sabihin ay merong ibang kaharian na papalit sa kanya. Pero ang gusto niya, siya lang “forever.” No, no, no. Kingdom of God lang ang mananatiling nakatayo “forever” (2:44). Itong ginawa niya ay clearly a defiance of the dream given to him by God.
Ayaw niya na may ibang “diyos” na magtatayo ng kanyang kaharian. Gusto niya siya ang magtatayo. “Itinayo niya ito...” (ESV, “He set it up...”)—paulit-ulit ‘yan sa buong chapter 3 (vv. 2, 3, 5, 7, 12, 14, 18), in stark contrast, direct contradiction, an act of rebellion against God who “sets up kings” (2:21). Parang tore ng Babel sa Gen. 11. Sa halip na kumalat sila tulad ng nais ng Diyos, nagkaisa sila sa pagrerebelde sa Diyos. Gumawa ng tore abot langit daw, “Let us make a name for ourselves” (Gen. 11:4). Sa halip na pangalan ng Diyos ang maitaas, ibang pangalan ang gusto nating sambahin. Yan ang masamang hangarin ng mga kandidato, although hindi lahat, na para bang sila ay diyos. Sinasamba rin ng mga tao. Sa rally ni VP Leni sa Malolos, yung nasa malapit sa kanya, hinalikan ang paa niya at nagkrus. We are all prone to make idols out of politicians. At ang pinaka- sa mga idols natin ay ang sarili natin. We are Nebuchadnezzar.
Pagkatayo ng rebultong ginto, merong dedication ceremony (Dan. 3:2). Pinapunta niya ang mga VIPs, mga matataas na opisyal ng kanyang gobyerno—“mga tagapangasiwa ng lalawigan, mga kinatawan, mga gobernador, mga ingat-yaman, mga tagapayo, mga hukom, at ang lahat ng mga pinuno ng mga lalawigan.” At pumunta nga sila sa dedication ceremony, masunurin ‘yan sa hari siyempre, tumayo sa harapan ng rebulto itong (inulit na naman kung sinu-sino sila) “mga tagapangasiwa ng lalawigan, mga kinatawan, mga gobernador, mga hukom, ang mga ingat-yaman, mga tagapayo, mga pinuno at lahat ng pinuno ng mga lalawigan” (v. 3).
At naging malinaw na itong ipinatayo niyang rebulto ay hindi lang isang monumento para maalala siya ng mga tao kapag wala na siya. He’s inviting, no, commanding everyone to worship him! Heto ang utos, presidential, no, kingly decree sa “lahat ng mga bayan, mga bansa, at mga wika”: kapag narinig daw nila ang iba’t ibang musical instruments na tumutugtog na, ano ang gagawin, dapat nilang gawin? “Kayo’y magpapatirapa at sasamba sa rebultong ginto na ipinatayo” ng hari (vv. 4-5). At hindi pwedeng sumuway na walang kaparusahan: “Sinumang hindi magpatirapa at sumamba ay kaagad na ihahagis sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy” (v. 6). Hindi hamak na mas “mainit” ito kaysa sa pulitika sa panahong ito. Ngayon mainit lang ang awayan, sagutan, bangayan ng mga magkakatunggaling supporters ng mga magkakatunggaling kandidato. Pero dito, kapag sumuway ka sa utos ng hari, itatapon ka talaga sa apoy, “burning fiery furnace.”
Anong gagawin mo kung ikaw ang nandun? Natural, siyempre ayaw naman nating mamatay sa apoy. Gagawin natin ang lahat ng gagawin natin para iligtas ang sarili natin. Hindi lang dahil gusto nila ang hari, at sunud-sunuran sila, buhay din naman kasi nila ang nakasalalay. So ano ang ginawa nila?
Kaya't sa oras na iyon, nang marinig ng lahat ng mga bayan ang tunog ng tambuli, plauta, alpa, sambuko, salterio, at ng iba pang mga panugtog, ang lahat ng bayan, mga bansa, at mga wika, ay nagpatirapa at nagsisamba sa rebultong ginto na itinayo ng haring si Nebukadnezar (v. 7).
Sumunod at sumamba, hindi sa tunay na Diyos, kundi sa diyos-diyosan. Ikinalat na nga ng Diyos ang mga tao (“peoples, nations, and languages”) sa panahon ng tore ng Babel. At dito naman sa Babylon (Babel!) tinitipon ulit sila ni Nebuchadnezzar para magkaisa sa pagsamba sa rebulto. Hindi lahat ng pagkakaisa ay maganda. Ang pagkakaisa para magrebelde sa Diyos ay dapat itakwil ng bawat isang sumasamba sa tunay na Diyos. Hindi tayo dapat nakikisama sa ganyang klaseng pagkakaisa.
Madaling “makiisa” sa klase ng pulitika sa mundong ito. Pero baka natatangay ka na ng agos ng mundo. Baka nakikitulad ka na sa kanila na sinasamba ang kandidato, bulag na sa katotohanan, kahit kasinungalingan pinaniniwalaan, kahit kasamaan pinapanigan. Masarap naman talaga sa pakiramdam ang pakikiisa, yung maraming kasama, pare-pareho kayong may tinitingala na akala n’yo ay makapagliligtas sa inyo at makapagbibigay ng kailangan ninyo. Akala mo inililigtas mo ang sarili mo, pero napag-isipan mo na ba na itong pagsamba sa diyos-diyosan ay ikapapahamak mo? Sabi nga ni Jesus, “Whoever would save his life will lose it...” (Matt. 16:25). Kung ikaw ang magliligtas sa sarili mo, mapapahamak ka. Akala mo makakatakas ka sa apoy, but you will be thrown in the fires of hell, “apoy na walang katapusan…sa impiyerno ng apoy” (Matt. 18:8-9), a fire far worse than Nebuchadnezzar’s burning fiery furnace.
Heto yung buong verse sa Matthew 16:25 “For whoever would save his life will lose it, but whoever loses his life for my sake will find it.” Handa ka ba na mawalan ng mga kaibigan, na masiraan ng pangalan, na dumanas ng maraming kahirapan, at maging mawalan ng sariling buhay alang-alang sa pagsamba sa Diyos at pagsunod kay Cristo?

Unflinching Devotion (Dan. 3:8-18)

Tulad ng tatlong mga kaibigan ni Daniel na sina Hananiah, Mishael, at Azariah, na mas kilala na sa Babylonian names nila—Shadrach, Meshach, Abednego. Parang Gomburza (hindi Mahoja!). Wala sa eksena si Daniel, malamang ay nasa palasyo ng hari. Prominente dito sa story na ‘to yung tatlong kaibigan niya na matatapang. Mula simula walang kumpromiso. Kahit utos ng hari susuwayin kung ito ay paglabag sa utos ng Diyos. May limit ang submission natin sa governing authorities. We are subject to a higher authority. We are citizens of the kingdom of God, yun ang primary identity and allegiance natin.
Meron ngang nakakita sa kanila na sinuway nila ang utos ng hari. Pero malamang ay may vindictive agenda na yung mga ito, at hindi dahil lang sa allegiance nila sa hari. That is why they “maliciously accused the Jews” (v. 8). Heto ang sumbong nila sa hari, ipinaalalang mabuti ang utos niya, at ang parusang nararapat, baka siguro feeling nila may special favor ang hari sa kanila:
“O hari, mabuhay ka magpakailanman!
10 Ikaw, O hari, ay gumawa ng utos na bawat taong makarinig sa tunog ng tambuli, plauta, alpa, sambuko, salterio, tambol, at ng iba pang mga panugtog, ay magpapatirapa at sasamba sa rebultong ginto.
11 At sinumang hindi magpatirapa at sumamba ay ihahagis sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy.
12 May ilang mga Judio na iyong itinalaga sa pamamahala sa lalawigan ng Babilonia na sina Shadrac, Meshac, at Abednego. O hari, ang mga lalaking ito ay hindi nakinig sa iyo. Sila'y hindi naglilingkod sa iyong mga diyos, ni nagsisisamba man sa rebultong ginto na iyong itinayo.”
Ang paratang nila, na totoo naman, ay binabalewala nila ang utos ng hari, hindi sumasamba sa mga diyos ng hari, at sa rebultong ipinatayo niya. Obviously, hindi popular yung action nila. Alam nila ang consequences. Pero nanatili silang matatag at nakatayo sa conviction nila. Parang sila lang ‘no? Baka yung ibang Jews nagcompromise na rin. Baka nakalimot na rin sa kung sino ang Diyos. Baka mas pinagkatiwalaan pa nila o mas kinatakutan ang hari ng Babylon kaysa kay Yahweh. Sabi nga ni Iain Duguid:
This highlights the fact that standing up for God will often be a lonely activity. There are times in every life when to do what is right we cannot simply hide in the crowd; we have to stand more or less alone. (Daniel, Reformed Expository Commentary, p. 50)
Maninindigan ba tayo na katulad nila? Madali sa atin ang magsabi ng yes, pero kapag lalong uminit ang sitwasyon, kapag mas lalong nalagay tayo sa alanganin, magkakasubukan talaga.
Ano ang reaksyon ng hari nang mabalitaan ito? Siyempre nagalit, “poot at galit,” “in furious rage,” pinatawag niya ang tatlo. Tinanong, “Totoo ba ang nabalitaan ko” (v. 14)? At para makasigurado na hindi fake news ang nakarating na balita sa kanya, binigyan sila ng isa pang pagkakataon to demonstrate their loyalty sa kanya.
Mabuti kung kayo'y handa ngayon na magpatirapa at sumamba sa rebultong ginawa ko sa sandaling inyong marinig ang tunog ng tambuli, plauta, alpa, sambuko, salterio, tambol, at ng iba pang mga panugtog. Ngunit kapag kayo'y hindi sasamba, kayo'y kaagad na ihahagis sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy; at sinong diyos ang magliligtas sa inyo sa aking mga kamay? (v. 15)
Nandun na naman yung banta ng mabigat na parusa—death by burning. At yung tanong niya, “Sinong diyos ang magliligtas sa inyo sa aking mga kamay?”, grabe ‘yang taas ng tingin niya sa sarili niya, na para bang siya na ang pinakamakapangyarihan sa lahat. Yung pagkilala niya sa Diyos ni Daniel sa chapter 2 ay parang karagdagan lang sa mga listahan ng kanyang mga diyos, at siya pa ang lumalabas na diyos ng mga diyos, hari ng mga hari. Oh what arrogance in the heart of men na ipinalalagay na sila ay mas mataas pa kaysa sa Diyos!
Nakakatakot malagay sa ganitong sitwasyon. Pero isang opportunity para ipakilala kung sino itong “diyos” na magliligtas sa kanila. Hindi patitinag ang kanilang pananampalataya. Sagot nila:
O Nebukadnezar, hindi namin kailangang sagutin ka sa bagay na ito.
17 Kung mangyayari na ang aming Diyos na pinaglilingkuran namin ay makapagliligtas sa amin sa hurno ng nagniningas na apoy; ay hayaang iligtas niya kami sa iyong kamay, O hari.
18 Ngunit kung sakali mang hindi, dapat mong malaman, O hari, na hindi kami maglilingkod sa iyong mga diyos, ni sasamba man sa rebultong ginto na iyong ipinatayo.”
Hindi kilala ng hari ang Diyos na kilala ng tatlong ito. Siya ang Diyos na pinaglilingkuran nila, hindi ang hari o ang kanyang mga diyos. Ni hindi sila sasamba sa rebultong ginto ng hari, sapagkat yun ay paglabag sa malinaw na utos ng Diyos sa una at ikalawang utos: “Huwag kang sasamba sa ibang diyos maliban sa akin. Huwag kayong gagawa ng imahen…para sambahin.” Handa silang sundin ang Diyos maging buhay man ang kapalit. Tulad ng mga apostol, nang pagbawalan silang ipangaral si Jesus, sagot nila, “Kung matuwid sa paningin ng Diyos na makinig muna sa inyo sa halip na sa Diyos, kayo ang humatol, sapagkat hindi maaaring hindi namin sabihin ang aming nakita at narinig” (Acts 4:18-20). Nang ipakulong sila, at pagsabihan ulit na huminto na sa preaching, sagot nila, “We must obey God rather than men” (Acts 5:29).
It will cost them a lot. It will cost us our lives kapag ganyan ang paninindigan natin. Itong tatlong lalaki, handa silang sundin ang Diyos dahil naniniwala sila na ang Diyos ang tanging Tagapagligtas nila. Naniniwala sila na God is able to save them. Hindi yun presumption on their part. Pag-claim yun sa pangako ng Diyos sa kanila kaya wala silang dapat ikatakot (Isa. 43:1): “Kapag ikaw ay dumaraan sa tubig, ako'y makakasama mo; at sa pagtawid sa mga ilog ay hindi ka nila aapawan, kapag ikaw ay lumalakad sa apoy, hindi ka masusunog; at hindi ka tutupukin ng apoy” (v. 2). Hindi ba’t kinakanta natin ‘yan dati? “Dumaan man ako sa ilog, di ako malulunod; dumaan man ako sa apoy di ako masusunog, kasama natin ang Diyos.” Pero siyempre, malulunod ka, masusunog ka. Pero hindi mangyayari yun kung ang nais ng Diyos ay iligtas ka. Kaya hindi presumption yun sa part nung tatlong lalaki. Sabi nga nila, na kahit hindi sila iligtas ng Diyos, patuloy pa rin silang susunod. Bakit? Kasi maaaring yung inaakala nating paraan ng pagliligtas ng Diyos ay iba pala sa kung ano ang nakaplano sa kanya. Hindi ba’t maraming mga Cristiano ang sinunog dahil sa pananampalataya nila? Hindi sila iniligtas ng Diyos sa apoy, pero naranasan pa rin nila ang mas higit na pagliligtas ng Diyos dahil tinanggap nila ang karangalan at ang buhay na walang hanggan sa kaharian ng Diyos.
E tayo? Sino ang kinikilala nating diyos? Siya rin yung “functional savior” mo. At ito ang isang problema sa pulitika natin ngayon. Ginagawa nating “diyos” at “tagapagligtas” ang mga kandidato lalo na sa pagka-pangulo. Akala natin, kapag kandidato natin ang nanalo, maililigtas na ang bansa sa korapsyon at kahirapan. Akala natin, kapag natalo naman kandidato natin, magiging mala-impiyerno na ang bansa natin. We don’t say those things out loud, of course. Pero siyasatin natin ang puso natin. Nasaan ba ang tiwala natin? Si Cristo ba ang kinikilala talaga nating Tagapagligtas? Mas nagiging deboto ba tayo sa isang tao kaysa sa Panginoong Jesu-Cristo?

God’s Rescuing Grace (Dan. 3:19-25)

Ano ulit ang crucial question sa kuwentong ito? Tanong ng hari, “Sino ang diyos na makapagliligtas sa inyo mula sa aking mga kamay?” Ano naman ang sagot nila? “Ang Diyos na pinaglilingkuran namin ay makapagliligtas amin.” God is able to save. But is he willing to save them? Tingnan natin.
Ano ang reaksyon ng hari sa unflinching devotion nina Shadrach, Meshasch, at Abednego? Kung kanina, “galit at poot”/“in furious rage” (v. 13), ngayon naman ay ibang level na, “napuno ng galit”/“filled with fury” (v. 19). Punung-puno na, sasabog na, nagliliyab na sa galit. Kitang-kita na sa mukha niya yung galit. Kaya pinainitan pa niya ang pugon ng seven times, yung pinakatodong init na. At para sigurado, inutusan niyang kumuha at maghagis sa kanila ay yung best of his army, “mighty men of his army” (v. 20). Sa sobrang init nga, paghagis ng mga lalaking ito kina Shadrach, Meshach at Abednego, sila ang unang “pinatay ng liyab ng apoy” (vv. 21-22). Oh, what irony, baligtad ang nangyari. Yung sumunod sa utos ng hari ang nasunog, yun namang sumuway sa utos niya, at sumunod sa Diyos, ay siyang nakaligtas. “Ngunit ang tatlong lalaking ito, sina Shadrac, Meshac, at Abednego, ay bumagsak na nakagapos sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy” (v. 23). Nandun lang sila sa gitna ng apoy, buhay pa rin. God is mighty to save.
Tanong ni Nebuchadnezzar, “sino ang diyos na makapagliligtas sa inyo?” Heto na ang sagot, ipinamukha sa kanya. Mula sa pagiging galit at galit na galit, ang reaksyon niya ngayon ay “astonishment” (v. 24). Napatayo siya agad. At nagtataka. Sabi niya sa mga personal advisers niya, “Di ba’t tatlo lang ang inihagis natin sa apoy?” “Opo, mahal na hari,” sagot naman nila. Sabi ng hari, “Tingnan ninyo, ang nakikita ko'y apat na lalaki na hindi nakagapos na naglalakad sa gitna ng apoy at sila'y walang paso at ang anyo ng ikaapat ay gaya ng isang anak ng mga diyos” (v. 25). “Like a son of the gods” daw yung nakita ng hari.
Sino yung fourth man na kasama nila? Sabi ng ibang interpreters, yun daw ay isang Christophany, an appearance of Christ, the Son of God, in the Old Testament. Maybe. Maybe not. We are not sure. Or maybe an angel na pinadala ng Diyos to give them divine, supernatural protection. Tulad ng sabi ng hari sa v. 28, “Purihin ang Diyos…na nagsugo ng kanyang anghel at nagligtas sa kanyang mga lingkod...” Whatever the case, klaro na ang Diyos ang nagligtas sa kanila, na siya ring Diyos na nagligtas sa mga Israelita sa pagkakaalipin sa Egipto, na para ring nasa burning fiery furnace sila, na sumama sa kanila sa paglalakbay sa disyerto, na siyang paulit-ulit na nagliligtas sa kanila sa kanilang mga kaaway, na siya ring Diyos na magbabalik sa kanila sa Judah pagkatapos ng pagkakaalipin nila sa burning fiery furnace ng Babylon. They don’t have to compromise their faith dahil ang Diyos ang kanilang Tagapagligtas.
Hindi man si Cristo yung “fourth man” na kasama ng tatlong lalaki sa pugon, ito pa rin ay nagtuturo kay Cristo na ating Tagapagligtas mula sa apoy ng impiyerno. Siya ang ating Immanuel, God with us. Siya yung perfectly faithful sa Diyos. Kahit offer-an siya ng diyablo ng lahat ng kayamanan sa mundo basta sambahin lang siya, he said “no!” Siya yung umako ng nagliliyab na apoy ng galit ng Diyos nang siya’y patayin sa krus, para tayo naman na nararapat parusahan dahil sa ating mga idolatries, unfaithfulness, and worldly compromise ay maituring na matuwid sa harapan ng Diyos. At siya rin ang Diyos na nangako na sasamahan tayo, through the Holy Spirit na ipinadala niya sa atin, sa anumang mabibigat na pagsubok o “fiery trial” (1 Pet. 4:12) na pagdadaanan natin, para sa halip na tayo’y masunog, ay maging paraan pa ng katuparan ng layunin ng Diyos sa atin—“so that the tested genuineness of your faith—more precious than gold that perishes though it is tested by fire—may be found to result in praise and glory and honor at the revelation of Jesus Christ” (1 Pet. 1:7). Ang mga apoy na pagdaraanan natin sa mundong ito ay hindi parusa ng Diyos, kundi pagpapadalisay niya sa atin.
Sa bandang huli, hindi naman natin kailangang ipagtanggol ang sarili natin. Meron tayong Tagapagligtas. At ang Diyos ang gagawa ng paraan para maipakilala na siya lang ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Jesu-Cristo. So itong mga pagsubok na pinagdadaanan natin, na sinusubok talaga ang katapatan natin at pagtitiwala natin sa Diyos, during this crazy political season, ay para patibayin tayo, palakasin tayo, at parangalan si Jesu-Cristo.

Will You Worship the Only Savior? (Dan. 3:26-30)

Ang mga pangyayaring ito ay naging witness sa kapangyarihan ng Diyos. Pinalabas na sila ng hari, ni hindi naman sila tinablan ng apoy (v. 26). Maraming witnesses sa nangyari:
At ang mga tagapangasiwa ng lalawigan, mga kinatawan, mga gobernador, at ang mga tagapayo ng hari ay nagtipun-tipon at nakita na ang apoy ay hindi nagkaroon ng anumang kapangyarihan sa katawan ng mga lalaking ito. Ang mga buhok ng kanilang mga ulo ay hindi nadarang (MBB, hindi nasunog ni bahagya man), ni nasunog man ang kanila mga suot, ni nag-amoy apoy man sila. (v. 27)
If God is for us, who can be against us (Rom. 8:31)?
Nagpuri ang hari sa Diyos dahil saksi siya sa kaligtasang ginawa ng Diyos: “Purihin ang Diyos nina Shadrac, Meshac, at Abednego, na nagsugo ng kanyang anghel at nagligtas sa kanyang mga lingkod na nagtiwala sa kanya.” Saksi din siya sa tibay ng pananampalataya ng tatlong lalaking ito: “Kanilang sinuway ang utos ng hari, at isinuko ang kanilang mga katawan kaysa maglingkod o sumamba sa sinumang diyos maliban sa kanilang sariling Diyos” (v. 28).
At nagkaroon na ng revision o addendum sa kanyang decree:
29 Kaya't ako'y nag-uutos na ang bawat bayan, bansa, at wika, na magsalita ng anumang masama laban sa Diyos nina Shadrac, Meshac, at Abednego, ay pagpuputul-putulin, at ang kanilang mga bahay ay gagawing bunton ng basura, sapagkat walang ibang diyos na makapagliligtas sa ganitong paraan.”
Tanong niya kanina, “Sinong diyos ang makapagliligtas sa inyo?” Tanong niya, sagot niya ngayon, “Walang ibang diyos na makapagliligtas sa ganitong paraan.” “There is no other god who is able to rescue in this way.” Masarap pakinggan kapag makarinig ka ng ganito, as a result of your devotion to God. Na may naimpluwesiyahan ka man lang na isang tao, at lalo pa kung pulitiko, para makilala nila ang tunay na Diyos. At may bonus promotion pa para sa kanila, “Nang magkagayo'y, itinaas ng hari sa katungkulan sina Shadrac, Meshac, at Abednego sa lalawigan ng Babilonia” (v. 30). Pero hindi tayo ang may kailangan sa kanila. Sila, mga unbelievers, politicians man o hindi, they need to hear the gospel na nasa atin, na we are not ashamed of the gospel, kasi alam nating ito ang power of God for our salvation, and their salvation (Rom. 1:16).
But don’t be fooled by appearances. Hindi komo nagsabi na ng pangalan ni Jesus, Christian na agad. Yung isang kandidato sa rally ni VP Leni, sabi, “God is good...” Sagot ng mga tao “...all the time.” Sabi niya, “All the time...” Sagot ng mga tao, “…God is good.” Parang si Nebuchadnezzar, sinabi lang naman niya sa mga tao na wag magsalita nang laban sa Diyos nina Shadrach, Meshach, at Abednego. Pero tuloy pa rin naman sila sa pagsamba sa ibang mga diyos. Hindi kumpleto ang pagkakilala mo sa Diyos kung meron ka pang ibang kinikilalang diyos. Hindi lang siya not one among many, not even first among many. He is the only one na karapat-dapat sambahin, paglingkuran at pagtiwalaan. Wala nang iba.
At karapat-dapat siyang sambahin hindi lang ng iisa, hindi lang ng hari, hindi lang mga kandidato, hindi lang mga naririto ngayon, kundi ng lahat ng lahi sa buong mundo. Pansinin n’yong mabuti yung simula at dulo ng kuwentong ito. Sino ang inutusan ng hari na sumamba sa rebulto? “O peoples, nations, and languages” (v. 4). Sino ang sumunod? “All the peoples, nations, and languages fell down and worshiped” (v. 7). Sino ang inutusan ulit sa dulo ng kuwento? “Any people, nation, or language” (v. 29), at least yung sakop ng Babylon. Mula sa tore ng Babel sa Genesis 11 kung saan nagsimula ang iba’t ibang lahi, iba’t ibang mga wika, hanggang sa pagbabalik ng Panginoong Jesus, ganito ang vision na nakita ni apostle John:
Revelation 7:9–10 ESV
After this I looked, and behold, a great multitude that no one could number, from every nation, from all tribes and peoples and languages, standing before the throne and before the Lamb, clothed in white robes, with palm branches in their hands, and crying out with a loud voice, “Salvation belongs to our God who sits on the throne, and to the Lamb!”
Yan ang napakasarap na makita na araw na darating. Na hindi lang tatlong tao ang tatayo sa pagsamba sa nag-iisang Diyos, hindi lang tatlong daan, hindi lang 300,000. Kundi “a great multitude that no one could number.” Yan ang kinalungkot ko noong nakapunta ako sa rally ni VP Leni sa Malolos. Napakaraming tao. Estimate nila 140,000 daw. Festive ang atmosphere. Masarap pakinggan ang talumpati ng bise-presidente. Nagsisigawa ang mga tao. “Leni, Leni, Leni!” Sa ibang rally naman, “BBM! BBM!” O sa iba, “Manny! Manny!” Tapos nag-aawitan sila kasabay ng mga entertainers. Kung tutuusin, hindi na ganun kahalaga kung sino man ang mananalo sa May 9, o kung iba man ang iboboto ng mga kaibigan natin kaysa sa kung sino ang gusto natin. Ang pinakamahalaga sa lahat, tumatayo tayong lahat, sumisigaw tayong lahat, umaawit tayong lahat, lumuluhod tayong lahat para kay Cristo, wala nang iba.
At sa mga sasabihin natin at gagawin natin, siya ang ipakilala natin na nag-iisang Diyos, “Sa kanya lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan sa buong daigdig na ibinigay ng Diyos sa mga tao upang tayo ay maligtas” (Acts 4:12). Siya lang ang Tagapagligtas ng lahat ng mga kandidato, ng lahat ng mga Pilipino, at ng lahat ng mga lahi sa buong mundo. Wala nang ibang katulad niya.
Related Media
See more
Related Sermons
See more